Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Hebreo 10:16-25

16 Akong Panginoon ay nagsasabi: Ito ang tipan na gagawin ko sa kanila, pagkatapos ng mga araw na iyon. Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang mga puso. At isusulat ko rin ang mga ito sa kanilang mga kaisipan.

17 Pagkatapos nito ay sinabi niya:

Hindi ko na kailanman aalalahanin pa ang kani­lang mga kasalanan at ang kanilang mga hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos.

18 Ngunit kung saan mayroong kapatawaran sa mga ito, hindi na kailangan pang maghandog ng mga hain para sa kasalanan.

Isang Panawagan sa Atin na Tayo ay Magtiyaga

19 Mga kapatid, yamang tayo nga ay mayroon katiyakan sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, makakapasok na tayo sa kabanal-banalang dako.

20 Siya ay nagtatag ng isang bago at buhay na daan para sa atin sa pamamagitan ng tabing na kaniyang katawan. 21 At mayroon tayong dakilang saserdote na namu­muno sa bahay ng Diyos. 22 Tayo ay lumapit na may tapat na puso at lubos na pagtitiwala ng pananampalataya dahil winisikan na Diyos ang ating mga puso upang malinis ang ating masamang budhi at gayundin hinugasan ang ating mga katawan ng dalisay na tubig. 23 Manangan tayong matibay sa pag-asang ipina­hahayag natin na walang pag-aalinlangan sapagkat siya na nangako ay matapat. 24 Isaalang-alang natin na magpalakasan tayo ng loob sa isa’t isa patungo sa pag-ibig at mga mabubuting gawa. 25 Huwag nating pabayaan ang ating pagtitipun-tipon katulad ng iba na may ganyang kaugalian. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa’t isa, lalo na, na inyong nakikita na nalalapit na ang araw.

Hebreo 4:14-16

Si Jesus ang Dakilang Pinakapunong-saserdote

14 Kaya nga, yamang tayo ay may isang dakilang pinakapunong-saserdote, si Jesus na Anak ng Diyos na dumaan sa mga langit, tayo ay magpakatatag sa ating ipinahahayag.

15 Sapagkat wala tayong pinakapunong-saserdote na hindi maaaring makiramay sa ating mga kahinaan. Siya ay sinubok sa lahat ng paraan katulad natin ngunit siya ay hindi nagkasala. 16 Kaya nga, dumulog tayo sa trono ng biyaya na may malaking pagtitiwala upang tayo ay tumanggap ng habag at biyaya na makatutulong sa atin sa panahon ng panganga­ilangan.

Hebreo 5:7-9

Siya, nang nabubuhay pa sa laman, ay kapwa humiling at dumalangin na may malakas na iyak at pagluha sa kaniya na makakapagligtas sa kaniya mula sa kamatayan. At dahil siya ay may banal na pagkatakot, siya ay dininig. Bagaman siya ay isang anak, natutunan niyang sumunod mula sa mga bagay na kaniyang tiniis. Nang siya ay naging ganap, siya ay naging pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan para sa lahat ng mga sumusunod sa kaniya.

Juan 18-19

Dinakip Nila si Jesus

18 Pagkasabi ni Jesus ng mga salitang ito ay umalis siya kasama ang kaniyang mga alagad. Sila ay nagtungo sa kabila ng batis ng Kedron na kung saan ay may isang halamanan. Siya at ang kaniyang mga alagad ay pumasok doon.

Si Judas na magkakanulo sa kaniya ay alam din ang pook na iyon sapagkat si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay madalas na magtipon doon. At dumating si Judas kasama ang batalyon ng mga kawal at mga opisyales mula sa mga pinunong-saserdote at mga Fariseo. Dumating sila roon na may dalang mga sulo, mga ilawan at mga sandata.

Kaya nga, si Jesus na nalalaman ang lahat ng mga bagay na magaganap sa kaniya, ay sumalubong sa kanila. Sinabi niya sa kanila: Sino ang hinahanap ninyo?

