Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Mga Tagubilin sa mga Pamilyang Cristiano
18 Mga (A) babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong asawa, na siya namang nararapat sa Panginoon. 19 Mga (B) lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa at huwag kayong maging malupit sa kanila. 20 Mga (C) anak, sumunod kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng mga bagay, sapagkat ito'y kasiya-siya sa Panginoon. 21 Mga ama, (D) huwag ninyong itulak sa galit ang inyong mga anak upang hindi sila panghinaan ng loob. 22 Mga (E) alipin, sa lahat ng bagay ay sumunod kayo sa inyong mga panginoon dito sa lupa. Buong puso kayong maglingkod; hindi lamang kapag sila'y nakatingin. Gawin ninyo ito nang may takot sa Panginoon upang magbigay-kasiyahan sa tao. 23 Anuman ang inyong gagawin ay buong puso ninyong gawin, na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao; 24 yamang alam ninyo na tatanggap kayo mula sa Panginoon ng pamana bilang gantimpala. Sa Panginoong Jesu-Cristo kayo naglilingkod. 25 Sapagkat (F) ang gumagawa ng masama ay tatanggap ng kaukulang ganti sa kasamaang ginawa niya; pantay-pantay ang lahat sa bagay na ito.
4 Kayong mga (G) panginoon, ipagkaloob ninyo sa inyong mga alipin kung ano ang makatarungan at nararapat, sapagkat alam ninyo na kayo ay mayroon ding Panginoon sa langit.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.