Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 145:8-9

Si Yahweh'y mapagmahal at punô ng habag,
    hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas.
Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi;
    sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi.

Mga Awit 145:14-21

14 Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
    at sa pagkalugmok, sa panghihina ay kanyang hahanguin.

15 Lahat ng mga buháy ay tanging si Yahweh ang inaasahan,
    siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
16 Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang;
    anupa't ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.
17 Matuwid si Yahweh sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
    kahit anong gawin ay kalakip ang masagana niyang awa.
18 Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao,
    sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
19 Bawat kailangan ng taong tapat at may takot sa kanya,
    kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
20 Yaong umiibig sa kanya ng lubos ay iniingatan;
    ngunit ang masama'y wawasakin niya't walang mabubuhay.

21 Aking pupurihin ang Diyos na si Yahweh, habang nabubuhay,
    sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman!

Mga Kawikaan 10:1-5

10 Ang matalinong anak ay ligaya ng magulang,
    ngunit tinik sa dibdib ang anak na mangmang.
Ang yamang buhat sa masama ay di papakinabangan,
    ngunit ang katuwiran ay maglalayo sa kamatayan.
Ang matuwid ay binibigyan ni Yahweh ng kasiyahan,
    ngunit ang masama'y kanyang ginugutom naman.
Ang kamay na tamad ay tiyak na magdarahop,
    ngunit magbubunton ng yaman ang kamay na masinop.
Ang nag-iimbak kung tag-araw ay nagpapakilala ng katalinuhan,
    ngunit ang natutulog kung anihan ay nag-iipon ng kahihiyan.

Filipos 4:10-15

Salamat sa Inyong Tulong

10 Labis akong nagagalak sa Panginoon sapagkat pagkaraan ng mahabang panahon, minsan pang ipinamalas ninyo ang inyong pagmamalasakit sa akin. Alam kong hindi ninyo ako nalilimutan, wala nga lamang kayong pagkakataong ipamalas ito. 11 Hindi ko sinasabi ito dahil sa kayo'y pinaghahanapan ko ng tulong. Natutunan ko nang masiyahan, maging anuman ang aking kalagayan. 12 Alam ko kung paano maghikahos; alam ko rin kung paano managana; natutunan ko na ang sikreto kung paano masiyahan sa anumang kalagayan sa buhay, ang mabusog o ang magutom, ang managana o ang maghirap. 13 Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo.

14 Gayunman, ikinagagalak ko ang inyong pagdamay sa aking mga paghihirap. 15 Alam(A) naman ninyo, mga taga-Filipos, na kayo lamang ang iglesyang tumulong sa aking mga pangangailangan nang umalis ako sa Macedonia noong ako'y nagsisimula pa lamang sa pangangaral ng Magandang Balita.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.