Revised Common Lectionary (Complementary)
5 Nang magkagayo'y nagsalita si propeta Jeremias kay Hananias na propeta sa harapan ng mga pari at ng buong bayan na nakatayo sa bahay ng Panginoon;
6 at sinabi ni propeta Jeremias, “Amen! Gayon nawa ang gawin ng Panginoon. Pagtibayin nawa ng Panginoon ang iyong mga salita na iyong ipinahayag, at ibalik sa lugar na ito mula sa Babilonia ang mga kagamitan ng bahay ng Panginoon, at ang lahat ng bihag.
7 Gayunma'y pakinggan ninyo ngayon ang mga salitang ito na sasabihin ko sa pandinig mo at sa pandinig ng buong bayan.
8 Ang mga propetang nauna sa akin at nauna sa iyo mula nang mga unang panahon ay nagsalita ng propesiya tungkol sa digmaan, taggutom, at salot laban sa maraming bansa at mga makapangyarihang kaharian.
9 Ang propeta na nagpapahayag ng kapayapaan, kapag ang salita ng propetang iyon ay naganap, kung gayon ang propetang iyon ay makikilalang tunay na sinugo ng Panginoon.”
Maskil(A) ni Etan na Ezrahita.
89 Aking aawitin ang iyong tapat na pag-ibig magpakailanman, O Panginoon,
sa pamamagitan ng aking bibig ay ipahahayag ko sa lahat ng salinlahi ang katapatan mo.
2 Sapagkat aking sinabi, ang tapat na pag-ibig ay matatatag kailanman,
itatag mo sa mga langit ang iyong katapatan.
3 “Ako'y nakipagtipan sa aking hinirang,
ako'y sumumpa kay David na aking lingkod:
4 ‘Ang(B) mga binhi mo'y itatatag ko magpakailanman,
at aking itatayo ang iyong trono para sa lahat ng salinlahi.’” (Selah)
15 Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang sigaw,
na nagsisilakad sa liwanag ng iyong mukha, O Panginoon;
16 na nagagalak sa iyong pangalan sa buong araw;
at itinaas sa pamamagitan ng iyong katuwiran.
17 Sapagkat ikaw ang kaluwalhatian ng kanilang lakas,
sa pamamagitan ng iyong kagandahang-loob ang aming tambuli ay itinaas.
18 Sapagkat ang aming kalasag ay mula sa Panginoon,
ang aming hari sa Banal ng Israel.
12 Kaya't huwag ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang masunod ang mga pagnanasa nito.
13 At huwag din ninyong ihandog ang mga bahagi ng inyong katawan sa kasalanan bilang kasangkapan ng kasamaan tungo sa kasalanan, kundi ihandog ninyo ang inyong sarili sa Diyos, na tulad sa mga buháy mula sa mga patay, at ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng pagiging matuwid tungo sa Diyos.
14 Sapagkat ang kasalanan ay hindi makapaghahari sa inyo, sapagkat wala kayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng biyaya.
Mga Alipin ng Katuwiran
15 Ano nga? Magkakasala ba tayo, dahil tayo'y wala sa ilalim ng kautusan, kundi nasa ilalim ng biyaya? Huwag nawang mangyari.
16 Hindi ba ninyo nalalaman na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili bilang alipin sa pagsunod, kayo'y mga alipin niya na inyong sinusunod; maging ng kasalanan tungo sa kamatayan, o ng pagsunod tungo sa pagiging matuwid?
17 Ngunit salamat sa Diyos, na bagama't kayo'y dating mga alipin ng kasalanan, kayo'y taos-pusong sumunod sa anyo ng aral na doon ay ipinagkatiwala kayo.
18 At pagkatapos na mapalaya kayo sa kasalanan ay naging mga alipin kayo sa paggawa ng matuwid.
19 Nagsasalita ako ayon sa pamamaraan ng tao dahil sa kahinaan ng inyong laman. Sapagkat kung paanong inihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin ng karumihan tungo sa higit at higit pang kasamaan, ngayon naman ay ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin sa paggawa ng matuwid tungo sa kabanalan.
20 Sapagkat nang kayo ay mga alipin pa ng kasalanan, kayo'y malalaya tungkol sa pagiging matuwid.
21 Kaya't ano ngang bunga mayroon kayo sa mga bagay na ngayo'y ikinahihiya ninyo? Sapagkat ang kahihinatnan ng mga bagay na iyon ay kamatayan.
22 Subalit ngayong pinalaya na kayo sa kasalanan at naging mga alipin ng Diyos, na nagbubunga naman ng kabanalan, ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan.
23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; ngunit ang kaloob ng Diyos na walang bayad ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.
Mga Gantimpala sa Tumatanggap(A)
40 “Ang(B) tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.
41 Ang tumatanggap sa isang propeta alang-alang sa pangalan ng propeta ay tatanggap ng gantimpala ng isang propeta; at ang tumatanggap sa isang taong matuwid alang-alang sa pangalan ng isang taong matuwid ay tatanggap ng gantimpala ng isang taong matuwid.
42 At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito sa pangalan ng isang alagad, katotohanang sinasabi ko sa inyo, tiyak na hindi siya mawawalan ng kanyang gantimpala.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001