Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 89:1-18

Panalangin sa Panahong Nagkakagulo ang Bansa

Isang(A) Maskil[a] E ni Etan, na mula sa angkan ni Ezra.

89 Pag-ibig mo, Yahweh, na di nagmamaliw, ang sa tuwi-t'wina'y aking aawitin;
    ang katapatan mo'y laging sasambitin.
Ang iyong pag-ibig walang katapusan,
    sintatag ng langit ang iyong katapatan.

Sabi mo, O Yahweh, isang kasunduan ang iyong ginawa kay David mong hirang
    at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa(B) sa lahi mo'y laging maghahari,
    ang kaharian mo ay mamamalagi.” (Selah)[b]

Nagpupuri silang nilikha sa langit, ang iyong ginawa'y siyang binabanggit
    ang katapatan mo, Yahweh, ay inaawit.
O Yahweh, Makapangyarihan sa lahat, sino'ng kaparis mo doon sa itaas?
    Mga nilalang doon sa kalangitan, kay Yahweh ba sila ay maipapantay?
Sa pagtitipon man ng lahat ng hinirang,
    may banal na takot sa iyo at paggalang.

O Yahweh na Makapangyarihang Diyos, O Yahweh, mayroon pa kayang katulad kang lubos?
    Sa kapangyarihan ay tunay na puspos, kadakilaan mo'y sadyang lubus-lubos.
Sumusunod sa iyo dagat mang mabangis,
    alon mang malaki'y napapatahimik.
10 Iyang dambuhalang kung tawagi'y Rahab ay iyong dinurog sa taglay mong lakas,
    lahat mong kaaway ay iyong winasak, kapangyarihan mo'y ubod nang lakas.
11 Sa iyo ang langit, sa iyo ang lupa,
    ang buong daigdig ikaw ang maylikha, lahat nang naroo'y sa iyo nagmula.
12 Timog at hilaga, ikaw ang naglagay;
    Bundok Hermo't Tabor ay nag-aawitan, nagpupuri sila sa iyong pangalan.
13 Ang taglay mong lakas at kapangyarihan,
    ay walang kaparis, di matatawaran!
14 Ang kaharian mo ay makatarungan,
    saligang matuwid ang pinagtayuan;
wagas na pag-ibig at ang katapatan,
    ang pamamahala mong ginagampanan.

15 Mapalad ang taong sa iyo'y sumasamba, sa pagsamba nila'y inaawitan ka
    at sa pag-ibig mo'y namumuhay sila.
16 Sa buong maghapon, ika'y pinupuri,
    ang katarungan mo'y siyang sinasabi.
17 Ang tagumpay namin ay iyong kaloob,
    dahilan sa iyong kagandahang-loob.
18 Sapagkat si Yahweh ang aming sanggalang,
    ang aming hari ay siya ang humirang, Banal ng Israel, siya'y aming sandigan.

2 Cronica 33:1-17

Si Haring Manases ng Juda(A)

33 Si Manases ay labindalawang taóng gulang nang maging hari ng Juda. Limampu't limang taon siyang naghari sa Jerusalem. Hindi(B) kinalugdan ni Yahweh ang ginawa niya sapagkat tinularan niya ang kasamaan ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa lupaing iyon nang sakupin iyon ng bayang Israel. Muli niyang itinayo ang mga sambahan ng mga pagano na winasak ng kanyang amang si Ezequias. Nagtayo rin siya ng mga dambana para kay Baal, gumawa ng mga imahen ng diyosang si Ashera at sumamba sa mga bituin. Nagtayo(C) siya ng mga altar ng mga pagano sa Templo, sa lugar na sinabi ni Yahweh kung saan siya'y sasambahin magpakailanman. Pati ang dalawang bulwagan ng Templo ay nilagyan niya ng mga altar para sa mga bituin. Ang mga anak niyang lalaki ay sinunog niya sa Libis ng Ben Hinom bilang handog sa mga diyus-diyosan. Naging mahilig siya sa mga panghuhula, pangkukulam at salamangka. Nagpupunta rin siya sa mga sumasangguni sa espiritu ng namatay na at sa mga manghuhula. Dahil sa mga kasamaang ito, nagalit sa kanya si Yahweh. Pati(D) ang inukit niyang larawan ng isang diyus-diyosan ay dinala niya sa Templo. Tungkol sa templong iyon ay sinabi ng Diyos kay David at sa anak nitong si Solomon: “Ang Templong ito sa Jerusalem ay pinili ko sa mga lipi ng Israel upang dito ako sambahin magpakailanman. Kung susundin nilang mabuti ang mga utos at tuntuning ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ni Moises, hindi ko na sila aalisin sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.” Ngunit iniligaw ni Manases ang mga taga-Juda at Jerusalem. Inakay niya ang mga ito sa mga kasamaang masahol pa sa kasamaan ng mga bansang nilipol ni Yahweh nang sakupin iyon ng bayang Israel.