Sumagot sila sa kaniya: Si Jesus na taga-Nazaret.

Sinabi ni Jesus sa kanila: Ako nga iyon. Si Judas na nagkanulo sa kaniya ay nakatayo ring kasama nila.

Kaya nga, nang sabihin niya sa kanila: Ako nga iyon, napaurong sila at natumba sa lupa.

Muli nga niya silang tinanong: Sino ang hinahanap ninyo?

Sinabi nila: Si Jesus na taga-Nazaret.

Sumagot si Jesus: Sinabi ko na sa inyo: Ako nga iyon. Kung ako nga ang inyong hinahanap, pabayaan ninyong umalis ang mga ito. Ito ay upang matupad ang pananalitang kaniyang sinabi: Sa mga ibinigay mo sa akin ay hindi ako nawalan ni isa man.

10 Si Simon Pedro nga ay may tabak at binunot niya ito. Tinaga niya ang alipin ng pinakapunong-saserdote at natanggal ang kanang tainga. Ang pangalan ng alipin ay Malcu.

11 Sinabi nga ni Jesus kay Pedro: Isalong mo ang iyong tabak. Hindi ba iinumin ko ang sarong ibinigay sa akin ng Ama?

Dinala Nila si Jesus kay Anas

12 Hinuli nga si Jesus ng pangkat ng mga kawal, ng kapitan at ng opisyales ng mga Judio at siya ay kanilang ginapos.

13 Dinala muna nila siya kay Anas sapagkat siya ang biyenang lalaki ni Caifas na pinakapunong-saserdote ng taon ding iyon. 14 Si Caifas ang nagbigay ng payo sa mga Judio na makakabuting may isang mamatay para sa mga tao.

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus sa Unang Pagkakataon

15 Si Simon Pedro at ang isa pang alagad ay sumunod kay Jesus. Ang alagad na iyon ay kilala ng pinakapunong-saserdote. Siya ay pumasok na kasama ni Jesus sa bulwagan ng pinakapunong-saserdote.

16 Si Pedro ay nakatayo sa labas ng pintuan. Ang alagad na kilala ng pinakapunong-saserdote ay lumabas. Kinausap niya ang babaeng nagbabantay sa may pintuan at pinapasok si Pedro.

17 Ang utusang babae na nagbabantay ng pintuan ay nagsabi nga kay Pedro: Hindi ba ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito?

Sinabi niya: Hindi.

18 Ang mga alipin at mga tanod ng templo ay nakatayo roon. Sila ay nagpabaga ng uling sapagkat malamig doon at nagpapainit ng kanilang mga sarili. Si Pedro ay nakatayong kasama nila at nagpapainit ng kaniyang sarili.

Tinanong si Jesus ng Pinakapunong-saserdote

19 Ang pinakapunong-saserdote ay nagtanong kay Jesus patungkol sa kaniyang mga alagad at sa kaniyang turo.

20 Sumagot si Jesus sa kaniya: Ako ay hayagang nagsalita sa sangkatauhan. Ako ay laging nagtuturo sa sinagoga at sa templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabing anuman sa lihim. 21 Bakit mo ako tinatanong? Tanungin mo ang mga nakarinig sa akin kung ano ang sinabi ko sa kanila. Tingnan mo, alam nila ang sinabi ko.

22 Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, isa sa opisyales ng templo na nakatayo sa tabi, ang sumampal kay Jesus. Sinabi niya: Sumasagot ka ba nang ganyan sa pinakapunong-saserdote?

23 Sumagot sa kaniya si Jesus: Kung ako ay nagsalita ng masama, magbigay saksi ka patungkol sa masama. Kung mabuti ang aking sinasabi, bakit mo ako hinampas? 24 Si Jesus ay nakagapos na ipinadala ni Anas kay Caifas na pinakapunong-saserdote.

