Revised Common Lectionary (Complementary)
10 Aking sinabi, Sa kalagitnaan ng aking buhay ay papasok ako sa mga pintuan ng Sheol.
Ako'y pinagkaitan sa mga nalalabi kong mga taon.
11 Aking sinabi, hindi ko makikita ang Panginoon,
sa lupain ng nabubuhay;
hindi ko na makikita pa ang tao,
na kasama ng mga naninirahan sa sanlibutan.
12 Ang tirahan ko'y binunot, at inilayo sa akin
na gaya ng tolda ng pastol;
gaya ng manghahabi ay binalumbon ko ang aking buhay;
kanyang ihihiwalay ako sa habihan;
mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
13 Hanggang sa kinaumagahan, ako'y humingi ng saklolo,
katulad ng leon ay binali niya ang lahat kong mga buto;
mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
14 Gaya ng langay-langayan o ng tagak ay humihibik ako;
ako'y tumatangis na parang kalapati.
Ang aking mga mata ay nangangalumata sa pagtingala;
O Panginoon, naaapi ako, ikaw nawa'y maging katiwasayan ko!
15 Ngunit ano ang aking masasabi? Sapagkat siya'y nagsalita sa akin,
at kanya namang ginawa.
Lahat ng tulog ko ay nakatakas,
dahil sa paghihirap ng aking kaluluwa.
16 O Panginoon, sa pamamagitan ng mga bagay na ito, nabubuhay ang mga tao;
at nasa lahat ng ito ang buhay ng aking espiritu.
Kaya't ibalik mo ang aking lakas, at ako'y buhayin mo!
17 Narito, tiyak na para sa aking kapakanan
ay nagtamo ako ng malaking kahirapan;
ngunit iyong pinigil ang aking buhay
mula sa hukay ng pagkawasak,
sapagkat iyong itinapon ang lahat ng aking mga kasalanan
sa iyong likuran.
18 Sapagkat hindi ka maaaring pasalamatan ng Sheol,
hindi ka maaaring purihin ng kamatayan!
Silang nagsisibaba sa hukay ay hindi makakaasa
sa iyong katapatan.
19 Ang buháy, ang buháy, siya'y nagpapasalamat sa iyo,
gaya ng ginagawa ko sa araw na ito;
ipinaalam ng ama sa mga anak
ang iyong katapatan.
20 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin,
at kami ay aawit sa saliw ng mga panugtog na kawad,
sa lahat ng araw ng aming buhay
sa bahay ng Panginoon.
Dalawang Bagong Lubid ang Iginapos kay Samson
9 Nang magkagayo'y umahon ang mga Filisteo at nagkampo sa Juda, at sinalakay ang Lehi.
10 At sinabi ng mga lalaki ng Juda, “Bakit kayo'y pumarito laban sa amin?” At kanilang sinabi, “Pumarito kami upang gapusin si Samson, at gawin sa kanya ang ginawa niya sa amin.”
11 Nang magkagayo'y may tatlong libong lalaki sa Juda na lumusong sa guwang ng bato ng Etam, at sinabi kay Samson, “Hindi mo ba alam na ang mga Filisteo ay ating mga tagapamahala? Ano itong ginawa mo sa amin?” At sinabi niya sa kanila, “Kung ano ang ginawa nila sa akin ay gayon ang ginawa ko sa kanila.”
12 At sinabi nila sa kanya, “Kami ay lumusong upang gapusin ka, upang maibigay ka namin sa kamay ng mga Filisteo.” Sinabi ni Samson sa kanila, “Sumumpa kayo sa akin na hindi kayo ang sasalakay sa akin.”
13 Sinabi nila sa kanya, “Hindi, gagapusin ka lamang namin, at ibibigay sa kanilang kamay. Ngunit hindi ka namin papatayin.” At kanilang ginapos siya ng dalawang bagong lubid at iniahon mula sa bato.
14 Nang siya'y dumating sa Lehi, ang mga Filisteo ay nagsisigawan samantalang kanilang sinasalubong siya. Ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lumukob sa kanya, at ang mga lubid na nasa kanyang mga bisig ay naging parang lino na natupok sa apoy, at ang kanyang mga tali ay nalaglag sa kanyang mga kamay.
15 Siya'y nakakita ng isang sariwang panga ng asno, at iniunat ang kanyang kamay, at dinampot iyon, at ginamit sa pagpatay sa isang libong lalaki.
16 At sinabi ni Samson,
“Sa pamamagitan ng panga ng isang asno, ay nagkabuntun-bunton,
sa pamamagitan ng panga ng isang asno ay pumatay ako ng isang libong lalaki.”
17 Pagkatapos niyang makapagsalita ay kanyang inihagis ang panga na nasa kanyang kamay, at ang dakong iyon ay tinawag na Ramat-lehi.[a]
18 Siya'y uhaw na uhaw at siya'y tumawag sa Panginoon, “Iyong ibinigay itong dakilang pagliligtas sa kamay ng iyong lingkod, at ngayo'y mamamatay ba ako sa uhaw at mahuhulog sa kamay ng mga hindi tuli?”
19 Ngunit binuksan ng Diyos ang isang guwang na nasa Lehi at nilabasan iyon ng tubig. Nang siya'y makainom, ang kanyang diwa ay nanumbalik at siya'y muling nagkamalay. Kaya't ang pangalan niyon ay tinawag na En-hacore,[b] na nasa Lehi hanggang sa araw na ito.
20 Siya'y naghukom sa Israel sa mga araw ng mga Filisteo ng dalawampung taon.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Demonyo(A)
14 Nang dumating sila sa napakaraming tao, lumapit sa kanya ang isang tao, lumuhod sa harapan niya,
15 at nagsabi, “Panginoon, mahabag ka sa aking anak na lalaki, sapagkat siya'y may epilepsiya at lubhang nahihirapan; sapagkat madalas siyang bumabagsak sa apoy at sa tubig.
16 Dinala ko siya sa iyong mga alagad, ngunit siya'y hindi nila mapagaling.
17 Sumagot si Jesus at sinabi, “O lahing walang pananampalataya at napakasama, hanggang kailan ko pa kayo makakasama? Gaano katagal akong magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya rito.”
18 Sinaway ni Jesus ang demonyo at lumabas ito sa bata. Gumaling ang bata nang oras ding iyon.
19 Pagkatapos ay lumapit nang sarilinan ang mga alagad kay Jesus at sinabi nila, “Bakit hindi namin iyon napalayas?”
20 Sinabi(B) niya sa kanila, “Dahil maliit ang inyong pananampalataya. Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung mayroon kayong pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon mula rito,’ at ito'y lilipat; at sa inyo ay walang hindi maaaring mangyari.
21 [Ngunit ang ganito'y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno.]”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001