Ang Pagsisisi ni Manases

10 Binigyang-babala ni Yahweh si Manases at ang buong bayan, ngunit ayaw nilang makinig. 11 Kaya ipinasalakay sila ni Yahweh sa hukbo ng hari ng Asiria. Nahuli nila si Manases, ikinadena at dinalang-bihag sa Babilonia. 12 Sa oras ng kagipitan ay nagpakumbaba siya, nanalangin sa Diyos niyang si Yahweh, at humingi rito ng saklolo. 13 Pinakinggan ng Diyos ang kanyang panalangin kaya't pinabalik siya sa Jerusalem at muling naghari doon. Noon kinilala ni Manases na si Yahweh ay Diyos.

14 Pagkatapos nito, nagpatayo siya ng karagdagang pader sa labas ng Lunsod ni David sa gawing kanluran ng Batis ng Gihon patungo sa libis hanggang sa may Pintuan ng Isda. Pinaligiran din niya ng mataas na pader ang Ofel. Naglagay din siya ng mga pinunong-kawal sa mga may pader na lunsod ng Juda. 15 Inalis niya sa Templo ang mga diyus-diyosan ng mga bansa at ang imahen ni Ashera. Ipinaalis din niya ang mga altar na ipinagawa niya sa bundok na kinatatayuan ng Templo sa Jerusalem at ipinatapon sa labas ng lunsod. 16 Ipinatayo niyang muli ang altar ni Yahweh at naghandog siya ng handog na pagkaing butil at pasasalamat. Iniutos niya sa mga mamamayan ng Juda na maglingkod kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 17 Nagpatuloy ang mga tao sa kanilang paghahandog sa mga dambana sa burol ngunit iyo'y ginagawa nila para kay Yahweh na kanilang Diyos.

Mga Hebreo 11:1-7

Ang Pananampalataya sa Diyos

11 Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita. Kinalugdan(A) ng Diyos ang mga tao noong unang panahon dahil sa kanilang pananampalataya.

Dahil(B) sa pananampalataya, nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilalang sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, at ang mga bagay na nakikita ay ginawa mula sa mga hindi nakikita.

Dahil(C) sa pananampalataya sa Diyos, si Abel ay nag-alay ng mas mabuting handog kaysa sa inihandog ni Cain. Kaya naman, si Abel ay kinilalang matuwid nang tanggapin ng Diyos ang kanyang handog. Kahit patay na, nagsasalita pa siya sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.

Dahil(D) sa pananampalataya, si Enoc ay hindi nakaranas ng kamatayan. Hindi na siya nakita sapagkat kinuha siya ng Diyos. Sinasabi sa kasulatan na si Enoc ay naging kalugud-lugod bago siya kinuha ng Diyos. Hindi maaaring kalugdan ng Diyos ang walang pananampalataya sa kanya, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya.

Dahil(E) sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na mangyayari ngunit hindi pa niya nakikita. Gumawa siya ng isang malaking barko upang siya at ang kanyang pamilya ay maligtas. Sa pamamagitan nito'y nahatulan ang sanlibutan, ngunit si Noe ay ibinilang na matuwid dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos.