Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Mamuhay Ayon sa Liwanag
5 Kaya bilang mga minamahal na anak, tularan ninyo ang Diyos. 2 (A) Mamuhay kayo sa pag-ibig, kung paanong inibig tayo ni Cristo at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin bilang isang mabangong handog at alay sa Diyos. 3 Tulad ng nararapat sa mga banal, hindi dapat mabanggit man lamang tungkol sa inyo ang pakikiapid at anumang uri ng karumihan, o kasakiman. 4 Hindi rin dapat magkaroon sa inyo ng kalaswaan, ni hangal na usapan, o magagaspang na birong wala sa lugar, sa halip ay ang pagpapasalamat. 5 Sapagkat alam na alam ninyo ito na walang mapakiapid, o taong marumi ang pamumuhay, o sakim, na isang uri ng taong sumasamba sa mga diyus-diyosan, ang tatanggap ng pamana sa kaharian ni Cristo at ng Diyos. 6 Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga walang kabuluhang salita, sapagkat dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Diyos sa mga suwail na anak. 7 Kaya't huwag kayong makikibahagi sa kanila. 8 Sapagkat kayo noon ay kadiliman, ngunit ngayon sa Panginoon kayo ay liwanag. Mamuhay kayo bilang mga anak ng liwanag.— 9 Sapagkat ang bunga ng liwanag ay matatagpuan sa mga bagay na mabuti, matuwid at totoo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.