Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit tungkol sa Ubasan
5 Mayroong(A) ubasan ang aking sinta,
sa libis ng bundok na lupa'y mataba,
kaya ako'y aawit para sa kanya.
2 Hinukay niya ang lupa at inalisan ng bato,
mga piling puno ng mabuting ubas ang kanyang itinanim dito.
Sa gitna'y nagtayo siya ng isang bantayan
at nagpahukay pa ng balong pisaan.
Pagkatapos nito ay naghintay siya na ang kanyang tanim ay magsipagbunga,
ngunit bakit ang kanyang napitas ay maasim ang lasa?
3 Kaya ngayon, mga taga-Jerusalem
at mga taga-Juda,
kayo ang humatol sa akin at sa aking ubasan.
4 Ano pa ba ang aking nakaligtaang gawin sa aking ubasan?
Bakit nang ako'y mamitas ng bunga,
ang aking nakuha ay maasim ang lasa?
5 Kaya ganito ang gagawin ko sa aking ubasan:
Puputulin ko ang mga halamang nakapaligid dito
at wawasakin ang bakod.
Ito'y kakainin at sisirain ng mga hayop.
6 Pababayaan ko itong malubog sa mga tinik at damo;
hindi ko babawasan ng labis na dahon at sanga,
hindi ko bubungkalin ang paligid ng mga puno nito;
at pati ang ulap ay uutusan ko na huwag magbigay ng ulan.
7 Ang ubasang ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ay walang iba kundi ang bayang Israel,
at ang bayan ng Juda ang mga puno ng ubas na kanyang itinanim.
Umasa siyang gagawa ito ng makatarungan,
ngunit sa halip ay naging mamamatay-tao,
inasahan niyang paiiralin nito'y katuwiran,
ngunit panay pang-aapi ang kanilang ginawa.
7 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
8 Mula sa Egipto ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin.
9 Ngunit nilinis mo muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman,
doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan.
10 Nagsanga ang puno, lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman,
mga punong sedar, naliliman pati ng sangang malabay.
11 Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot,
pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog.
12 Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
13 Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
kinakain ito ng lahat ng hayop na nasa sa parang.
14 Ika'y manumbalik, O Diyos na Dakila!
Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
15 Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!
4 Ang totoo, ako'y may sapat na dahilan upang panghawakan ang mga pisikal na bagay. Kung iniisip ninuman na siya'y may katuwirang umasa sa ganitong mga bagay, lalo na ako. 5 Ako'y(A) tinuli sa ikawalong araw mula nang ako'y isilang. Ako'y isang tunay na Israelita, buhat sa angkan ni Benjamin at totoong Hebreo. Kung pagsunod naman sa Kautusan ang pag-uusapan, ako'y isang Pariseo. 6 Kung(B) sa pagiging masugid ko sa Kautusan, inusig ko ang iglesya. Kung sa pagiging matuwid naman ayon sa Kautusan, walang maisusumbat sa akin.
7 Ngunit dahil kay Cristo, ang mga bagay na pinapahalagahan ko noon ay itinuring kong walang kabuluhan ngayon. 8 Oo, itinuturing kong walang kabuluhan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan at itinuring kong basura, makamtan ko lamang si Cristo 9 at lubos na makipag-isa sa kanya. Ang aking pagiging matuwid ay hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pananalig kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ngayo'y buhat sa Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya. 10 Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay, makibahagi sa kanyang mga paghihirap, at maging katulad niya sa kanyang kamatayan, 11 umaasang ako man ay muling bubuhayin mula sa kamatayan.
Magpatuloy Tungo sa Hangganan
12 Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito. Hindi rin sa ako'y ganap na; ngunit sinisikap kong makamtan ang gantimpala sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako'y tinawag ni Cristo Jesus. 13 Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: habang nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan, 14 nagpupunyagi ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na nasa langit.
Ang Talinghaga tungkol sa Ubasan at mga Magsasaka(A)
33 “Pakinggan(B) ninyo ang isa pang talinghaga,” sabi ni Jesus. “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Binakuran niya ang ubasan, nilagyan ng pisaan, at nagtayo ng isang tore. Pagkatapos, ang ubasan ay kanyang pinaupahan sa mga magsasaka at siya'y nagpunta sa ibang lupain. 34 Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga tauhan upang kunin sa mga magsasaka ang kanyang bahagi. 35 Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang mga tauhan; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo. 36 Muling nagpadala ang may-ari ng tauhan, mas marami kaysa una ngunit ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa mga ito. 37 Sa kahuli-huliha'y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. Sabi niya sa sarili, ‘Marahil nama'y igagalang nila ang aking anak.’ 38 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, sila'y nag-usap-usap, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin siya upang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ 39 Kaya't siya'y sinunggaban nila, inihagis sa labas ng ubasan at pinatay.”
40 At tinanong sila ni Jesus, “Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga taong iyon?” 41 Sumagot sila, “Papatayin niya sa kakila-kilabot na paraan ang masasamang iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasaka na magbibigay sa kanya ng kanyang bahagi sa panahon ng pamimitas.”
42 Nagpatuloy(C) si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan?
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-panulukan.
Ginawa ito ng Panginoon,
at ito'y kahanga-hangang pagmasdan!’
43 “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa mga taong masunurin sa kalooban ng Diyos. [44 Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray.]”[a]
45 Narinig ng mga punong pari at ng mga Pariseo ang mga talinghaga ni Jesus at naunawaan nilang sila ang tinutukoy niya. 46 Siya'y dadakpin sana nila ngunit natakot sila sa mga tao, sapagkat kinikilala ng mga ito na si Jesus ay isang propeta.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.