Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Kapanganakan at Paghahari ng Prinsipe ng Kapayapaan
9 Gayunman(A) ay hindi magkakaroon ng kapanglawan sa kanya na nasa pagkahapis. Nang unang panahon ay dinala niya sa paghamak ang mga lupain ng Zebulon at Neftali, ngunit sa huling panahon ay gagawin niyang maluwalhati ang daang patungo sa dagat, ang lupain sa kabila ng Jordan, ang Galilea ng mga bansa.
2 Ang(B) bayan na lumakad sa kadiliman
ay nakakita ng dakilang liwanag;
silang naninirahan sa lupain ng matinding kadiliman,
sa kanila sumikat ang liwanag.
3 Iyong pinarami ang bansa,
iyong pinarami ang kanilang kagalakan.
Sila'y nagagalak sa harap mo
gaya ng kagalakan sa pag-aani,
gaya ng mga tao na nagagalak kapag kanilang pinaghahatian ang samsam.
4 Sapagkat ang pamatok na kanyang pasan,
at ang pingga sa kanyang balikat,
ang panghampas ng nagpapahirap sa kanya,
ay iyong sinira na gaya sa araw ng Midian.
Awit ni David.
27 Ang Panginoon ay aking liwanag at aking kaligtasan;
sino ang aking katatakutan?
Ang Panginoon ay muog ng aking buhay;
sino ang aking kasisindakan?
4 Isang bagay ang hiningi ko sa Panginoon,
na aking hahanapin;
na ako'y makapanirahan sa bahay ng Panginoon,
sa lahat ng mga araw ng aking buhay,
upang mamasdan ang kagandahan ng Panginoon,
at sumangguni sa kanyang templo.
5 Sapagkat ako'y ikukubli niya sa kanyang kanlungan
sa araw ng kaguluhan
sa ilalim ng kanyang tolda ako'y kanyang itatago,
at itataas niya ako sa ibabaw ng isang malaking bato.
6 At ngayo'y itataas ang aking ulo
sa aking mga kaaway sa palibot ko;
at ako'y maghahandog sa kanyang tolda
ng mga alay na may sigaw ng pagsasaya.
Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga papuri sa Panginoon.
7 Dinggin mo kapag ako'y sumisigaw ng aking tinig, O Panginoon,
kaawaan mo ako at sa akin ay tumugon.
8 Sinabi mo, “Hanapin ninyo ang aking mukha;” sabi ng aking puso sa iyo,
“Ang iyong mukha, Panginoon, ay aking hinahanap.”
9 Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin.
Sa galit, ang iyong lingkod ay huwag mong paalisin,
ikaw na naging saklolo sa akin.
Huwag mo akong itakuwil, huwag mo akong pabayaan,
O Diyos ng aking kaligtasan!
Pagkakabaha-bahagi sa Iglesya
10 Mga kapatid, ngayon ay nananawagan ako sa inyo sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kayong lahat ay magsalita ng isang bagay lamang, at huwag magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi, kundi kayo'y magkaisa sa isang pag-iisip at layunin lamang.
11 Sapagkat iniulat sa akin ng mga kasamahan ni Cloe ang tungkol sa inyo, na sa inyo'y may mga pagtatalu-talo, mga kapatid ko.
12 Ang(A) ibig kong sabihin ay ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi, “Ako'y kay Pablo,” o “Ako'y kay Apolos,” at “Ako'y kay Cefas,” at “Ako nama'y kay Cristo.”
13 Si Cristo ba ay nahati? Si Pablo ba ay ipinako sa krus dahil sa inyo? O kayo ba ay binautismuhan sa pangalan ni Pablo?
14 Ako(B) ay nagpapasalamat sa Diyos na hindi ko binautismuhan ang sinuman sa inyo, maliban kay Crispo at kay Gayo;
15 baka masabi ng sinuman na kayo'y binautismuhan sa pangalan ko.
16 Binautismuhan(C) ko rin ang sambahayan ni Estefanas. Maliban sa kanila, hindi ko alam kung ako ay may binautismuhan pang iba.
17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang ipangaral ang magandang balita, hindi sa pamamagitan ng mahusay na pananalita, upang ang krus ni Cristo ay huwag mawalan ng kapangyarihan.
Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos
18 Sapagkat ang salita ng krus ay kahangalan sa mga napapahamak, ngunit sa atin na inililigtas, ito ay kapangyarihan ng Diyos.
Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain sa Galilea(A)
12 Nang(B) mabalitaan ni Jesus[a] na dinakip si Juan, pumunta siya sa Galilea.
13 Nang(C) iwan niya ang Nazaret, siya ay pumunta at tumira sa Capernaum, na nasa tabing-dagat, na sakop ng Zebulon at Neftali,
14 upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias:
15 “Ang(D) lupain ni Zebulon at ang lupain ni Neftali,
patungo sa dagat, sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Hentil—
16 Ang bayang nakaupo sa kadiliman,
ay nakakita ng dakilang ilaw,
at sa mga nakaupo sa lupain at lilim ng kamatayan,
ang liwanag ay sumilay.”
17 Mula(E) noon si Jesus ay nagpasimulang mangaral na nagsasabi, “Magsisi kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.”
Tinawag ni Jesus ang mga Unang Alagad(F)
18 Sa paglalakad ni Jesus[b] sa tabi ng Dagat ng Galilea, nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, na naghuhulog ng lambat sa dagat, sapagkat sila'y mga mangingisda.
19 Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”
20 Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
21 At sa kanyang paglakad mula roon ay nakita niya sa bangka ang dalawa pang magkapatid, si Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kanyang kapatid, kasama si Zebedeo na kanilang ama, na nag-aayos[c] ng lambat; at kanyang tinawag sila.
22 Kaagad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod sa kanya.
Nangaral at Nagpagaling ng mga Maysakit si Jesus(G)
23 At(H) nilibot ni Jesus ang buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang ebanghelyo ng kaharian, at nagpapagaling ng lahat ng sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001