Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Pahayag 1:9-20

Kawangis ng Anak ng Tao

Akong si Juan ay inyong kapatid at inyong kasama sa mga paghihirap at sa paghahari at sa pagtitiis ni Jesucristo. Dahil sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesucristo, ako ay nasa pulo na kung tawagin ay Patmos.

10 Ako ay nasa Espiritu sa araw ng Panginoon. At narinig ko sa aking likuran ang malakas na tinig na katulad ng tunog ng isang trumpeta. 11 Sinabi nito: Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Isulat mo sa isang aklat ang anumang iyong makikita at ipadala mo ito sa mga iglesiya na nasa Asya, sa Efeso, sa Esmirna, sa Pergamo, sa Tiatira, Sardis, Filadelfia at Laodicia.

12 At ako ay lumingon upang tingnan ang tinig na nagsa­salita sa akin. Sa aking paglingon, nakita ko ang pitong gintong lagayan ng ilawan. 13 Sa kalagitnaan ng pitong gintong lagayan ng ilawan ay may isang katulad ng Anak ng Tao. Siya ay nakasuot ng isang kasuotan na umaabot sa paa. Siya ay may isang gintong pamigkis na nakabigkis sa palibot ng kaniyang dibdib. 14 Ang kaniyang ulo at ang kaniyang buhok ay katulad ng maputing lana, kasimputi ng niyebe. Ang kaniyang mga mata ay katulad ng alab ng apoy. 15 At ang kaniyang mga paa ay katulad ng makinang na tanso na katulad din ng pinakinang sa pugon. Ang kaniyang tinig ay katulad ng ugong ng maraming tubig. 16 Siya ay may pitong bituin sa kaniyang kanang kamay. At may lumabas sa kaniyang bibig na isang tabak na may dalawang talim. Ang kaniyang mukha ay katulad ng matinding sikat ng araw.

17 Nang makita ko siya, ako ay bumagsak sa kaniyang paanan na katulad ng isang taong patay. Ipinatong niya sa akin ang kaniyang kanang kamay at sinabi sa akin: Huwag kang matakot. Ako ang una at ang wakas. 18 Ako yaong nabubuhay at yaong namatay. Narito, ako ay buhay magpa­kailan pa man. Siya nawa. Nasa akin ang mga susi ng hades at ng kamatayan.

19 Isulat mo ang mga bagay na iyong nakikita, ang mga bagay na kasalukuyan at ang mga bagay na mangyayari pagkatapos nito. 20 Isulat mo ang hiwaga tungkol sa pitong bituin na iyong nakita sa kanang kamay ko at pitong gintong lagayan ng ilawan. Ito ang hiwaga: Ang pitong bituin ay ang mga anghel sa pitong iglesiya. At ang pitong lagayan ng ilawan na iyong nakita ay ang pitong iglesiya.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International