Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
39 Sumagot sila at sinabi sa kanya, “Ama namin si Abraham.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo ay mga anak ni Abraham, gagawin ninyo ang ginawa ni Abraham. 40 Subalit ngayon ay gusto ninyo akong patayin, isang taong nagsasabi sa inyo ng katotohanang narinig ko sa Diyos; hindi ito ang ginawa ni Abraham. 41 Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.” Sinabi nila sa kanya, “Hindi kami ipinanganak sa pakikiapid, mayroon kaming isang Ama, ang Diyos.” 42 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Diyos ang inyong Ama, mamahalin sana ninyo ako dahil ako ay galing sa Diyos at naparito. Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan, dahil isinugo niya ako. 43 Bakit hindi ninyo maunawaan ang sinasabi ko? Dahil hindi ninyo kayang pakinggan ang salita ko. 44 (A)Kayo ay mula sa inyong amang diyablo, at ang hangarin ninyo ay gawin ang mga gusto ng ama ninyo. Siya ay mamamatay-tao mula pa sa simula, at hindi naninindigan sa katotohanan sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag siya ay nagsisinungaling, nangungusap siya ayon sa kanyang kalikasan, dahil siya ay sinungaling at ama ng kasinungalingan. 45 Pero dahil nagsasabi ako ng katotohanan, hindi kayo naniniwala sa akin. 46 Sino sa inyo ang makasusumbat sa akin ng kasalanan? Kung nagsasabi ako ng katotohanan, bakit hindi kayo naniniwala sa akin? 47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos; ang dahilan kung bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga ito ay dahil hindi kayo nagmula sa Diyos.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.