Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagsasamahang may Pagkakaisa
133 Napakagandang tingnan ang mga mamamayan ng Dios na namumuhay nang may pagkakaisa.
2 Itoʼy parang mamahaling langis na ibinuhos sa ulo ni Aaron na dumaloy sa kanyang balbas at kwelyo ng damit.
3 Katulad din ito ng hamog sa Bundok ng Hermon na umaabot sa Bundok ng Zion.
At dito sa Zion ay nangako ang Panginoon na magbibigay nang pagpapala, at itoʼy ang buhay na walang hanggan.
Ginawang Tagapamahala si Jose sa Egipto
37 Nagustuhan ng hari at ng kanyang mga opisyal ang mungkahi ni Jose. 38 Sinabi niya sa kanyang mga opisyal, “Wala na tayong makikita pang ibang tao na kagaya ni Jose na ginagabayan ng Espiritu ng Dios.”
39 Kaya sinabi ng Faraon kay Jose, “Sapagkat sinabi sa iyo ng Dios ang mga bagay na ito, wala na sigurong iba pang tao na may kaalaman at pang-unawa na kagaya mo. 40-41 Gagawin kita ngayon na tagapamahala ng aking kaharian at gobernador ng buong Egipto, at susunod sa iyo ang lahat ng tauhan ko. Pero mas mataas pa rin ang karapatan ko kaysa sa iyo.” 42 Tinanggal agad ng Faraon ang kanyang singsing na pangtatak at isinuot sa daliri ni Jose. Pinasuotan niya si Jose ng espesyal na damit na gawa sa telang linen at pinasuotan ng gintong kwintas. 43 Ipinagamit din niya kay Jose ang kanyang pangalawang karwahe,[a] at may mga tagapamalita na mauuna sa kanya na sumisigaw, “Lumuhod kayo sa gobernador!” Kaya simula noon, naging gobernador si Jose sa buong lupain ng Egipto.
44 Sinabi pa ng Faraon kay Jose, “Ako ang hari rito sa Egipto, Pero walang sinuman ang gagawa ng kahit ano rito sa Egipto nang walang pahintulot mo.” 45 Pinangalanan niya si Jose ng Zafenat Panea. Pinag-asawa rin niya si Jose kay Asenat na anak ni Potifera na pari mula sa lungsod ng On. Bilang gobernador, si Jose na ang namahala sa Egipto.
46 Si Jose ay 30 taong gulang pa lang nang magsimulang maglingkod sa Faraon. Umalis siya sa palasyo at umikot sa buong Egipto.
47 Tunay ngang naging masagana ang ani sa loob ng pitong taong kasaganaan. 48 At sa panahong iyon, ipinaipon ni Jose ang lahat ng nakolekta galing sa mga ani.[b] Ipinatago niya sa bawat lungsod ang mga ani na galing sa bukid sa palibot nito. 49 Napakarami ng trigong naipon ni Jose; parang kasing dami ng buhangin sa tabing-dagat. Itinigil na lang niya ang pagtatakal nito dahil hindi na ito makayanang takalin.
50 Bago dumating ang taggutom, ipinanganak ang dalawang anak ni Jose kay Asenat na anak ni Potifera na pari ng lungsod ng On. 51 Pinangalanan ni Jose ang panganay na Manase[c] dahil ayon sa kanya, “Dahil sa tulong ng Dios, nakalimutan ko ang mga paghihirap ko at ang aking pananabik sa sambahayan ng aking ama.” 52 Pinangalanan niya ang pangalawa niyang anak na Efraim.[d] Sapagkat ayon sa kanya, “Dahil sa tulong ng Dios, naging masagana ako sa lugar kung saan nakaranas ako ng mga paghihirap.”
53 Natapos na ang pitong taong kasaganaan sa Egipto, 54 at nagsimula na ang pitong taong taggutom katulad ng sinabi ni Jose. May taggutom sa ibaʼt ibang lugar pero may pagkain sa buong Egipto. 55 Dumating ang panahon na naramdaman din ng mga taga-Egipto ang taggutom, kaya humingi sila ng pagkain sa hari. Sinabi ng hari sa kanila, “Pumunta kayo kay Jose dahil siya ang magsasabi sa inyo kung ano ang gagawin ninyo.”
56 Lumaganap ang taggutom kahit saan. At dahil sa matinding taggutom sa buong Egipto, pinabuksan ni Jose ang lahat ng kamalig at pinagbilhan ng pagkain ang mga taga-Egipto. 57 Pumunta rin sa Egipto ang halos lahat ng bansa para bumili ng pagkain kay Jose dahil matindi ang taggutom sa kanilang bansa.
19 May mga Judiong dumating mula sa Antioc na sakop ng Pisidia at sa Iconium. Kinumbinsi nila ang mga tao na kumampi sa kanila. Pagkatapos, pinagbabato nila si Pablo at kinaladkad palabas ng lungsod sa pag-aakalang siyaʼy patay na. 20 Pero nang paligiran siya ng mga tagasunod ni Jesus, bumangon siya at bumalik sa lungsod. Kinabukasan, pumunta silang dalawa ni Bernabe sa Derbe.
Bumalik sina Pablo at Bernabe sa Antioc na Sakop ng Syria
21 Ipinangaral nina Pablo at Bernabe ang Magandang Balita sa Derbe at marami silang nahikayat na sumunod kay Jesu-Cristo. Pagkatapos, bumalik na naman sila sa Lystra, Iconium, at sa Antioc na sakop ng Pisidia. 22 Pinatatag nila ang mga tagasunod ni Jesus at pinayuhang magpatuloy sa kanilang pananampalataya. Sinabi pa nila, “Maraming kahirapan ang dapat nating danasin para mapabilang sa paghahari ng Dios.” 23 Pumili sina Pablo at Bernabe ng mga mamumuno sa bawat iglesya. Nag-ayuno sila at nanalangin para sa mga napili, at ipinagkatiwala nila ang mga ito sa Panginoon na kanilang pinananaligan.
24 Pagkatapos, dumaan sila sa Pisidia at dumating sa Pamfilia. 25 Nangaral sila roon sa Perga at pagkatapos ay bumaba sila sa Atalia. 26 Mula roon, bumiyahe sila pabalik sa Antioc na sakop ng Syria. Ito ang lugar na kanilang pinanggalingan, at dito rin sila ipinanalangin ng mga mananampalataya na pagpalain ng Dios ang kanilang gawain na ngayon ay natapos na nila.
27 Nang dumating sina Pablo at Bernabe sa Antioc, tinipon nila ang mga mananampalataya[a] at ikinuwento sa kanila ang lahat ng ginawa ng Dios sa pamamagitan nila, at kung paanong binigyan ng Dios ang mga hindi Judio ng pagkakataong sumampalataya. 28 At nanatili sila nang matagal sa Antioc kasama ang mga tagasunod ni Jesus doon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®