Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pag-akyat.
126 Nang ibalik ng Panginoon ang mga kayamanan ng Zion,[a]
tayo ay gaya ng mga nananaginip.
2 Nang magkagayo'y napuno ang ating bibig ng mga tawanan,
at ang ating dila ng mga awit ng kagalakan,
nang magkagayo'y sinabi nila sa gitna ng mga bansa,
“Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa kanila.”
3 Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa atin,
kami ay natutuwa.
4 Ang aming mga bihag,[b] O Panginoon, ay iyong ibalik,
na gaya ng mga batis sa Negeb![c]
5 Yaon nawang nagsisipaghasik na luhaan,
ay mag-ani na may sigaw ng kagalakan!
6 Siyang lumalabas na umiiyak,
na may dalang itatanim na mga binhi,
ay uuwi na may sigaw ng kagalakan,
na dala ang kanyang mga bigkis ng inani.
24 Kay Shemaya na taga-Nehelam ay magsasalita ka, na sinasabi,
25 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Sapagkat nagpadala ka ng mga sulat sa iyong sariling pangalan sa lahat ng taong nasa Jerusalem, at kay Sefanias na anak ng paring si Maasias, at sa lahat ng mga pari, na iyong sinasabi,
26 ‘Ginawa kang pari ng Panginoon sa halip na si Jehoiada na pari, upang mamahala sa bahay ng Panginoon sa bawat taong ulol na nagsasalita ng propesiya, upang iyong ilagay siya sa kulungan at tanikala.
27 Ngayon nga'y bakit hindi mo sinaway si Jeremias na taga-Anatot na nagsasalita ng propesiya sa inyo,
28 sapagkat nagpadala siya sa amin sa Babilonia na sinasabi, “Ang inyong pagkabihag ay magtatagal. Kayo'y magtayo ng mga bahay at inyong tirahan. Kayo'y maghalaman at inyong kainin ang bunga ng mga iyon.”’”
29 Binasa ng paring si Sefanias ang sulat na ito sa pandinig ni Jeremias na propeta.
30 At dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, na sinasabi,
31 “Ikaw ay magsugo sa lahat ng mga bihag, na iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Shemaya na taga-Nehelam. Sapagkat nagpahayag si Shemaya sa inyo, gayong hindi ko siya sinugo, at pinaasa kayo sa kasinungalingan,
32 kaya't ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, parurusahan ko si Shemaya na taga-Nehelam at ang kanyang lahi. Hindi siya magkakaroon ng sinuman na nabubuhay na kasama ng bayang ito na makakakita ng kabutihang gagawin ko sa aking bayan, sapagkat siya'y nagsalita ng paghihimagsik laban sa Panginoon,’” sabi ng Panginoon.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking Bulag
22 Dumating sila sa Bethsaida. At dinala nila sa kanya ang isang lalaking bulag at ipinakiusap sa kanyang hipuin siya.
23 Hinawakan niya sa kamay ang lalaking bulag at dinala niya sa labas ng nayon. Nang maduraan ang kanyang mga mata at maipatong ang kanyang mga kamay sa kanya, kanyang tinanong siya, “May nakikita ka bang anuman?”
24 Tumingala ang lalaki at nagsabi, “Nakakakita ako ng mga tao, na parang mga punungkahoy na naglalakad.”
25 Saka ipinatong na muli sa kanyang mga mata ang kanyang mga kamay; siya'y tumitig at bumalik ang kanyang paningin. Nakita niya ang lahat ng bagay na maliwanag.
26 At pinauwi niya siya sa kanyang bahay na sinasabi, “Huwag kang pumasok kahit sa nayon.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001