Si Jesus ay Ipinagkaila ni Pedro sa Ikalawa at Ikatlong Pagkakataon

25 Si Simon Pedro ay nakatayo at siya ay nagpapainit ng kaniyang sarili. Sinabi nga nila sa kaniya: Hindi ba isa ka rin sa kaniyang mga alagad?

Siya ay nagkaila at sinabi: Hindi.

26 Ang isa sa mga alipin ng pinakapunong-saserdote ay kamag-anak ng tinanggalan ni Pedro ng tainga. Siya ay nag­sabi: Hindi ba nakita kitang kasama niya sa halamanan? 27 Muling nagkaila si Pedro at kaagad ay tumilaok ang isang tandang.

Si Jesus sa Harap ni Pilato

28 Dinala nga nila si Jesus mula kay Caifas patungo sa hukuman. Maaga pa noon. At sila ay hindi pumasok sa huku­man upang hindi sila madungisan at upang sila ay makakain sa Paglagpas.

29 Kaya nga, lumabas si Pilato at sinabi sa kanila: Anong paratang ang dala ninyo laban sa taong ito?

30 Sila ay sumagot at sinabi sa kaniya: Kung hindi siya gumagawa ng masama, hindi namin siya ibibigay sa iyo.

31 Sinabi nga ni Pilato sa kanila: Kunin ninyo siya at hatulan ninyo siya ayon sa inyong kautusan.

Sinabi nga ng mga Judio sa kaniya: Wala kaming karapatang pumatay ng sinumang tao.

32 Ito ay nangyari upang matupad ang sinabi ni Jesus. Ang salita na kaniyang sinabi ay nagpapa­hayag ng uri nang kamatayan na kaniyang ika­mamatay.

33 Pumasok ngang muli si Pilato sa hukuman at tinawag si Jesus. Sinabi niya sa kaniya: Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?

34 Sumagot sa kaniya si Jesus: Ito ba ay sinasabi mo mula sa iyong sarili? O may ibang nagsabi sa iyo patungkol sa akin?

35 Sumagot si Pilato: Ako ba ay isang Judio? Ibinigay ka sa akin ng iyong sariling bansa at ng mga pinunong-saserdote. Ano ba ang nagawa mo?

36 Sumagot si Jesus: Ang aking paghahari ay hindi sa sanlibutang ito. Kung ang aking paghahari ay sa sanlibutang ito, makikipaglaban ang aking mga lingkod upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit sa ngayon ang aking paghahari ay hindi mula rito.

37 Kaya nga, sinabi ni Pilato sa kaniya: Kung gayon, ikaw ba ay isang hari?

Sumagot si Jesus: Tama ang iyong sinabi sapagkat ako ay isang hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak. At sa kadahilanang ito ako ay naparito sa sanlibutan: Upang magpa­totoo ako sa katotohanan. Ang bawat isa na nasa katotohanan ay dumirinig ng aking tinig.

38 Sinabi ni Pilato sa kaniya: Ano ang katotohanan? Pagkasabi niya nito ay muli siyang pumunta sa mga Judio. Sinabi niya sa kanila: Wala akong makitang kasalanan sa kaniya. 39 Ngunit kayo ay may isang kaugalian na palayain ko sa inyo ang isa sa araw ng Paglagpas. Ibig nga ba ninyo na palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?

40 Lahat nga sila ay muling sumigaw na sinasabi: Hindi ang taong ito kundi si Barabas. Subalit si Barabas ay isang tulisan.

Iniutos ni Pilato na Ipako sa Krus si Jesus

19 Nang magkagayon, kinuha ni Pilato si Jesus at kaniyang hinagupit.

Ang mga kawal ay nagsalapid ng isang koronang tinik. Inilagay nila ito sa kaniyang ulo at sinuotan nila siya ng balabal na kulay ube. Sinabi nila: Pagbati sa Hari ng mga Judio. At pinagsasampal nila siya.

Si Pilato nga ay muling lumabas at sinabi sa kanila: Narito, inilabas ko siya sa inyo. Ito ay upang inyong malaman na wala akong makitang anumang kasalanan sa kaniya. Lumabas nga si Jesus na suot ang koronang tinik at ang balabal na kulay ube. Sinabi ni Pilato sa kanila: Tingnan ninyo ang taong ito.

