Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Makatarungang Hatol ng Dios
73 Tunay na mabuti ang Dios sa Israel,
lalo na sa mga taong malilinis ang puso.
2 Ngunit ako, halos mawalan na ako ng pananampalataya.
3 Nainggit ako nang makita ko na ang mayayabang at masasama ay umuunlad.
4 Malulusog ang kanilang mga katawan
at hindi sila nahihirapan.
5 Hindi sila naghihirap at nababagabag na tulad ng iba.
6 Kaya ipinapakita nila ang kanilang kayabangan at kalupitan.[a]
7 Ang kanilang puso ay puno ng kasamaan,
at ang laging iniisip ay paggawa ng masama.
8 Kinukutya nila at pinagsasabihan ng masama ang iba.
Mayayabang sila at nagbabantang manakit.
9 Nagsasalita sila ng masama laban sa Dios at sa mga tao.
10 Kaya kahit na ang mga mamamayan ng Dios ay lumilingon sa kanila at pinaniniwalaan ang mga sinasabi nila.
11 Sinasabi nila, “Paano malalaman ng Dios?
Walang alam ang Kataas-taasang Dios.”
12 Ganito ang buhay ng masasama:
wala nang problema, yumayaman pa.
13 Bakit ganoon? Wala bang kabuluhan ang malinis kong pamumuhay at paglayo sa kasalanan?
14 Nagdurusa ako buong araw.
Bawat umaga akoʼy inyong pinarurusahan.
15 Kung sasabihin ko rin ang sinabi nila,
para na rin akong nagtraydor sa inyong mga mamamayan.
16 Kaya sinikap kong unawain ang mga bagay na ito,
ngunit napakahirap.
17 Pero nang pumunta ako sa inyong templo,
doon ko naunawaan ang kahihinatnan ng masama.
18 Tunay na inilalagay nʼyo sila sa madulas na daan,
at ibinabagsak sa kapahamakan.
19 Bigla silang mapapahamak;
mamamatay silang lahat at nakakatakot ang kanilang kahahantungan.
20 Para silang isang panaginip na pagsapit ng umaga ay wala na.
Makakalimutan na sila kapag pinarusahan nʼyo na.
21 Nang nasaktan ang aking damdamin at nagtanim ako ng sama ng loob,
22 para akong naging hayop sa inyong paningin,
mangmang at hindi nakakaunawa.
23 Ngunit patuloy akong lumapit sa inyo at inakay nʼyo ako.
24 Ginagabayan ako ng inyong mga payo,
at pagkatapos ay tatanggapin nʼyo ako bilang isang pangunahing pandangal.
25 Walang sinuman sa langit ang kailangan ko kundi kayo lamang.
At walang sinuman sa mundo ang hinahangad ko maliban sa inyo.
26 Manghina man ang aking katawan at isipan, kayo, O Dios, ang aking kalakasan.
Kayo lang ang kailangan ko magpakailanman.
27 Ang mga taong lumalayo sa inyo ay tiyak na mapapahamak.
Ang mga nagtaksil sa inyo ay lilipuling lahat.
28 Ngunit ako, minabuti kong maging malapit sa Dios.
Kayo, Panginoong Dios, ang pinili kong kanlungan,
upang maihayag ko ang lahat ng inyong mga ginawa.
6 Muling sinabi ng Panginoon kay Job mula sa ipu-ipo,
7 “Ihanda mo ang iyong sarili, at sagutin mo ang mga tanong ko.
8 “Gusto mo bang patunayan na mali ako para palabasin na ikaw ang tama? 9 Ikaw baʼy makapangyarihang tulad ko? Magagawa mo bang parang kulog ang tinig mo na katulad ng sa akin? 10 Kung magagawa mo iyan, patunayan mo na ikaw ngaʼy makapangyarihan, marangal at dakila. 11-12 Ipakita mo ang matindi mong galit sa taong mayayabang at ibagsak sila. Wasakin mo ang taong masasama sa kanilang kinatatayuan. 13 Ilibing mo silang lahat sa lupa, sa lugar ng mga patay. 14 Kapag nagawa mo ang mga ito, ako ang pupuri sa iyo at tatanggapin ko na may kakayahan ka ngang iligtas ang iyong sarili.
42 Sinabi ni Job sa Panginoon,
2 “Alam ko pong magagawa nʼyo ang lahat ng bagay, at walang sinumang makapipigil sa inyo. 3 Ako poʼy tinanong nʼyo kung bakit ako nag-aalinlangan sa inyong karunungan, gayong wala naman akong nalalaman. Totoo pong nagsalita ako ng mga bagay na hindi ko naiintindihan at mga bagay na sa hindi ko lubos maunawaan.
4 “Nakipag-usap po kayo sa akin at sinabi nʼyong makinig ako sa inyo at sagutin ko ang mga tanong ninyo. 5 Noon ay naririnig ko lang po sa iba ang tungkol sa inyo, pero ngayon ay nakita ko na kayo. 6 Kaya ako ay nahihiya sa lahat ng sinabi ko tungkol sa inyo, ako po ngayon ay nagsisisi sa pamamagitan ng pag-upo sa abo at alikabok.”[a]
Sinabi ni Jesus na Ikakaila Siya ni Pedro(A)
31 Sinabi ni Jesus kay Pedro. “Simon, makinig kang mabuti! Humingi ng pahintulot si Satanas sa Dios na subukin niya kayong lahat tulad ng pag-aalis ng ipa sa mga trigo. 32 Ngunit nanalangin ako para sa iyo, na huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, palalakasin mo ang pananampalataya ng iyong mga kapatid.” 33 Sumagot si Simon, “Panginoon, handa po akong mabilanggo o mamatay na kasama ninyo.”
Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus(A)
54 Dinakip nila si Jesus at dinala sa bahay ng punong pari. Sumunod naman si Pedro pero nasa malayo siya. 55 Nagsiga sa gitna ng bakuran ang mga naroon at naupo sila sa paligid ng siga para magpainit. Nakiupo rin si Pedro sa kanila. 56 Nakita siya ng isang utusang babae sa tabi ng siga at tiningnang mabuti. Sinabi ng babae, “Kasamahan din ni Jesus ang lalaking ito!” 57 Pero itinanggi ito ni Pedro, “Babae, hindi ko siya kilala.” 58 Maya-maya, may nakakita na naman sa kanya at nagsabi, “Kasamahan ka rin nila, di ba?” “Aba, hindi!” sagot ni Pedro. 59 Pagkalipas ng isang oras, iginiit naman ng isa, “Totoong kasamahan din ni Jesus ang taong ito, dahil taga-Galilea rin siya.” 60 Pero sumagot si Pedro, “Hindi ko alam kung ano ang pinagsasabi mo!” At habang nagsasalita pa siya ay tumilaok ang manok. 61 Lumingon ang Panginoon at tiningnan si Pedro. Naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” 62 Kaya lumabas si Pedro at humagulgol.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®