Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ni David.
29 Mag-ukol(A) kayo sa Panginoon, O mga anak ng makapangyarihan,
mag-ukol kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.
2 Iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian na nararapat sa kanyang pangalan;
sambahin ninyo ang Panginoon sa banal na kagayakan.
3 Ang tinig ng Panginoon ay nasa ibabaw ng mga tubig;
ang Diyos ng kaluwalhatian ay kumukulog,
ang Panginoon, sa ibabaw ng maraming tubig.
4 Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan,
ang tinig ng Panginoon ay puspos ng kadakilaan.
5 Ang tinig ng Panginoon ay bumabali ng mga sedro;
binabali ng Panginoon ang mga sedro ng Lebanon.
6 Kanyang pinalulukso ang Lebanon na gaya ng guya,
at ang Sirion na gaya ng mailap na guyang baka.
7 Ang tinig ng Panginoon ay nagpapasiklab ng mga ningas ng apoy.
8 Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang ilang,
niyayanig ng Panginoon ang ilang ng Kadesh.
9 Pinaaanak ng tinig ng Panginoon ang mga usa,
at hinuhubaran ang mga gubat;
at ang lahat sa kanyang templo ay nagsasabi, “Kaluwalhatian!”
10 Ang Panginoon ay nakaupo sa trono sa ibabaw ng baha;
ang Panginoon ay nakaluklok bilang hari magpakailanman.
11 Ang Panginoon nawa ay magbigay ng lakas sa kanyang bayan!
Basbasan nawa ng Panginoon ang kanyang bayan ng kapayapaan!
Namuno si Samuel sa Israel
3 Nagsalita si Samuel sa buong sambahayan ng Israel, “Kung kayo'y nanunumbalik sa Panginoon nang inyong buong puso ay inyo ngang alisin ang ibang mga diyos at ang mga Astarot na nasa inyo. Ituon ninyo ang inyong mga puso sa Panginoon, at sa kanya lamang kayo maglingkod at ililigtas niya kayo sa kamay ng mga Filisteo.”
4 Kaya't inalis ng mga anak ni Israel ang mga Baal at ang mga Astarot, at ang Panginoon lamang ang kanilang pinaglingkuran.
Nagtagumpay si Samuel Laban sa Filisteo
5 Sinabi ni Samuel, “Tipunin ninyo ang buong Israel sa Mizpa at idadalangin ko kayo sa Panginoon.”
6 Kaya't sila'y nagtipun-tipon sa Mizpa, umigib ng tubig, ibinuhos sa harap ng Panginoon, at nag-ayuno nang araw na iyon. Sinabi nila roon, “Kami ay nagkasala laban sa Panginoon.” At naghukom si Samuel sa mga anak ni Israel sa Mizpa.
7 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na ang mga anak ni Israel ay nagtipon sa Mizpa, umahon laban sa Israel ang mga panginoon ng mga Filisteo. Nang mabalitaan iyon ng mga anak ni Israel, sila ay natakot sa mga Filisteo.
8 Sinabi ng mga anak ni Israel kay Samuel, “Huwag kang tumigil ng pagsamo para sa atin sa Panginoon nating Diyos, upang iligtas niya tayo sa kamay ng mga Filisteo.”
9 Kumuha si Samuel ng isang korderong pasusuhin at inihandog bilang buong handog na sinusunog sa Panginoon. Dumaing si Samuel sa Panginoon para sa Israel; at ang Panginoon ay sumagot sa kanya.
10 Samantalang si Samuel ay naghahandog ng handog na sinusunog, lumapit ang mga Filisteo upang lumusob sa Israel; ngunit ang Panginoon ay nagpakulog ng isang malakas na kulog nang araw na iyon sa mga Filisteo at nilito sila. Sila'y nabuwal sa harap ng Israel.
11 Ang mga lalaki ng Israel ay lumabas sa Mizpa at hinabol ang mga Filisteo at pinatay sila hanggang sa ibaba ng Betcar.
12 Nang magkagayo'y kumuha si Samuel ng isang bato at inilagay sa pagitan ng Mizpa at ng Sen. Tinawag ang pangalan nito na Ebenezer[a] sapagkat sinasabi niya, “Hanggang dito'y tinulungan tayo ng Panginoon.”
13 Kaya't nagapi ang mga Filisteo at hindi na muling pumasok sa nasasakupan ng Israel. Ang kamay ng Panginoon ay laban sa Filisteo sa lahat ng mga araw ni Samuel.
14 Ang mga bayang sinakop ng mga Filisteo sa Israel ay ibinalik sa Israel, mula sa Ekron hanggang sa Gat; at binawi ng Israel ang kanilang nasasakupan mula sa kamay ng mga Filisteo. Nagkaroon din ng kapayapaan sa pagitan ng Israel at ng mga Amoreo.
15 Naghukom si Samuel sa Israel sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.
16 Siya'y nagpalibut-libot taun-taon sa Bethel, Gilgal, at Mizpa; at naghukom siya sa Israel sa mga lugar na ito.
17 Pagkatapos ay bumabalik siya sa Rama, sapagkat naroroon ang kanyang tahanan, at doon ay pinapangasiwaan din niya ang katarungan sa Israel. Nagtayo siya roon ng isang dambana sa Panginoon.
19 at pagkatapos kumain ay muli siyang lumakas. Sa loob ng ilang araw ay kasama siya ng mga alagad na nasa Damasco.
Ang Pangangaral ni Saulo sa Damasco
20 Agad niyang ipinangaral sa mga sinagoga si Jesus, na sinasabing siya ang Anak ng Diyos.
21 Lahat nang nakarinig sa kanya ay namangha, at nagsabi, “Hindi ba ito ang lalaking pumuksa sa Jerusalem sa mga tumatawag sa pangalang ito? At naparito siya para sa layuning ito, upang sila'y dalhing nakagapos sa harap ng mga punong pari.”
22 Ngunit lalo pang naging makapangyarihan sa pangangaral si Saulo, at kanyang nilito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco sa pagpapatunay na si Jesus ang Cristo.
23 Nang(A) makalipas ang maraming araw, nagbalak ang mga Judiong siya'y patayin.
24 Ngunit ang kanilang balak ay nalaman ni Saulo. Kanilang binantayan ang mga pintuan araw at gabi upang siya'y patayin;
25 ngunit nang gabi na, kinuha siya ng kanyang mga alagad, at siya'y ibinaba sa kabila ng pader; inihugos siya sa isang tiklis.
Si Saulo sa Jerusalem
26 Nang siya'y dumating sa Jerusalem, pinagsikapan niyang makisama sa mga alagad. Silang lahat ay natakot sa kanya sapagkat hindi sila naniniwala na siya'y isang alagad.
27 Subalit kinuha siya ni Bernabe, iniharap siya sa mga apostol, isinalaysay sa kanila kung paanong nakita niya sa daan ang Panginoon, na nakipag-usap sa kanya, at kung paanong siya'y nangaral sa Damasco na may katapangan sa pangalan ni Jesus.
28 Kaya't siya'y naging kasa-kasama nila sa Jerusalem,
29 na nangangaral na may katapangan sa pangalan ng Panginoon. Siya'y nagsalita at nakipagtalo sa mga Helenista at pinagsikapan nilang siya'y patayin.
30 Nang malaman ito ng mga kapatid, kanilang inihatid siya sa Cesarea, at siya'y pinapunta sa Tarso.
31 Sa gayo'y nagkaroon ng kapayapaan at tumatag ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria, na namumuhay na may takot sa Panginoon at may kaaliwan ng Espiritu Santo, ito ay dumami.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001