Nang makita nga siya ng mga pinunong-saserdote at ng opisyales ng templo, sila ay sumigaw na sinasabi: Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus.

Sinabi ni Pilato sa kanila: Dalhin ninyo siya at ipako siya sa krus. Ito ay sapagkat wala akong makitang kasalanan sa kaniya.

Sumagot sa kaniya ang mga Judio: Kami ay may kautusan. Ayon sa aming kautusan, dapat siyang mamatay sapagkat ginawa niya ang kaniyang sarili na Anak ng Diyos.

Nang marinig ni Pilato ang pananalitang iyon, lalo siyang natakot. Siya ay muling pumunta sa hukuman at sinabi kay Jesus: Saan ka ba nagmula? Hindi sumagot si Jesus sa kaniya. 10 Sinabi nga ni Pilato sa kaniya: Hindi ka ba sasagot sa akin? Hindi mo ba alam na ako ay may kapamahalaang ipapako ka sa krus at kapamahalaang palayain ka?

11 Sumagot si Jesus: Hindi ka magkakaroon ng anumang kapamahalaan laban sa akin malibang ibigay ito sa iyo mula sa itaas. Dahil dito ang nagbigay sa akin sa iyo ay higit ang kasalanan.

12 Mula noon tinangka ni Pilato na palayain siya. Ang mga Judio ay sumigaw na sinasabi: Kung palayain mo ang taong ito, hindi ka kaibigan ni Cesar. Kung ginagawang hari ng sinuman ang kaniyang sarili siya aynagsasalita laban kay Cesar.

13 Nang marinig nga ni Pilato ang pananalitang iyon ay dinala niya si Jesus palabas. Siya ay umupo sa luklukan ng paghatol sa dakong tinatawag na Pabimento. Sa Hebreo, ito ay Gabata. 14 Noon ay paghahanda ng Paglagpas.

Nang mag-iikaanim na ang oras, sinabi ni Pilato sa mga Judio: Tingnan ninyo ang inyong hari.

15 Sila ay sumigaw: Alisin siya! Alisin siya! Ipako siya sa krus!

Sinabi ni Pilato sa kanila: Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?

Ang mga pinunong-saserdote ay sumagot: Wala kaming hari maliban kay Cesar.

16 Kaya nga, ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang ipako sa krus.

Ipinako Nila sa Krus si Jesus

Kinuha nila si Jesus at siya ay inilayo.

17 Lumabas siya habang pasanniya ang kaniyang krus. Pumunta siya sa dakong tinatawag na Pook ng Bungo. Ito ay tinatawag sa wikang Hebreo na Golgotha. 18 Doon nila siya ipinako sa krus. Dalawa ang kasama niya, isa sa bawat panig at napapagitna si Jesus.

19 At si Pilato ay sumulat ng isang pamagat at inilagay ito sa krus. Ganito ang nakasulat: SI JESUS NA TAGA-NAZARET, ANG HARI NG MGA JUDIO. 20 Ang pamagat na ito ay nabasa ng maraming mga Judio. Ito ay sapagkat ang pook na pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa lungsod. Ang pamagat ay isinulat sa salitang Hebreo, sa salitang Griyego at sa salitang Romano. 21 Sinabi nga ng mga pinunong-saserdote ng mga Judio kay Pilato: Huwag mong isulat, Ang Hari ng mga Judio kundi sinabi niya: Ako ay Hari ng mga Judio.

22 Sumagot si Pilato: Ang naisulat ko na ay naisulat ko na.

23 Kaya nga, nang maipako na siya sa krus ng mga kawal, kinuha nila ang kaniyang mga kasuotan. Hinati nila ito sa apat na bahagi. Isang bahagi sa bawat kawal at gayundin ang kaniyang damit. Ngunit ang balabal ay walang tahi. Ito ay hinabing buo mula sa itaas pababa.

