Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
40 Matiyaga akong naghintay sa Panginoon;
kumiling siya sa akin at pinakinggan ang aking daing.
2 Iniahon niya ako sa hukay ng pagkawasak,
mula sa putikang lusak,
at itinuntong niya ang mga paa ko sa isang malaking bato,
at pinatatag ang aking mga hakbang.
3 Nilagyan niya ng bagong awit ang aking bibig,
isang awit ng pagpupuri sa ating Diyos.
Marami ang makakakita at matatakot,
at magtitiwala sa Panginoon.
4 Mapalad ang tao na kaniyang ginawang tiwala ang Panginoon,
na hindi bumabaling sa mga mapagmataas,
pati sa mga naligaw sa kamalian.
5 Pinarami mo, O Panginoon kong Diyos,
ang iyong mga kagila-gilalas na gawa at ang iyong mga pag-aalala sa amin;
walang maaaring sa iyo'y ihambing!
Kung aking ipahahayag ang mga iyon at isasaysay,
ang mga iyon ay higit kaysa mabibilang.
6 Hain(A) at handog ay hindi mo ibig,
ngunit binigyan mo ako ng bukas na pandinig.
Handog na sinusunog at handog pangkasalanan
ay hindi mo kinailangan.
7 Nang magkagayo'y sinabi ko: “Narito, ako'y dumarating;
sa balumbon ng aklat ay nakasulat ang tungkol sa akin;
8 kinaluluguran kong sundin ang iyong kalooban, O Diyos ko;
ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.”
9 Ako'y nagpahayag ng masayang balita ng kaligtasan
sa dakilang kapulungan;
narito, ang aking mga labi ay hindi ko pipigilan,
O Panginoon, iyong nalalaman.
10 Hindi ko ikinubli ang iyong katuwiran sa loob ng aking puso;
ibinalita ko ang iyong katapatan at ang pagliligtas mo;
hindi ko inilihim ang iyong tapat na pag-ibig at ang iyong katapatan
sa dakilang kapulungan.
11 Huwag mong ipagkait sa akin, O Panginoon,
ang iyong kahabagan,
lagi nawa akong ingatan
ng iyong tapat na pag-ibig at ng iyong katapatan!
Babala Laban kay Sebna
15 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo, “Ikaw ay humayo, pumaroon ka sa katiwalang ito, sa Sebna, na siyang katiwala sa bahay, at iyong sabihin sa kanya:
16 Anong karapatan mo rito? Sinong mga kamag-anak mo rito at gumawa ka rito ng isang libingan para sa iyo? Gumagawa ka ng libingan sa itaas, at umuukit ka ng tahanan para sa iyong sarili sa malaking bato!
17 Ibabagsak kang bigla ng Panginoon, ikaw na malakas na tao. Hahawakan ka niya ng mahigpit.
18 Paiikutin ka niya nang paiikutin, at itatapon ka na parang bola sa malaking lupain. Doon ka mamamatay, at doon malalagay ang iyong magagarang mga karwahe, ikaw na kahihiyan ng sambahayan ng iyong panginoon.
19 At aalisin kita sa iyong katungkulan, at sa iyong kinaroroonan ay ibubuwal ka.
20 Sa araw na iyon ay aking tatawagin ang aking lingkod na si Eliakim na anak ni Hilkias,
21 at aking susuotan siya ng iyong balabal, at ibibigkis sa kanya ang iyong pamigkis, at aking ipagkakatiwala ang iyong kapangyarihan sa kanyang kamay; at siya'y magiging ama sa mga naninirahan sa Jerusalem at sa sambahayan ni Juda.
22 Ang(A) katungkulan sa sambahayan ni David ay iaatang ko sa kanyang balikat; at siya'y magbubukas, at walang makapagsasara; at siya'y magsasara, at walang makapagbubukas.
23 At aking ikakapit siya na parang tulos sa isang matibay na dako; at siya'y magiging trono ng karangalan sa sambahayan ng kanyang magulang.
24 Kanilang ibibitin sa kanya ang buong bigat ng sambahayan ng kanyang magulang, ang mga anak at ang angkan, bawat maliit na sisidlan, mula sa mga tasa hanggang sa mga malalaking sisidlan.
25 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, matatanggal ang tulos na ikinabit sa matibay na dako. Ito'y puputulin at mahuhulog, at ang pasan na nasa ibabaw niyon ay maglalaho, sapagkat sinabi ng Panginoon.”
Kaisa-isang Ebanghelyo
6 Ako'y namamangha na napakabilis ninyong iniwan siya na tumawag sa inyo sa biyaya ni Cristo at bumaling kayo sa ibang ebanghelyo.
7 Hindi sa may ibang ebanghelyo, kundi mayroong ilan na nanggugulo sa inyo at nagnanais na baluktutin ang ebanghelyo ni Cristo.
8 Subalit kahit kami, o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng ebanghelyo na iba sa aming ipinangaral sa inyo, ay hayaan siyang sumpain!
9 Gaya ng aming sinabi noong una, at muli kong sinasabi ngayon, kung ang sinuman ay mangaral sa inyo ng ebanghelyo na iba kaysa inyong tinanggap na ay hayaan siyang sumpain!
10 Ako ba'y naghahangad ngayon ng pagsang-ayon ng mga tao o ng Diyos? O sinisikap ko bang bigyang-lugod ang mga tao? Kung ako'y nagbibigay-lugod pa rin sa mga tao, hindi sana ako naging alipin ni Cristo.
Ang Pagkatawag kay Pablo
11 Sapagkat nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang ebanghelyo na aking ipinangaral ay hindi ayon sa tao.
12 Sapagkat hindi ko ito tinanggap mula sa tao, o itinuro man sa akin, kundi sa pamamagitan ng pahayag ni Jesu-Cristo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001