Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 40:1-8

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

40 Matiyaga akong naghintay sa Panginoon;
    kumiling siya sa akin at pinakinggan ang aking daing.
Iniahon niya ako sa hukay ng pagkawasak,
    mula sa putikang lusak,
at itinuntong niya ang mga paa ko sa isang malaking bato,
    at pinatatag ang aking mga hakbang.
Nilagyan niya ng bagong awit ang aking bibig,
    isang awit ng pagpupuri sa ating Diyos.
Marami ang makakakita at matatakot,
    at magtitiwala sa Panginoon.

Mapalad ang tao na kaniyang ginawang tiwala ang Panginoon,
na hindi bumabaling sa mga mapagmataas,
    pati sa mga naligaw sa kamalian.
Pinarami mo, O Panginoon kong Diyos,
    ang iyong mga kagila-gilalas na gawa at ang iyong mga pag-aalala sa amin;
    walang maaaring sa iyo'y ihambing!
Kung aking ipahahayag ang mga iyon at isasaysay,
    ang mga iyon ay higit kaysa mabibilang.

Hain(A) at handog ay hindi mo ibig,
    ngunit binigyan mo ako ng bukas na pandinig.
Handog na sinusunog at handog pangkasalanan
    ay hindi mo kinailangan.
Nang magkagayo'y sinabi ko: “Narito, ako'y dumarating;
    sa balumbon ng aklat ay nakasulat ang tungkol sa akin;
kinaluluguran kong sundin ang iyong kalooban, O Diyos ko;
    ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.”

Hoseas 8:11-14

11 Sapagkat ang Efraim ay nagparami ng mga dambana upang magkasala
    ang mga iyon sa kanya ay naging mga dambana para sa pagkakasala.

12 Kahit isulat ko para sa kanya ang aking kautusan nang sampu-sampung libo,

    ang mga iyon ay ituturing nilang kakatuwang bagay.
13 Kahit maghandog sila ng mga piling alay,
    bagaman kumain sila ng laman,
    ang mga iyon ay hindi tinatanggap ng Panginoon.
Ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan,
    at parurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan;
    sila'y babalik sa Ehipto.
14 Sapagkat nilimot ng Israel ang Lumikha sa kanya,
    at nagtayo ng mga palasyo,
at nagparami ang Juda ng mga lunsod na may kuta,
    ngunit magsusugo ako ng apoy sa kanyang mga lunsod,
    at tutupukin nito ang kanyang mga tanggulan.

Hoseas 10:1-2

10 Ang Israel ay isang mayabong na baging na namumunga.

Habang dumarami ang kanyang bunga,
    dumarami rin ang mga itinatayo niyang dambana;
kung paanong bumubuti ang kanyang lupain
    ay gayon niya pinabubuti ang mga haligi niya.
Ang kanilang puso ay di-tapat;
    ngayo'y dapat nilang pasanin ang kanilang kasalanan.
Ibabagsak ng Panginoon ang kanilang mga dambana,
    at wawasakin ang kanilang mga haligi.

Mga Hebreo 13:1-16

Paglilingkod na Kaaya-aya sa Diyos

13 Ipagpatuloy ninyo ang pag-iibigang magkakapatid.

Huwag(A) ninyong kalimutan ang magpatulóy ng mga dayuhan, sapagkat sa paggawa nito ang iba ay nakapagpatulóy na ng mga anghel nang hindi nila namamalayan.

Alalahanin ninyo ang mga bilanggo na parang kayo'y nakabilanggong kasama nila; ang mga inaapi na parang kayo na rin sa katawan.

Maging marangal sa lahat ang pag-aasawa, at huwag dungisan ang higaan, sapagkat ang mga nakikiapid at ang mga mangangalunya ay hahatulan ng Diyos.

Umiwas(B) kayo sa pag-ibig sa salapi at kayo'y masiyahan na kung anong mayroon kayo, sapagkat sinabi niya, “Sa anumang paraan ay hindi kita iiwan, o pababayaan man.”

Kaya't(C) panatag nating masasabi,

“Ang Panginoon ang aking katulong; hindi ako matatakot:
Anong magagawa sa akin ng tao?”

Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, silang nagsalita sa inyo ng salita ng Diyos; tingnan ninyo ang kinalabasan ng kanilang pamumuhay, tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.

Si Jesu-Cristo ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman.

Huwag kayong padala sa sari-sari at kakaibang mga turo, sapagkat mabuti na ang puso ay patibayin ng biyaya; hindi sa pamamagitan ng mga pagkain, na di pinakinabangan ng mga tumupad ng mga iyon.

10 Tayo ay may isang dambana, na kung saan ang mga naglilingkod sa tabernakulo ay walang karapatang kumain.

11 Sapagkat(D) ang katawan ng mga hayop na ang mga dugo'y dinadala ng pinakapunong pari sa santuwaryo para sa kasalanan ay sinusunog sa labas ng kampo.

12 Kaya si Jesus man ay nagdusa sa labas ng pintuan ng lunsod upang gawing banal ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo.

13 Kaya't puntahan natin siya sa labas ng kampo na dala ang kanyang kahihiyan.

14 Sapagkat dito'y wala tayong lunsod na magtatagal, ngunit hinahanap natin ang lunsod na darating.

15 Kaya't sa pamamagitan niya ay maghandog tayong patuloy ng alay ng pagpupuri sa Diyos, samakatuwid ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kanyang pangalan.

16 Huwag ninyong kaliligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pamamahagi, sapagkat ang Diyos ay nalulugod sa mga gayong handog.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001