24 Sinabi nga nila sa isa’t isa: Huwag natin itong punitin. Magpalabunutan tayo kung mapapasa kanino ito.

Ito ay nangyari upang matupad ang kasulatan na nagsasabi:

Pinaghati-hatian nila ang aking damit at nagpa­la­bunutan para sa aking balabal.

Ginawa nga ng mga kawal ang mga bagay na ito.

25 Nakatayo sa malapit sa krus ni Jesus ang kaniyang ina. Naroon din ang kapatid na babae ng kaniyang ina, si Maria na asawa ni Cleofas at si Maria na taga-Magdala. 26 Nakita ni Jesus ang kaniyang ina at ang alagad na kaniyang iniibig na nakatayo sa malapit, sinabi niya sa kaniyang ina: Ginang, narito ang iyong anak. 27 Pagkatapos noon, sinabi niya sa alagad: Narito ang iyong ina. At mula sa oras na iyon ay dinala siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan.

Namatay si Jesus

28 Pagkatapos nito, si Jesus na nakakaalam na ang lahat ng mga bagay ay naganap na, ay nagsabi: Ako ay nauuhaw. Sinabi niya ito upang matupad ang kasulatan.

29 Mayroon doong nakalagay na isang sisidlang puno ng maasim na alak. Binasa nilang mabuti ng maasim na alak ang isang espongha. Inilagay nila ito sa isang sanga ng hisopo at idiniit sa kaniyang bibig. 30 Nang matanggap na nga ni Jesus ang maasim na alak, sinabi niya: Naganap na. Itinungo niya ang kaniyang ulo at ibinigay niya ang kaniyang espiritu.

31 Noon ay araw ng Paghahanda. Ang araw ng Sabat na iyon ay dakila. Ang mga katawan ay hindi dapat manatili sa krus sa araw ng Sabat. Kaya nga, ang mga Judio ay humiling kay Pilato na kanilang baliin ang mga binti ng mga ipinako sa krus upang sila ay maalis. 32 Dumating nga ang mga kawal at binali ang mga binti ng una. Ganoon din ang ginawa sa isa na kasama niyang ipinako. 33 Ngunit pagpunta nila kay Jesus, nakita nilang siya ay patay na kaya hindi na nila binali ang kaniyang mga binti. 34 Subalit isa sa mga kawal na may sibat ang tumusok sa tagiliran ni Jesus. Ang dugo at tubig ay kaagad lumabas. 35 Siya na nakakita nito ay nagpatotoo at ang kaniyang patotoo ay tunay. Alam niyang nagsasabi siya ng katotohanan upang kayo ay sumampalataya. 36 Nangyari ang mga bagay na ito upang matupad ang kasulatan:

Isa mang buto niya ay hindi mababali.

37 Sinasabi sa isa pang kasulatan:

Titingnan nila siya na kanilang tinusok.

Inilibing Nila si Jesus

38 Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay humiling kay Pilato na makuha niya ang katawan ni Jesus. Si Jose ay isang alagad ni Jesus bagamat palihim lamang dahil sa takot sa mga Judio. Pinahintulutan siya ni Pilato, kaya siya ay pumunta roon at kinuha ang katawan ni Jesus.

39 Pumunta rin doon si Nicodemo. Siya iyong noong una ay pumunta kay Jesus nang gabi. Siya ay may dalang pinaghalong mira at aloe, na halos isang daang libra ang timbang. 40 Kinuha nga nila ang katawan ni Jesus. Binalot nila ito ng telang lino kasama ang mga pabango. Ito ay ayon sa kaugalian ng paghahanda ng mga Judio sa paglilibing. 41 Sa pook na pinagpakuan sa kaniya ay may isang halamanan. Sa halamanang iyon ay may isang bagong libingan na hindi pa napaglilibingan. 42 Doon nila inilagay si Jesus sapagkat noon ay araw ng Paghahanda ng mga Judio at malapit doon ang libingan.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International