Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
6 Dumating na ang panahon ng aking pagpanaw. Ibinuhos na ang aking buhay tulad ng isang inuming-handog. 7 Nakipaglaban ako nang mabuti, natapos ko na ang aking takbuhin, nanatili ako sa pananampalataya. 8 Ngayon ay nakalaan na sa akin ang koronang inilaan sa mga matuwid, na sa araw na iyon ay igagawad sa akin ng Panginoon, ang makatarungang hukom. Ngunit ito'y hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang muling pagdating.
16 Sa unang paglilitis ay walang sumama sa akin; pinabayaan ako ng lahat. Huwag nawa itong ibilang ng Panginoon laban sa kanila. 17 Ngunit hindi ako pinabayaan ng Panginoon! Sinamahan niya ako at binigyan ng lakas upang maipahayag ang mensahe at mapakinggan ito ng lahat ng mga Hentil. At gaya ng pagkaligtas mula sa bibig ng leon, ako'y naligtas mula sa tiyak na kamatayan. 18 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa bawat masamang gawa at siya rin ang maghahatid sa akin sa kanyang kaharian sa langit. Sa kanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Talinghaga tungkol sa Fariseo at sa Maniningil ng Buwis
9 Isinalaysay naman ni Jesus ang talinghagang ito sa mga mapagtiwala sa sarili, mapanghamak sa iba sa paniniwalang sila ay matuwid. 10 “Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang manalangin—isang Fariseo at isang maniningil ng buwis. 11 Ganito ang panalangin ng Fariseo habang mag-isa siyang nakatayo, ‘Diyos ko, pinasasalamatan kita na hindi ako tulad ng ibang tao—mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya o gaya ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang ulit akong nag-aayuno sa isang linggo. Nagbibigay ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.’ 13 Samantala, ang maniningil ng buwis ay nakatayo sa malayo, hindi man lamang makatingin sa langit at binabayo ang kanyang dibdib sa pagsasabing, ‘Diyos ko, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan.’ 14 Sinasabi ko sa inyo, umuwi ang taong iyon na itinuring na matuwid ng Diyos at hindi ang Fariseo. Sapagka't ang bawat nagtataas ng kanyang sarili ay ibababa at ang bawat nagbababa ng sarili ay itataas.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.