Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.
30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
2 O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
at ako ay pinagaling mo.
3 O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
4 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
5 Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.
6 Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
“Hindi ako matitinag kailanman.”
7 Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.
8 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
at sa Panginoon ay nanawagan ako:
9 “Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”
11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
hinubad mo ang aking damit-sako,
at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.
Handog sa Paglilinis ng Ketongin
14 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Ito(A) ang magiging batas tungkol sa ketongin sa mga araw ng kanyang paglilinis. Siya'y dadalhin sa pari;
3 at ang pari ay lalabas sa kampo at susuriin siya. Kung ang sakit na ketong ay gumaling na sa ketongin,
4 iuutos ng pari sa kanila na ikuha siya ng dalawang buháy na malinis na ibon, kahoy na sedro, lanang pula at isopo;
5 at ipag-uutos ng pari sa kanila na patayin ang isa sa mga ibon sa isang sisidlang luwad sa ibabaw ng tubig na umaagos.
6 Kukunin niya ang ibong buháy, ang kahoy na sedro, ang lanang pula at ang isopo, at itutubog ang mga ito at ang ibong buháy sa dugo ng ibong pinatay sa ibabaw ng tubig na umaagos.
7 Iwiwisik niya nang pitong ulit sa taong lilinisin mula sa ketong; pagkatapos ay ipahahayag siya na malinis, at pakakawalan ang ibong buháy sa kalawakan ng parang.
8 At siya na lilinisin ay maglalaba ng kanyang kasuotan at aahitin ang lahat niyang buhok, at maliligo sa tubig, at siya'y magiging malinis. Pagkatapos ay papasok siya sa kampo, subalit maninirahan sa labas ng kanyang tolda sa loob ng pitong araw.
9 Sa ikapitong araw ay muli niyang aahitin ang lahat ng buhok: sa ulo, baba, at kilay at lahat ng buhok sa kanyang katawan. Pagkatapos ay lalabhan niya ang kanyang kasuotan, at maliligo siya sa tubig, at siya ay magiging malinis.
10 “Sa ikawalong araw, kukuha siya ng dalawang korderong lalaki na walang kapintasan, at ng isang korderong babae na isang taong gulang at walang kapintasan, at ng ikasampung bahagi ng harinang hinaluan ng langis, isang handog at ng isang log[a] na langis, bilang pagkaing handog.
11 Ang paring naglilinis sa taong lilinisin ay tatayo sa harapan ng Panginoon sa pintuan ng toldang tipanan kasama ng mga bagay na ito.
12 Kukunin ng pari ang isa sa mga korderong lalaki at ihahandog bilang handog para sa budhing maysala, at ang log ng langis, at iwawagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.
13 Kanyang papatayin ang korderong lalaki sa lugar na pinagpapatayan nila ng handog pangkasalanan at ng handog na sinusunog, sa banal na dako; sapagkat gaya ng handog pangkasalanan, ang handog para sa budhing maysala ay para sa pari; ito ay kabanal-banalan.
14 Ang pari ay kukuha ng dugo ng handog para sa budhing maysala at ilalagay niya sa dulo ng kanang tainga, sa hinlalaki ng kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin.
15 Pagkatapos ay kukuha ang pari ng log ng langis at ibubuhos sa ibabaw ng palad ng kanyang kaliwang kamay,
16 at itutubog ng pari ang kanyang kanang daliri sa langis na nasa kanyang kaliwang kamay, at iwiwisik ang langis ng pitong ulit sa pamamagitan ng kanyang daliri sa harapan ng Panginoon.
17 Mula sa nalabing langis na nasa kanyang kamay ay maglalagay ang pari ng dugo sa dulo ng kanang tainga, sa hinlalaki ng kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin, sa ibabaw ng dugo ng handog para sa budhing maysala.
18 Ang nalabing langis na nasa kamay ng pari ay ilalagay niya sa ulo ng taong lilinisin, at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya sa harapan ng Panginoon.
19 Mag-aalay ang pari ng handog pangkasalanan, at itutubos sa kanya na lilinisin mula sa kanyang karumihan. Pagkatapos ay papatayin niya ang handog na sinusunog,
20 at iaalay ng pari ang handog na sinusunog at ang butil na handog sa ibabaw ng dambana. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanya, at siya'y magiging malinis.
Ang mga Anak ni Eskeva
11 Gumawa ang Diyos ng mga di-pangkaraniwang himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo,
12 kaya't nang ang mga panyo o mga tapis na napadikit sa kanyang katawan ay dinala sa mga maysakit, nawala sa kanila ang mga sakit, at lumabas sa kanila ang masasamang espiritu.
13 Ngunit may ilang mga Judiong pagala-gala na nagpapalayas ng masasamang espiritu ang nangahas na bigkasin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga may masasamang espiritu, na sinasabi, “Inuutusan ko kayo sa pamamagitan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo.”
14 Pitong anak na lalaki ng isang pinakapunong paring Judio, na ang pangalan ay Eskeva, ang gumagawa nito.
15 Ngunit sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, at kilala ko si Pablo; ngunit sino kayo?”
16 At ang taong kinaroroonan ng masamang espiritu ay lumukso sa kanila, at silang lahat ay dinaig niya, kaya tumakas sila sa bahay na iyon na mga hubad at sugatan.
17 Nalaman ito ng lahat ng naninirahan sa Efeso, mga Judio at gayundin ng mga Griyego; at sinidlan silang lahat ng takot, at pinuri ang pangalan ng Panginoong Jesus.
18 Marami rin naman sa mga nanampalataya ang dumating na ipinahahayag at ibinubunyag ang kanilang mga gawain.
19 Marami sa mga gumagamit ng mga salamangka ay tinipon ang kanilang mga aklat at sinunog sa paningin ng madla; at kanilang binilang ang halaga niyon, at napag-alamang may limampung libong pirasong pilak.
20 Sa gayo'y lumago at lubos na nanaig ang salita ng Panginoon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001