Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 101

Ang Pangako ng Hari

101 Panginoon, aawit ako ng tungkol sa inyong pag-ibig at katarungan.
    Aawit ako ng mga papuri sa inyo.
Mamumuhay ako nang walang kapintasan.
    Kailan nʼyo ako lalapitan?
    Mamumuhay ako nang matuwid sa aking tahanan,[a]
at hindi ko hahayaan ang kasamaan.
    Namumuhi ako sa mga ginagawa ng mga taong tumatalikod sa Dios,
    at hindi ko gagawin ang kanilang ginagawa.
Lalayo ako sa mga taong baluktot ang pag-iisip;
    hindi ako sasali sa kanilang ginagawang kasamaan.
Sinumang lihim na naninira sa kanyang kapwa ay aking wawasakin.
    Ang mga hambog at mapagmataas ay hindi ko palalagpasin.
Ipapadama ko ang aking kabutihan sa aking mga kababayan na tapat sa Dios at namumuhay nang matuwid;
    silaʼy magiging kasama ko at papayagan kong maglingkod sa akin.
Ang mga mandaraya at mga sinungaling ay hindi ko papayagang tumahan sa aking palasyo.
Bawat araw ay lilipulin ko ang mga taong masama;
    mawawala sila sa bayan ng Panginoon.

2 Hari 18:19-25

19 Sinabi sa kanila ng kumander ng mga sundalo, “Sabihin nʼyo kay Hezekia na ito ang sinasabi ng makapangyarihang hari ng Asiria:

“ ‘Ano ba ang ipinagmamalaki mo? 20 Sinasabi mong maabilidad at malakas ang mga sundalo mo, pero walang kabuluhan ang mga sinasabi mo. Sino ba ang ipinagmamalaki mo at nagrerebelde ka sa akin? 21 Ang Egipto ba? Ang bansang ito at ang hari nito ay parang nabaling tungkod na nakakasugat sa kamay kapag ginamit mo. 22 Maaari ninyong sabihin na nagtitiwala kayo sa Panginoon na inyong Dios, pero hindi baʼt ikaw din Hezekia ang nagpagiba ng mga sambahan niya sa matataas na lugar pati ng mga altar nito. At sinabi mo pa sa mga nakatira sa Jerusalem at mga lungsod ng Juda na sumamba sila sa nag-iisang altar doon sa Jerusalem?’

23 “Ngayon inaalok ka ng aking amo, ang hari ng Asiria. Bibigyan ka namin ng 2,000 kabayo kung may 2,000 ka ring mangangabayo! 24 Hindi ka mananalo kahit sa pinakamababang opisyal ng aking amo. Bakit Umaasa ka lang naman sa Egipto na bibigyan ka nito ng mga karwahe at mangangabayo. 25 Iniisip mo bang hindi ako inutusan ng Panginoon na pumunta rito? Ang Panginoon mismo ang nag-utos sa akin na lusubin at lipulin ang bansang ito.”

2 Hari 19:1-7

Humingi ng Payo si Haring Hezekia kay Isaias(A)

19 Nang marinig ni Haring Hezekia ang balita, pinunit niya ang kanyang damit, nagdamit siya ng sako para ipakita ang kalungkutan niya at pumunta siya sa templo ng Panginoon para manalangin. Pinapunta niya kay Propeta Isaias na anak ni Amoz sina Eliakim na tagapamahala ng palasyo, Shebna na kalihim at ang mga punong pari na nakadamit ng sako.

Pagdating nila kay Isaias, sinabi nila sa kanya, “Ito ang sinabi ni Haring Hezekia: Ito ang panahon ng paghihirap, pagtutuwid at kahihiyan. Katulad tayo ng isang babae na malapit nang manganak na wala ng lakas para iluwal ang sanggol. Ipinadala ng hari ng Asiria ang kumander ng kanyang mga sundalo para kutyain ang Dios na buhay. Baka sakaling narinig ng Panginoon na iyong Dios ang lahat na sinabi ng kumander at parusahan ito sa sinabi niya. Kaya ipanalangin mo ang mga natira sa atin.”

Nang naipaalam na ng mga opisyal ni Haring Hezekia ang mensahe kay Isaias, sinabi ni Isaias sa kanila, “Sabihin ninyo sa inyong amo na ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Huwag kang matakot sa narinig mong paglapastangan sa akin ng mga tauhan ng hari ng Asiria. Pakinggan mo! Pupuspusin ko ng espiritu ang hari ng Asiria. Makakarinig siya ng balita na magpapabalik sa kanya sa sarili niyang bansa. At doon ko siya ipapapatay sa pamamagitan ng espada.’ ”

Lucas 18:18-30

Ang Lalaking Mayaman(A)

18 Isang pinuno ng mga Judio ang nagtanong kay Jesus, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 19 Sumagot si Jesus, “Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Dios lang ang mabuti, wala nang iba! 20 Alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, at igalang mo ang iyong ama at ina.’ ”[a] 21 Sumagot ang lalaki, “Sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata.” 22 Nang marinig iyon ni Jesus ay sinabi niya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng ari-arian mo at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 23 Nalungkot ang lalaki nang marinig ito, dahil napakayaman niya.

24 Nang makita ni Jesus na malungkot siya, sinabi niya, “Napakahirap para sa mayayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios. 25 Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 26 Tinanong siya ng mga nakarinig nito, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 27 Sumagot si Jesus, “Ang imposible sa tao ay posible sa Dios.” 28 Sinabi ni Pedro, “Paano naman kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo.” 29 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nag-iwan ng bahay, asawa, mga kapatid, mga magulang, at mga anak alang-alang sa kaharian ng Dios 30 ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa mga iniwan niya, at tatanggap din ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®