Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh
(Ayin)
121 Ang matuwid at mabuti ay siya kong ginampanan,
sa kamay ng kaaway ko, huwag mo akong pabayaan.
122 Aming Diyos, mangako kang iingatan ang iyong lingkod,
at hindi mo babayaang guluhin ng mga hambog.
123 Malamlam na ang mata ko, sa tagal ng paghihintay,
sa pangako mo sa aking tatanggapi'y kaligtasan.
124 Sang-ayon sa pag-ibig mo, gayon ang gawing pagtingin,
ang lahat ng tuntunin mo ay ituro na sa akin.
125 Bigyan mo ng pang-unawa itong iyong
abang lingkod,
upang aking maunawa ang aral mo't mga utos.
126 Panahon na, O Yahweh, upang ikaw ay kumilos,
nilalabag na ng tao ang bigay mong mga utos.
127 Mahal ko ang iyong utos nang higit pa kaysa ginto,
kaysa gintong dinalisay, utos mo'y isinapuso.
128 Kaya iyang tuntunin mo ang siya kong sinusunod,
pagkat ako'y namumuhi sa anumang gawang buktot.
Ang Kahalagahan ng mga Kawikaan
1 Ang(A) mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel.
2 Sa pamamagitan nito, ang tao'y magtatamo ng karunungan at pang-unawa sa mga salitang puno ng aral sa buhay. 3 Itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, katuwiran, katarungan, at katapatan. 4 Mabibigyan nito ng talino ang mga walang karanasan, at ang mga kabataa'y matuturuang magpasya nang tama. 5 Sa pamamagitan nito, lalong tatalino ang matalino at magiging dalubhasa ang kakaunti ang kaalaman. 6 Sa gayon, lubos nilang mauunawaan ang mga kawikaan, gayon din ang palaisipan ng mga marurunong.
Payo sa mga Kabataan
7 Ang(B) paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan,
ngunit walang halaga sa mga mangmang ang aral at mga saway.
Ang Paanyaya ng Karunungan
20 Karununga'y(A) umaalingawngaw sa mataong lansangan,
tinig niya'y nangingibabaw sa lugar ng pamilihan.
21 Ito'y lumalampas sa mataas na mga muog,
ang ugong niya'y naririnig sa pintuan nitong lunsod:
22 “Taong mangmang, walang hustong kaalaman,
hanggang kailan ka tatagal sa abâ mong kalagayan?
Hanggang kailan ka mananatili sa iyong kamangmangan?
Kailan mo pa iisiping maghanap ng kaalaman?
23 Ang payo ko ay pakinggan n'yo at dinggin ang aking pangaral;
sasainyo ang diwa ko at ang aking kaalaman.
24 Patuloy nga itong mga panawagan ko sa inyo,
ngunit hindi ninyo pansin pati mga saway ko.
25 Winalang-bahala n'yo ang aking mga payo,
ayaw ninyong bigyang pansin, paalala ko sa inyo.
26 Dahil dito, kayo'y aking tatawanan,
kapag kayo'y napahamak, nasadlak sa kaguluhan.
27 Kapag kayo ay hinampas ng bagyo nitong buhay,
dinatnan ng kahirapan, ipu-ipo ang larawan,
at kung datnan kayo ng hapis at matinding dalamhati,
28 sa araw na iyon ay di ko papakinggan ang inyong panawagan.
Hahanapin ninyo ako ngunit hindi masusumpungan.
29 Pagkat itong karunungan ay di ninyo pinahahalagahan,
kay Yahweh ay di sumunod nang may lakip na paggalang.
30 Inyo pa ngang tinanggihan itong aking mga payo,
itinapong parang dumi itong paalala ko.
31 Kaya nga, inyong aanihin ang bunga ng inyong gawa,
at kayo ay uusigin ng inyong pagnanasang ubod sama.
32 Katigasan ng ulo ang papatay sa mangmang,
sa dusa ay masasadlak sa kawalan ng kaalaman.
33 Ngunit ang makinig sa akin, mananahan nang tiwasay,
mabubuhay nang payapa, walang katatakutan.”
Ang Talinghaga ng Butil ng Mustasa(A)
30 “Saan pa natin maihahambing ang kaharian ng Diyos? Anong talinghaga ang gagamitin natin upang mailarawan ito?” tanong ni Jesus. 31 “Ang katulad nito ay butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. 32 Ngunit kapag itinanim, ito'y lumalago at nagiging pinakamalaki sa lahat ng tanim; ito'y nagkakasanga nang mayabong, kaya't ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim nito.”
Ang Paggamit ng mga Talinghaga
33 Ipinangaral ni Jesus sa mga tao ang mensahe sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad ng mga ito, hanggang sa makakaya pa nilang makinig. 34 Tuwing nangangaral siya sa kanila ay gumagamit siya ng talinghaga, ngunit ipinapaliwanag niya ang mga ito sa kanyang mga alagad kapag sila-sila na lamang.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.