Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Hatol at Habag ng Diyos
Maskil[a] (A) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang si Doeg na isang Edomita ay nagpunta at magsumbong kay Saul na, “Si David ay nagpunta sa bahay ni Ahimelec”.
52 O taong malakas, bakit ka nagyabang
sa gawa mong mali?
Pag-ibig ng Diyos ang mamamalagi.
2 Balak mo'y wasakin
ang iba, ng iyong matalim na dila
ng pagsisinungaling.
3 Higit na matindi
ang iyong pag-ibig sa gawang masama,
higit na nais mo'y
kasinungalingan kaysa gawang tama. (Selah)[b]
4 Taong sinungaling
ang iba'y gusto mong saktan sa salita.
5 Kaya't wawasaki't
aal'sin ka ng Diyos sa loob ng tolda,
sa mundo ng buháy aalisin ka niya. (Selah)[c]
6 Ito'y makikita
ng mga matuwid, matatakot sila,
at ang sasabihing pawang nagtatawa:
7 “Masdan mo ang taong
sa Diyos di sumampalataya,
sa taglay niyang yaman nanangan
at nagpakalakas sa kanyang kasamaan.”
8 Kahoy na olibo
sa tabi ng templo, ang aking katulad;
nagtiwala ako
sa pag-ibig ng Diyos na di kumukupas.
9 Di ako titigil
ng pasasalamat sa iyong ginawa,
ang kabutihan mo'y
ipahahayag ko, kasama ng madla.
Itinulad ang Egipto sa Puno ng Sedar
31 Noong unang araw ng ikatlong buwan ng ikalabing isang taon ng aming pagkakabihag, sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa hari ng Egipto at sa kanyang mga tauhan:
Ano ba ang nakakatulad mo sa iyong kapangyarihan?
3 Ang katulad mo ay sedar sa Lebanon.
Mayayabong ang sanga. Malago ang dahon.
Ang taas mo'y walang katulad.
Ang dulo ng iyong sanga ay abot sa ulap.
4 Sagana ka sa dilig;
may agos pa sa ilalim ng lupang kinatatayuan mo.
Ganoon din sa bawat punongkahoy sa gubat.
5 Kaya ito ay tumaas nang higit sa lahat.
Ang mga sanga'y mayayabong at mayabong ang dahon
sapagkat sagana nga sa tubig.
6 At doon ang mga ibo'y gumagawa ng pugad.
Sa lilim nito nagluluwal ng anak ang mga hayop.
At ang mga bansa ay sumisilong sa kanya.
7 Anong inam pagmasdan ang maganda niyang kaanyuan.
Marami ang sanga. Mayayabong. Malalabay.
Mga ugat nito ay abot sa masaganang bukal ng tubig.
8 Hindi(A) ito mahihigtan kahit ng sedar sa hardin ng Diyos,
ni maipaparis sa alinmang punongkahoy sa hardin ng Diyos.
9 Ito'y aking pinaganda. Pinayabong ko ang mga sanga.
Kaya, nananaghili sa kanya ang mga punongkahoy sa hardin ng Diyos, sa Eden.
10 Kaya't sinasabi ng Panginoong Yahweh, kung ano ang mangyayari sa punongkahoy na itong tumaas hanggang sa nakikipaghalikan sa mga ulap. Ngunit habang tumataas, nagiging palalo siya. 11 Kaya naman, ipapasakop ko siya sa isang makapangyarihang bansa upang maranasan niya ang pahirap na marapat sa kanya. 12 Ibubuwal siya ng mararahas na bansa, saka iiwan. Mga sanga nito ay bali-baling babagsak sa mga bundok, kapatagan at tubigan. Mag-aalisan ang mga taong sumisilong sa kanya.
Pangwakas na Babala at Pagbati
11 Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang mga titik na ginagamit ko sa pagsulat sa inyo sa pamamagitan ng sarili kong kamay.
12 Gusto lamang ng mga namimilit sa inyo na kayo'y magpatuli na makita silang gumagawa ng magagandang bagay. Ginagawa nila iyon upang huwag silang usigin dahil sa krus ni Cristo. 13 Kahit na silang mga tuli ay hindi naman tumutupad sa Kautusan; nais lamang nilang patuli kayo upang maipagmalaki nila na kayo man ay tumupad sa tuntuning iyon. 14 Huwag nawang mangyari sa akin na ipagmalaki ko ang anumang bagay bukod sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sapagkat sa pamamagitan nito, ang mundong ito'y patay na para sa akin, at ako nama'y patay na rin sa mundo. 15 Hindi mahalaga kung tuli man o hindi ang isang tao. Ang mahalaga ay kung siya ay bago nang nilalang. 16 Manatili nawa ang kapayapaan at habag ng Diyos sa lahat ng namumuhay ayon sa tuntuning ito, at sa buong bayan ng Diyos.
17 Kaya mula ngayon, huwag nang dagdagan ninuman ang aking mga paghihirap, sapagkat ipinapakita ng mga pilat sa aking katawan na ako'y lingkod ni Jesus.
18 Mga kapatid, sumainyo nawang lahat ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.
by