Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 6

Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas; ayon sa Sheminith. Awit ni David.

O(A) Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong kagalitan,
    ni sa iyong pagkapoot, ako ay parusahan man.
Maawa ka sa akin, O Panginoon; sapagkat ako'y nanghihina;
    O Panginoon, pagalingin mo ako; sapagkat nanginginig ang aking mga buto.
Ang aking kaluluwa ay nababagabag ding mainam.
    Ngunit ikaw, O Panginoon, hanggang kailan?

Bumalik ka, O Panginoon, iligtas mo ang aking buhay;
    iligtas mo ako alang-alang sa iyong tapat na pagmamahal.
Sapagkat sa kamatayan ay hindi ka naaalala;
    sa Sheol naman ay sinong sa iyo ay magpupuri pa?

Sa aking pagdaing ako ay napapagod na,
    bawat gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan,
    dinidilig ko ang aking higaan ng aking mga pagluha.
Ang aking mga mata dahil sa dalamhati ay namumugto,
    ito'y tumatanda dahil sa lahat ng mga kaaway ko.

Lumayo(B) kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan,
    sapagkat ang tinig ng aking pagtangis ay kanyang pinakinggan.
Narinig ng Panginoon ang aking pagdaing;
    tinatanggap ng Panginoon ang aking panalangin.
10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya at mababagabag na mainam;
    sila'y babalik, at kaagad na mapapahiya.

Job 30:16-31

16 “At ngayo'y nanlulupaypay ang kaluluwa ko sa aking kalooban,
    pinapanghina ako ng mga araw ng kapighatian.
17 Pinahihirapan ng gabi ang aking mga buto,
    at ang kirot na ngumangatngat sa akin ay hindi humihinto.
18 May dahas nitong inaagaw ang aking kasuotan,
    sa kuwelyo ng aking damit ako'y kanyang sinunggaban.
19 Inihagis ako ng Diyos sa lusak,
    at ako'y naging parang alabok at abo.
20 Ako'y dumadaing sa iyo, at hindi mo ako sinasagot;
    ako'y tumatayo, at hindi mo ako pinapakinggan.
21 Sa akin ikaw ay naging malupit,
    sa kapangyarihan ng kamay mo, ako'y iyong inuusig.
22 Itinataas mo ako sa hangin, doon ako'y pinasasakay mo,
    sinisiklot mo ako sa dagundong ng bagyo.
23 Oo, alam ko na dadalhin mo ako sa kamatayan,
    at sa bahay na itinalaga para sa lahat ng nabubuhay.

24 “Gayunma'y di dapat tumalikod laban sa nangangailangan,
    kapag sila'y humihingi ng tulong dahil sa kapahamakan.
25 Hindi ko ba iniyakan yaong nasa kabagabagan?
    Hindi ba ang aking kaluluwa ay tumangis para sa mga dukha?
26 Ngunit nang ako'y humanap ng mabuti, ang dumating ay kasamaan;
    nang ako'y naghintay ng liwanag, ang dumating ay kadiliman.
27 Ang aking puso'y nababagabag at hindi natatahimik,
    ang mga araw ng kapighatian ay dumating upang ako'y salubungin.
28 Ako'y humahayong nangingitim, ngunit hindi sa araw;
    ako'y tumatayo sa kapulungan at humihingi ng pagdamay.
29 Ako'y kapatid ng mga asong-gubat,
    at kasama ng mga avestruz.
30 Ang aking balat ay nangingitim at natutuklap,
    at ang aking mga buto sa init ay nagliliyab.
31 Kaya't ang aking lira ay naging panangis,
    at ang aking plauta ay naging tinig ng umiiyak.

Juan 4:46-54

46 Pagkatapos(A) ay pumunta siyang muli sa Cana ng Galilea na doo'y kanyang ginawang alak ang tubig. At sa Capernaum ay naroroon ang isang pinuno ng pamahalaan na ang anak na lalaki ay maysakit.

47 Nang mabalitaan niya na si Jesus ay dumating sa Galilea mula sa Judea, pumunta siya roon at nakiusap sa kanya na siya'y pumunta at pagalingin ang kanyang anak na lalaki sapagkat siya'y malapit nang mamatay.

48 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Malibang makakita kayo ng mga tanda at mga kababalaghan ay hindi kayo mananampalataya.”

49 Sinabi ng pinuno sa kanya, “Ginoo, pumunta ka na bago mamatay ang aking anak.”

50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka na, ang anak mo ay mabubuhay.” Pinaniwalaan ng lalaki ang salitang sinabi sa kanya ni Jesus, at siya'y humayo sa kanyang lakad.

51 Habang siya'y papunta, sinalubong siya ng kanyang mga alipin na nagsasabing ang kanyang anak ay ligtas na.[a]

52 Kaya't itinanong niya sa kanila ang oras nang siya'y nagsimulang gumaling. At sinabi nila sa kanya, “Kahapon, nang ika-isa ng hapon, nawalan siya ng lagnat.”

53 Kaya't nalaman ng ama na sa oras na iyon ay sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang anak mo ay mabubuhay.” Kaya't siya'y sumampalataya, at ang kanyang buong sambahayan.

54 Ito ang ikalawang tanda na ginawa ni Jesus pagkatapos na siya'y pumunta sa Galilea mula sa Judea.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001