Revised Common Lectionary (Complementary)
Pagpuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos
Katha(A) ni David nang siya'y palayasin ni Abimelec matapos magkunwang nasisiraan siya ng bait.
34 Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin;
pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin.
2 Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
3 Ang kadakilaan niya ay ihayag,
at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!
4 Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,
inalis niya sa akin ang lahat kong takot.
5 Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
6 Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila'y iniligtas sa hirap at dusa.
7 Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila'y kinukupkop.
8 Tingnan(B) mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh;
mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
9 Matakot kay Yahweh, kayo na kanyang bayan,
nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
10 Kahit mga leon ay nagugutom din, sila'y nagkukulang sa hustong pagkain;
ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod, mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot.
11 Lapit, ako'y dinggin mga kaibigan,
at kayo ngayo'y aking tuturuan na si Yahweh ay dapat sundi't igalang.
12 Sinong(C) may gusto ng mahabang buhay;
sinong may nais ng masaganang buhay?
13 Dila mo'y pigilan sa paghabi ng kasamaan.
14 Mabuti ang gawi't masama'y layuan
pagsikapang kamtin ang kapayapaan.
15 Mga mata ni Yahweh, sa mat'wid nakatuon,
sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon.
16 Sa mga masasama, siya'y tumatalikod,
at sa alaala, sila'y mawawala.
17 Agad dinirinig daing ng matuwid;
inililigtas sila sa mga panganib.
18 Tinutulungan niya, mga nagdurusa
at di binibigo ang walang pag-asa.
19 Ang taong matuwid, may suliranin man,
sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.
20 Kukupkupin(D) siya nang lubus-lubusan,
kahit isang buto'y hindi mababali.
21 Ngunit ang masama, ay kasamaan din
sa taglay na buhay ang siyang kikitil.
22 Mga lingkod niya'y kanyang ililigtas,
sa nagpapasakop, siya ang mag-iingat!
7 Kaya tinipon ni Moises ang mga pinuno ng Israel at sinabi ang lahat ng iniutos sa kanya ni Yahweh. 8 Sila nama'y sabay-sabay na sumagot, “Susundin namin ang lahat ng iniutos ni Yahweh.” Si Moises ay nagbalik kay Yahweh at sinabi ang tugon ng mga tao.
9 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Magsasalita ako sa iyo mula sa makapal na ulap upang marinig ng mga tao at nang sila'y maniwala sa iyo habang panahon.”
At sinabi ni Moises kay Yahweh ang pasya ng mga tao. 10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga tao na ihanda nila ang kanilang sarili mula sa araw na ito hanggang bukas. Kailangang labhan nila ang kanilang mga damit 11 at humanda sa makalawa, sapagkat akong si Yahweh ay bababâ sa Bundok ng Sinai para makita ng mga tao. 12 Lagyan(A) mo ng hangganan ang paligid ng bundok, at sabihin mo sa kanilang huwag aakyat sa bundok ni hahawakan ang anumang nasa loob ng hangganan. Sinumang gumawa nito ay papatayin 13 sa pamamagitan ng bato o sibat, maging tao man o hayop. At sinumang patayin sa ganitong dahilan ay huwag ding hahawakan. Kapag narinig na ninyo ang mahabang tunog ng trumpeta, saka pa lamang kayo makaaakyat sa bundok.”
14 Mula sa bundok, bumabâ si Moises at pinahanda ang mga tao upang sumamba; at nilinis nila ang kanilang mga damit. 15 Sinabi sa kanila ni Moises, “Humanda kayo sa ikatlong araw; at huwag muna kayong magsisiping.”
16 Kinaumagahan(B) (C) ng ikatlong araw ay kumulog at kumidlat. Ang bundok ay nabalot ng makapal na ulap at narinig ang isang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa buong kampo. 17 Pinangunahan ni Moises ang mga tao papunta sa paanan ng bundok upang humarap sa Diyos. 18 Ang Bundok ng Sinai ay nababalot ng usok sapagkat bumabâ si Yahweh sa anyo ng apoy. Tumaas ang usok tulad ng usok ng isang pugon, at nayanig ang bundok. 19 Palakas nang palakas ang tunog ng tambuli. Nagsalita si Moises at sumagot sa kanya ang Diyos sa pamamagitan ng kulog. 20 Bumabâ si Yahweh sa tuktok ng Bundok ng Sinai at pinaakyat niya roon si Moises.
Mga Babala at mga Payo
17 Mga minamahal, alalahanin ninyo ang sinabi ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 18 Noon(A) pa'y sinabi na nila sa inyo, “Sa huling panahon, may lilitaw na mga taong mapanlait at sumusunod sa masasamang pagnanasa ng laman.” 19 Ito ang mga taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga makamundo at wala sa kanila ang Espiritu.
20 Ngunit magpakatatag kayo, mga minamahal, sa inyong kabanal-banalang pananampalataya. Manalangin kayo sa tulong ng Espiritu Santo. 21 Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos habang naghihintay kayo sa ating Panginoong Jesu-Cristo na magkakaloob sa inyo ng buhay na walang hanggan dahil sa kanyang habag sa atin.
22 Kaawaan[a] ninyo ang mga nag-aalinlangan. 23 Agawin ninyo ang iba upang mailigtas sa apoy. Ang iba nama'y kaawaan ninyo nang may halong takot; kasuklaman ninyo pati ang mga damit nilang nabahiran ng kahalayan.
Bendisyon
24 Sa kanya na makapag-iingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makakapagharap sa inyo nang walang kapintasan at may malaking kagalakan sa kanyang kaluwalhatian, 25 sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin, sa kanya ang kaluwalhatian, kadakilaan, kapamahalaan at kapangyarihan, mula pa noong una, ngayon at magpakailanman! Amen.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.