Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 146

146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
    ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.

Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
    o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
    sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
    na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
na(A) gumawa ng langit at lupa,
    ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.

Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
    binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
    Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
    kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
    ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.

10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
    ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!

Isaias 33:1-9

Ang Panginoon ang Magliligtas

33 Kahabag-habag ka na mangwawasak;
    ikaw na hindi nawasak;
ikaw na taksil,
    na hindi ginawan ng kataksilan ng sinuman!
Kapag ikaw ay tumigil sa pagwasak,
    ikaw ay wawasakin;
at kapag iyong winakasan ang paggawa ng kataksilan,
    ikaw ay gagawan ng kataksilan.

O Panginoon, mahabag ka sa amin; kami'y umaasa sa iyo.
    Ikaw ay maging kanilang bisig tuwing umaga;
    aming kaligtasan sa panahon ng pagkabalisa.
Sa ingay ng kaguluhan ay tumakas ang mga tao,
    sa pagbangon mo ay nangalat ang mga bansa;
at ang iyong samsam ay tinitipon na gaya nang pagtitipon ng mga uod;
    kung paanong ang mga balang ay lumulukso, gayon niluluksuhan ito ng mga tao.
Ang Panginoon ay dinakila, sapagkat sa mataas siya'y tumatahan,
    kanyang pupunuin ang Zion ng katarungan at katuwiran;
at siya ang magiging katatagan ng iyong mga panahon,
    kalakasan ng kaligtasan, karunungan at kaalaman;
    ang takot sa Panginoon ay kanyang kayamanan.

Narito, ang kanilang mga bayani ay nagsisisigaw sa labas;
    ang mga sugo ng kapayapaan ay matinding nagsisiiyak.
Ang mga lansangan ay iniwanan,
    ang manlalakbay ay huminto.
Kanyang sinisira ang mga tipan,
    kanyang tinanggihan ang mga lunsod,
    hindi niya iginalang ang tao.
Ang lupain ay nananangis at nagdurusa,
    ang Lebanon ay napapahiya;
ang Sharon ay natutuyo gaya ng isang disyerto;
    at nalalagas ang mga dahon ng Basan at Carmel.

Mateo 15:21-31

Ang Pananalig ng Babaing Cananea(A)

21 Umalis doon si Jesus at pumunta sa nasasakupan ng Tiro at Sidon.

22 May isang babaing Cananea na mula sa lupaing iyon ang lumabas at nagsimulang sumigaw, “Mahabag ka sa akin, O Panginoon, Anak ni David; ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo.”

23 Ngunit hindi siya sumagot sa kanya kahit isang salita. Lumapit ang kanyang mga alagad at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, “Paalisin mo siya, sapagkat nagsisisigaw siya at sumusunod sa hulihan natin.”

24 Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ako'y hindi sinugo maliban sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel.”

25 Ngunit lumapit siya at lumuhod sa kanya, na nagsasabi, “Panginoon, tulungan mo ako.”

26 Siya'y sumagot at sinabi, “Hindi mabuti na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon ito sa mga aso.”

27 Ngunit sinabi niya, “Oo, Panginoon. Subalit maging ang mga aso ay kumakain ng mga mumo na nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga panginoon.”

28 Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, “O babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari sa iyo ang sinasabi mo.” At gumaling ang kanyang anak sa oras ding iyon.

Maraming Pinagaling si Jesus

29 Umalis si Jesus doon at dumaan sa baybayin ng Dagat ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon.

30 Lumapit sa kanya ang napakaraming tao na dala ang mga pilay, mga lumpo, mga bulag, mga pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga ito sa kanyang paanan at sila'y pinagaling niya.

31 Kaya't namangha ang maraming tao nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, lumalakad ang mga pilay, at nakakita ang mga bulag, at niluwalhati nila ang Diyos ng Israel.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001