Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 26

Awit ni David.

26 Pawalang-sala mo ako, O Panginoon,
    sapagkat ako'y lumakad sa aking katapatan,
    at ako'y nagtiwala sa Panginoon nang walang pag-aalinlangan.
Siyasatin mo ako, O Panginoon, at ako'y subukin,
    ang aking puso at isipan ay iyong suriin.
Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay nasa harapan ng aking mga mata,
    at ako'y lumalakad na may katapatan sa iyo.
Hindi ako umuupong kasama ng mga sinungaling na tao;
    ni sa mga mapagkunwari ay nakikisama ako.
Kinapopootan ko ang pangkat ng mga gumagawa ng kasamaan,
    at hindi ako uupong kasama ng tampalasan.

Hinuhugasan ko ang aking mga kamay sa kawalang-sala;
    at magtutungo ako, O Panginoon, sa iyong dambana,
na umaawit nang malakas ng awit ng pasasalamat,
    at ang iyong kahanga-hangang mga gawa ay ibinabalitang lahat.

O Panginoon, mahal ko ang bahay na iyong tinatahanan
    at ang dakong tinatahanan ng iyong kaluwalhatian.
Huwag mong kunin ang aking kaluluwa kasama ng mga makasalanan,
    ni ang aking buhay na kasama ng mga taong sa dugo ay uhaw,
10 mga taong masasamang gawa ang nasa kanilang mga kamay,
    na ang kanilang kanang kamay ay punô ng mga lagay.

11 Ngunit sa ganang akin ay lalakad ako sa aking katapatan;
    tubusin mo ako, at kahabagan.
12 Sa isang patag na lupa ang paa ko'y nakatuntong,
    sa malaking kapulungan ay pupurihin ko ang Panginoon.

Obadias 1-9

Ang Pagmamataas ng Edom ay Ibababa

Ang(A) pangitain ni Obadias.

Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos tungkol sa Edom:
Kami ay nakarinig ng mga balita mula sa Panginoon,
    at isang sugo ang ipinadala sa mga bansa:
“Bumangon kayo! Tumindig tayo laban sa kanya sa pakikipagdigma!”
Narito, gagawin kitang maliit sa mga bansa;
    ikaw ay lubhang hinahamak.
Dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso,
    ikaw na naninirahan sa mga bitak ng bato,
    na ang tahanan ay matayog
na nagsasabi sa iyong puso, “Sinong magbababa sa akin sa lupa?”
Bagaman ikaw ay nagtatayo nang mataas na parang agila,
    bagaman inilalagay mo ang iyong pugad na kasama ng mga bituin,
    aking ibababa ka mula roon, sabi ng Panginoon.

Kung ang mga magnanakaw ay pumaroon sa iyo,
    kung ang mga manloloob sa gabi—
    gaano ka winasak!—
    di ba sila'y magnanakaw lamang ng sapat sa kanila?
Kung ang mga mamimitas ng ubas ay pumaroon sa iyo,
    di ba sila'y mag-iiwan ng laglag na ubas?
O paanong si Esau ay nilooban,
    hinanap ang kanyang mga kayamanan!
Lahat ng lalaking iyong kakampi ay dadalhin ka sa hangganan;
    ang mga kasamahan mo na kasunod mo ay dadayain ka at dadaigin ka.
Ang mga kumakain ng iyong tinapay ay tatambangan ka—
    walang pagkaunawa sa kanya.
Di ko ba lilipulin sa araw na iyon, sabi ng Panginoon,
    ang mga taong pantas mula sa Edom,
    at ang pagkaunawa mula sa bundok ng Esau?
At ang iyong mga makapangyarihang tao ay mababalisa, O Teman,
    upang ang bawat tao ay maalis sa bundok ng Esau sa pamamagitan ng pagkatay.

Apocalipsis 7:9-17

Ang Di-Mabilang na mga Tao

Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at naroon, ang napakaraming tao na di-mabilang ng sinuman, mula sa bawat bansa, sa lahat ng mga lipi, mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harapan ng trono at sa harapan ng Kordero, na nakasuot ng mapuputing damit, at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay;

10 at nagsisigawan nang may malakas na tinig, na nagsasabi,

“Ang pagliligtas ay sa aming Diyos na nakaupo sa trono, at sa Kordero!”

11 At ang lahat ng mga anghel ay tumayo sa palibot ng trono, at ng matatanda at ng apat na nilalang na buháy at sila'y nagpatirapa sa harapan ng trono at sumamba sa Diyos,

12 na nagsasabi,

“Amen! Ang pagpapala, kaluwalhatian, karunungan,
pagpapasalamat, karangalan,
kapangyarihan, at kalakasan,
ay sa aming Diyos magpakailanpaman. Amen.”

13 At sumagot ang isa sa matatanda na nagsasabi sa akin, “Ang mga ito na may suot ng mapuputing damit, sino ba sila at saan sila nanggaling?”

14 Sinabi(A) ko sa kanya, “Ginoo, ikaw ang nakakaalam.” At sinabi niya sa akin, “Ang mga ito ang nanggaling sa malaking kapighatian, at naghugas ng kanilang mga damit at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero.

15 Kaya't sila'y nasa harapan ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya araw at gabi sa kanyang templo; at siyang nakaupo sa trono ay kakanlungan sila.

16 Sila'y(B) hindi na magugutom pa, ni mauuhaw man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anumang nakakapasong init,

17 sapagkat(C) ang Kordero na nasa gitna ng trono ay siyang magiging pastol nila, at sila'y papatnubayan patungo sa mga bukal ng tubig ng buhay; at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001