Revised Common Lectionary (Complementary)
Pagtitiwala sa Kautusan ni Yahweh
(Vav)
41 Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo,
ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako;
42 upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko,
yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo.
43 Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan,
pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan.
44 Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
45 Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya,
yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa.
46 At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin,
hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin.
47 Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig.
48 Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang,
sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay.
10 “Tulad(A) noong una, apatnapung araw at gabi akong nanatili sa bundok at pinakinggan naman ako ni Yahweh. Dahil dito, hindi na niya itinuloy ang balak na pagpuksa sa inyo. 11 Sinabi niya sa akin na pangunahan kayo sa paglalakbay at pagsakop sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninuno.
Ang Diwa ng Kautusan ni Yahweh
12 “Bayang Israel, ano nga ba ang nais ni Yahweh mula sa inyo? Ang gusto lang naman niya'y igalang ninyo siya, sundin ang kanyang mga utos, ibigin siya, paglingkuran ng buong puso't kaluluwa, 13 at tuparin ang kanyang mga bilin at tuntunin. Ito rin naman ay para sa inyong kabutihan. 14 Ang pinakamataas na langit, ang daigdig at ang lahat ng narito ay kay Yahweh. 15 Ngunit sa laki ng pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, kayong lahi nila ay pinili niya sa gitna ng maraming bansa. 16 Kaya nga, maging masunurin kayo at huwag maging matigas ang inyong ulo. 17 Sapagkat(B) si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos, Panginoon ng mga panginoon, makapangyarihan at kakila-kilabot, walang itinatangi, at hindi nasusuhulan. 18 Binibigyan(C) niya ng katarungan ang mga ulila at balo; minamahal niya ang mga dayuhan at binibigyan ng pagkain at damit. 19 Ibigin ninyo ang mga dayuhan sapagkat kayo ma'y naging dayuhan din sa Egipto. 20 Magkaroon kayo ng takot kay Yahweh. Siya lang ang inyong sambahin; huwag kayong hihiwalay sa kanya, at sa pangalan lamang niya kayo manunumpa. 21 Siya lamang ang dapat ninyong purihin, siya ang inyong Diyos, ang gumawa ng marami at kakila-kilabot na mga bagay na inyong nasaksihan. 22 Pitumpu(D) lamang ang inyong mga ninuno nang pumunta sila sa Egipto ngunit ngayo'y pinarami kayo ng Diyos ninyong si Yahweh; sindami na kayo ng mga bituin sa langit.
Pananampalataya at mga Gawa
14 Mga kapatid, ano ang pakinabang kung sabihin ng isang tao na siya'y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya ito pinapatunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng ganoong uri ng pananampalataya? 15 Halimbawa, may isang kapatid na walang maisuot at walang makain. 16 Kung sasabihin ninyo sa kanya, “Patnubayan ka nawa ng Diyos; magbihis ka't magpakabusog,” ngunit hindi naman ninyo siya binibigyan ng kanyang kailangan, ano ang silbi niyon? 17 Gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.
18 Ngunit may nagsasabi, “May pananampalataya ka at may gawa naman ako.” Ipakita mo sa akin kung paano maaaring magkaroon ng pananampalataya nang walang mga gawa, at ipapakita ko naman sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. 19 Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa, di ba? Mabuti naman! Ang mga demonyo man ay sumasampalataya rin, at nanginginig pa. 20 Isa kang hangal! Nais mo pa bang patunayan ko sa iyo na walang kabuluhan ang pananampalatayang walang kasamang gawa? 21 Hindi (A) ba't ang ating amang si Abraham ay itinuring ng Diyos na matuwid dahil sa kanyang mga gawa, nang ihandog niya sa dambana ang anak niyang si Isaac? 22 Dito ay makikita mong magkalakip ang kanyang pananampalataya at mga gawa, at naging ganap ang kanyang pananampalataya dahil sa kanyang mga gawa. 23 Natupad(B) ang sinasabi ng kasulatan, “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos bilang matuwid,” at tinawag siyang “kaibigan ng Diyos.” 24 Diyan ninyo makikita na itinuturing na matuwid ang isang tao dahil sa kanyang mga gawa at hindi dahil sa pananampalataya lamang.
25 Gayundin(C) si Rahab, ang babaing nagbebenta ng aliw; pinatuloy niya ang mga espiya ng Israel at itinuro pa sa kanila ang ibang daan upang sila'y makatakas. Dahil sa ginawa niyang iyon, siya'y itinuring na matuwid.
26 Patay ang katawang walang espiritu; gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kasamang gawa.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.