Revised Common Lectionary (Complementary)
Gumaling si Naaman
5 Si(A) Naaman na punong-kawal ng hukbo ng hari ng Siria, ay dakilang lalaki sa harapan ng kanyang panginoon at iginagalang, sapagkat sa pamamagitan niya'y nagbigay ang Panginoon ng pagtatagumpay sa Siria. Siya ay isang makapangyarihang lalaki na may kagitingan, subalit siya'y ketongin.
2 Ang mga taga-Siria, sa isa sa kanilang pagsalakay ay nagdala ng bihag na dalagita mula sa lupain ng Israel, at siya'y naglingkod sa asawa ni Naaman.
3 Sinabi niya sa kanyang babaing panginoon, “Sana'y naroon ang aking panginoon na kasama ng propeta na nasa Samaria! Kanyang pagagalingin siya sa kanyang ketong.”
4 Kaya't si Naaman ay pumasok at sinabi sa kanyang panginoon kung ano ang sinabi ng dalagitang mula sa lupain ng Israel.
5 At sinabi ng hari ng Siria, “Humayo ka, at ako'y magpapadala ng sulat sa hari ng Israel.” Kaya't siya'y humayo at nagdala ng sampung talentong pilak, anim na libong pirasong ginto, at sampung magagarang bihisan.
6 Kanyang dinala ang sulat sa hari ng Israel, na nagsasaad, “Kapag dumating sa iyo ang sulat na ito, alam mo na aking sinugo sa iyo si Naaman na aking lingkod upang iyong pagalingin siya mula sa kanyang ketong.”
7 Nang mabasa ng hari ng Israel ang sulat, kanyang pinunit ang kanyang suot at nagsabi, “Ako ba'y Diyos upang pumatay at bumuhay, na ang lalaking ito ay nagsugo sa akin upang pagalingin ang taong ito sa kanyang ketong? Tingnan mo lamang at makikita mong siya'y naghahanap ng pag-aawayan namin.”
8 Ngunit nang mabalitaan ni Eliseo na tao ng Diyos na pinunit ng hari ng Israel ang kanyang suot, siya'y nagsugo sa hari, na sinasabi, “Bakit mo hinapak ang iyong damit? Paparituhin mo siya sa akin at nang kanyang malaman na may isang propeta sa Israel.”
9 Kaya't dumating si Naaman na dala ang kanyang mga kabayo at karwahe at huminto sa tapat ng pintuan ng bahay ni Eliseo.
10 Si Eliseo ay nagpadala ng sugo sa kanya, na sinasabi, “Humayo ka at maligo sa Jordan ng pitong ulit. Ang iyong laman ay manunumbalik at ikaw ay magiging malinis.”
11 Ngunit si Naaman ay nagalit, at umalis, na sinasabi, “Akala ko'y tiyak na lalabasin niya ako, at tatayo, at tatawag sa pangalan ng Panginoon niyang Diyos, at iwawasiwas ang kanyang kamay sa lugar at pagagalingin ang ketongin.
12 Hindi ba ang Abana at ang Farpar, na mga ilog ng Damasco, ay higit na mabuti kaysa lahat ng tubig sa Israel? Hindi ba ako maaaring maligo sa mga iyon, at maging malinis?” Kaya't siya'y pumihit at umalis na galit na galit.
13 Ngunit ang kanyang mga lingkod ay nagsilapit at sinabi sa kanya, “Ama ko, kung iniutos sa iyo ng propeta na gumawa ng mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? Lalo na nga kung sabihin niya sa iyo, ‘Maligo ka at maging malinis ka?’”
14 Kaya't lumusong siya at pitong ulit na lumubog sa Jordan, ayon sa sinabi ng tao ng Diyos. Ang kanyang laman ay nanumbalik na gaya ng laman ng isang munting bata, at siya'y naging malinis.
Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.
30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
2 O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
at ako ay pinagaling mo.
3 O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
4 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
5 Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.
6 Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
“Hindi ako matitinag kailanman.”
7 Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.
8 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
at sa Panginoon ay nanawagan ako:
9 “Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”
11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
hinubad mo ang aking damit-sako,
at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.
24 Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga tumatakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Kaya't tumakbo kayo sa gayong paraan upang iyon ay inyong mapagwagian.
25 Ang bawat nakikipaglaban sa mga palaro ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng mga bagay; ginagawa nila iyon upang sila ay makatanggap ng isang korona na may pagkasira, ngunit tayo'y sa walang pagkasira.
26 Kaya't ako'y tumatakbo na hindi gaya ng walang katiyakan; hindi ako sumusuntok na hindi gaya ng sumusuntok sa hangin.
27 Ngunit sinusupil ko ang aking katawan, at ginagawa itong alipin, upang pagkatapos na makapangaral ako sa iba, ako mismo ay hindi itakuwil.
Pinagaling ang Isang Ketongin(A)
40 Lumapit sa kanya ang isang ketongin na nakikiusap at nakaluhod na nagsasabi, “Kung gusto mo, maaari mo akong linisin.”
41 Dahil sa awa, iniunat ni Jesus[a] ang kanyang kamay, hinipo ang ketongin at sinabi sa kanya, “Gusto ko, maging malinis ka.”
42 At kaagad na nawala ang kanyang ketong at siya'y naging malinis.
43 Pagkatapos na mahigpit siyang binalaan, kaagad niya itong pinaalis.
44 Sinabi(B) niya sa kanya, “Tiyakin mong wala kang sasabihin kaninuman kundi pumunta ka at magpakita sa pari at maghandog ka para sa pagkalinis sa iyo ayon sa ipinag-utos ni Moises bilang isang patotoo sa kanila.”
45 Ngunit siya'y umalis at nagsimulang magsalita nang malaya tungkol dito at ikinalat ang balita, kaya't hindi na hayagang makapasok si Jesus sa bayan, kundi nanatili siya sa mga ilang na lugar at pinuntahan siya ng mga tao mula sa lahat ng panig.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001