Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 81:1-10

Awit para sa Pagdiriwang

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ni Asaf.

81 Umawit kayo nang malakas sa Diyos na ating kalakasan;
    sumigaw sa Diyos ni Jacob dahil sa kagalakan!
Umawit kayo at patunugin ninyo ang pandereta,
    ang masayang lira at ang alpa.
Hipan(A) ninyo ang trumpeta kapag bagong buwan,
    sa kabilugan ng buwan, sa ating araw ng pagdiriwang.
Sapagkat ito ay isang tuntunin para sa Israel,
    isang batas ng Diyos ni Jacob.
Ginawa niya itong patotoo sa Jose,
    nang siya'y lumabas sa lupain ng Ehipto.

Ako'y nakarinig ng tinig na hindi ko kilala:
“Pinagaan ko ang pasan sa iyong balikat;
    ang iyong mga kamay ay pinabitiw sa basket.
Ikaw(B) ay tumawag nang nasa kaguluhan, at iniligtas kita;
    sinagot kita sa lihim na dako ng kulog;
    sinubok kita sa tubig ng Meriba. (Selah)
O bayan ko, habang kita'y pinaaalalahanan, ako'y iyong dinggin,
    O Israel, kung ikaw sana'y makikinig sa akin!
Hindi(C) magkakaroon ng ibang diyos sa inyo;
    at huwag kang yuyukod sa ibang diyos.
10 Ako ang Panginoon mong Diyos,
    na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.
    Buksan mo nang maluwang ang iyong bibig, at ito'y aking pupunuin.

Exodo 31:12-18

Ang Pangingilin sa Sabbath

12 At sinabi ng Panginoon kay Moises,

13 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Inyong ipapangilin ang aking mga Sabbath, sapagkat ito'y isang tanda sa akin at sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, upang inyong makilala na akong Panginoon ang nagpapabanal sa inyo.

14 Inyong ipapangilin ang Sabbath, sapagkat iyon ay banal para sa inyo. Bawat lumapastangan dito ay walang pagsalang papatayin, sapagkat sinumang gumawa ng anumang gawa sa araw na iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.

15 Anim(A) na araw na gagawin ang gawain, subalit ang ikapitong araw ay Sabbath ng taimtim na pagpapahinga, banal sa Panginoon; sinumang gumawa ng anumang gawa sa araw ng Sabbath ay walang pagsalang papatayin.

16 Kaya't ang mga anak ni Israel ay mangingilin ng Sabbath, na iingatan ang Sabbath sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi, bilang isang palagiang tipan.

17 Ito'y(B) isang tanda sa akin at sa mga anak ni Israel magpakailanman na sa loob ng anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, at sa ikapitong araw siya ay nagpahinga at naginhawahan.’”

Tinanggap ni Moises ang Dalawang Tapyas ng Bato

18 Pagkatapos na makapagsalita ang Diyos[a] sa kanya sa ibabaw ng bundok ng Sinai, kanyang ibinigay kay Moises ang dalawang tapyas ng tipan, ang mga tapyas na bato na sinulatan ng daliri ng Diyos.

Mga Gawa 25:1-12

Dumulog si Pablo sa Emperador

25 Pagkaraan ng tatlong araw, pagkarating ni Festo sa lalawigan, pumunta siya sa Jerusalem mula sa Cesarea,

at doon ang mga punong pari at ang mga pinuno ng mga Judio ay nag-ulat sa kanya laban kay Pablo. Sila'y nanawagan sa kanya,

at nakiusap bilang tulong sa kanila laban kay Pablo, na siya ay ilipat sa Jerusalem. Sila'y nagbabalak ng pananambang upang siya'y patayin sa daan.

Sumagot si Festo na si Pablo ay binabantayan sa Cesarea, at siya mismo ay pupunta roon sa lalong madaling panahon.

“Kaya nga,” sinabi niya, “ang mga lalaking may awtoridad sa inyo ay sumama sa akin, at kung may anumang pagkakasala ang taong ito, magharap sila ng sakdal laban sa kanya.”

Pagkatapos na siya'y makatigil sa kanila nang hindi hihigit sa walo o sampung araw, ay pumunta siya sa Cesarea, at nang sumunod na araw ay umupo siya sa hukuman, at iniutos na dalhin si Pablo.

Nang siya'y dumating, ang mga Judio na dumating mula sa Jerusalem ay tumayo sa paligid niya na may dalang marami at mabibigat na mga paratang laban sa kanya na hindi nila mapatunayan.

Sinasabi ni Pablo sa kanyang pagtatanggol, “Hindi ako nagkasala ng anuman laban sa kautusan ng mga Judio, ni laban sa templo, ni laban kay Cesar.”

Ngunit si Festo, sa pagnanais na gawan ng ikalulugod ang mga Judio, ay nagsabi kay Pablo, “Ibig mo bang pumunta sa Jerusalem at doon ka litisin sa mga bagay na ito sa harapan ko?”

10 Ngunit sinabi ni Pablo, “Dudulog ako sa hukuman ni Cesar; doon ako dapat litisin. Wala akong ginawang masama sa mga Judio, tulad ng alam na alam mo.

11 Kung ako ay isang salarin, at nakagawa ng anumang bagay na karapat-dapat sa kamatayan, hindi ako tatakas sa kamatayan. Ngunit kung walang katotohanan ang mga bagay na ipinagsasakdal nila laban sa akin, walang sinumang makapagbibigay sa akin sa kanila. Dudulog ako kay Cesar.”

12 At si Festo, pagkatapos sumangguni sa Sanhedrin, ay sumagot, “Nais mong dumulog kay Cesar; kay Cesar ka pupunta.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001