Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng mga Plauta. Awit ni David.
5 Dinggin mo ang aking mga salita, O Panginoon,
pakinggan mo ang aking panaghoy.
2 Pakinggan mo ang tunog ng aking daing,
hari ko at Diyos ko;
sapagkat sa iyo ako'y nananalangin.
3 O Panginoon, sa umaga ang tinig ko'y iyong pinapakinggan;
sa umaga'y naghahanda ako para sa iyo, at ako'y magbabantay.
4 Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan;
ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan.
5 Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan,
kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan.
6 Iyong lilipulin sila na nagsasalita ng mga kasinungalingan;
kinasusuklaman ng Panginoon ang mamamatay-tao at manlilinlang.
7 Ngunit ako, sa pamamagitan ng kasaganaan ng iyong wagas na pag-ibig,
ay papasok sa iyong bahay;
at sa iyo'y may takot na sasamba sa templo mong banal.
8 Patnubayan mo ako, O Panginoon, sa iyong katuwiran
dahil sa aking mga kaaway;
tuwirin mo ang iyong daan sa aking harapan.
9 Sapagkat(A) walang katotohanan sa kanilang bibig;
ang kanilang puso ay pagkawasak,
ang kanilang lalamunan ay isang bukas na libingan,
sa pamamagitan ng kanilang dila ay nanlilinlang.
10 O Diyos, ipapasan mo sa kanila ang kanilang pagkakasala,
sa kanilang sariling mga balak ay hayaan mong mabuwal sila,
dahil sa marami nilang mga pagsuway, sila'y iyong palayasin,
sapagkat silang laban sa iyo ay suwail.
11 Ngunit hayaan mong magalak ang lahat ng nanganganlong sa iyo,
hayaan mo silang umawit sa kagalakan
at sila nawa'y ipagsanggalang mo,
upang dakilain ka ng mga umiibig sa pangalan mo.
12 O Panginoon, sapagkat iyong pinagpapala ang tapat,
na gaya ng isang kalasag ay tinatakpan mo siya ng paglingap.
Ang Pagbabalik ng Juda at Israel
10 Hingin ninyo sa Panginoon ang ulan
sa kapanahunan ng ulan sa tagsibol,
mula sa Panginoon na gumagawa ng ulap na may dalang unos,
at kanyang bibigyan sila ng ulan,
sa bawat isa'y ng damo sa parang.
2 Sapagkat(A) ang mga diyus-diyosan ng sambahayan ay nagsalita ng walang kabuluhan,
at ang mga manghuhula ay nakakakita ng kabulaanan;
at sila'y nagpapahayag ng huwad na panaginip,
at nagbibigay ng walang kabuluhang kaaliwan.
Kaya't ang mga tao ay gumagala na gaya ng mga tupa,
sila'y nagdadalamhati, sapagkat walang pastol.
3 “Ang aking galit ay mainit laban sa mga pastol,
at aking parurusahan ang mga lalaking kambing;
sapagkat dinalaw ng Panginoon ng mga hukbo ang kanyang kawan, ang sambahayan ni Juda,
at kanyang gagawin silang parang kanyang magilas na kabayo sa pakikipaglaban.
4 Mula sa kanila ay lalabas ang batong panulok,
mula sa kanila ay ang tulos ng tolda,
mula sa kanila ay ang busog ng pakikipaglaban,
mula sa kanila ay ang bawat pinuno na magkakasama.
5 At sila'y magiging parang mga makapangyarihang lalaki,
na tinatapakan ang kaaway sa putik ng lansangan sa labanan,
at sila'y lalaban, sapagkat ang Panginoon ay kasama nila,
at kanilang hihiyain ang mga mangangabayo.
6 “Aking palalakasin ang sambahayan ni Juda,
at aking ililigtas ang sambahayan ni Jose,
ibabalik ko sila sapagkat ako'y naawa sa kanila;
at sila'y magiging parang hindi ko itinakuwil:
sapagkat ako ang Panginoon nilang Diyos
at sila'y aking diringgin.
7 Ang Efraim ay magiging gaya ng mga makapangyarihang lalaki,
at ang kanilang puso ay magagalak na gaya ng may alak.
Ito'y makikita ng kanilang mga anak at magagalak,
ang kanilang puso ay magagalak sa Panginoon.
8 “Huhudyatan ko sila at sila'y titipunin,
sapagkat tinubos ko sila;
at sila'y dadami na gaya nang una.
9 Bagaman pinangalat ko sila sa gitna ng mga bansa;
gayunma'y aalalahanin nila ako kahit sa malalayong lupain;
at sila'y mabubuhay kasama ng kanilang mga anak at magbabalik.
10 Ibabalik ko silang pauwi mula sa lupain ng Ehipto,
at titipunin ko sila mula sa Asiria;
at dadalhin ko sila sa lupain ng Gilead at Lebanon,
hanggang wala nang silid para sa kanila.
11 Sila'y[a] tatawid sa dagat ng kaguluhan,
at ang mga alon ng dagat ay hahampasin,
at ang lahat ng kalaliman sa Nilo ay matutuyo.
Ang pagmamataas ng Asiria ay ibababa,
at ang setro ng Ehipto ay mawawala.
12 Palalakasin ko sila sa Panginoon;
at sila'y lalakad sa kanyang pangalan,” sabi ng Panginoon.
Mga Batong Katitisuran(A)
6 “Ngunit sinumang maglagay ng batong katitisuran sa isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, ay mas mabuti pa sa kanya na bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y malunod sa kalaliman ng dagat.
7 Kahabag-habag ang sanlibutan dahil sa mga batong katitisuran! Ang mga pangyayaring magbubunga ng pagkatisod ay tiyak na darating. Ngunit kahabag-habag ang taong pagmumulan ng batong katitisuran!
8 “Kaya't(B) kung ang kamay mo o ang paa mo ay nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay[a] na may kapansanan o lumpo kaysa may dalawang kamay o dalawang paa na maitapon sa apoy na walang katapusan.
9 At(C) kung ang mata mo ay nakapagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na iisa ang mata, kaysa dalawang mata na maitapon sa impiyerno[b] ng apoy.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001