Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 103:1-8

Ang Pag-ibig ng Diyos

Awit na katha ni David.

103 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa!
    At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya.
Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa,
    at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa.
Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
    at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
    at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.
Sa sarili ang dulot niya'y kasiyahan habang buhay,
    kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan, katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan.

Si Yahweh ay humahatol, ang gawad ay katarungan;
    natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
Mga plano niya't utos kay Moises ibinilin;
    ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel.
Si(A) Yahweh ay mahabagi't mapagmahal,
    hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig.

2 Cronica 8:12-15

12 Nag-alay si Solomon kay Yahweh ng mga handog na susunugin sa altar ni Yahweh na kanyang ipinatayo sa harap ng portiko. 13 Ginawa(A) niya ang lahat ayon sa mga tuntuning ibinigay ni Moises tungkol sa paghahandog sa mga Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Bagong Buwan at sa tatlong taunang kapistahan: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, ang Pista ng Pag-aani at ang Pista ng mga Tolda. 14 Sinunod niya ang kaayusang itinakda ni David tungkol sa paglilingkod ng mga pari. Gayundin sa mga Levita sa kanilang pang-araw-araw na pamumuno sa pag-awit ng papuri at pagtulong sa mga pari at sa pagbabantay sa Templo. Ginawa niya ito ayon sa utos ni David na lingkod ng Diyos. 15 Hindi sila lumabag kaunti man, maging sa gawain ng mga pari at mga Levita, at maging sa pag-iingat sa kayamanan ng Templo.

Mga Gawa 17:1-9

Sa Tesalonica

17 Dumaan sina Pablo at Silas sa Amfipolis at Apolonia, hanggang sa makarating sa Tesalonica. Sa lungsod na ito'y may sinagoga ang mga Judio, at ayon sa kinaugalian ni Pablo, siya'y pumasok doon. Sa loob ng tatlong magkakasunod na Araw ng Pamamahinga, siya ay nakipagpaliwanagan sa kanila. Mula sa Kasulatan ipinaliwanag niya at pinatunayan na kinailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay. Sinabi niya, “Ang Jesus na ito, na ipinapahayag ko sa inyo, ay ang Cristo!” Naniwala at nahikayat na sumama kina Pablo at Silas ang ilan sa kanila, gayundin ang maraming kababaihang kinikilala sa lungsod, at ang napakaraming debotong Griego.

Ngunit nainggit ang mga Judio, kaya't tinipon nila ang mga palaboy sa lansangan at sila'y gumawa ng gulo sa lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason at pilit na hinanap sina Pablo at Silas upang iharap sa bayan. Nang hindi nila matagpuan ang dalawa, kinaladkad nila si Jason at ilan sa mga kapatid at iniharap sa mga pinuno ng lungsod. Ganito ang kanilang sigaw: “Ang ating lungsod ay napasok ng mga taong nanggugulo kahit saan makarating, at sila'y pinatuloy ni Jason. Nilalabag nilang lahat ang mga batas ng Emperador. Sinasabi nilang may iba pang hari na ang pangala'y Jesus.” Kaya't nagulo ang taong-bayan at ang mga pinuno ng lungsod dahil sa sigawang ito. Si Jason at ang kanyang mga kasama'y pinagmulta ng mga pinuno bago pinalaya.