Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit tungkol sa Kasaysayan ng Israel
Isang Maskil[a] ni Asaf.
78 Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
2 Itong(A) aking sasabihin ay bagay na talinghaga,
nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
3 Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,
nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
4 Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,
ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;
mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga
na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila.
52 Tinipon(A) ang kanyang hirang na animo'y mga tupa,
inakay sa lupaing ilang sa kanyang pangunguna.
53 Inakay(B) nga at naligtas, kaya naman di natakot,
samantalang ang kanilang kaaway ay nangalunod.
54 Inihatid(C) sila ng Diyos sa lupain niyang banal,
sa bundok na mismong siya ang kumuha sa kaaway.
55 Itinaboy(D) niyang lahat ang naroong namamayan,
pinaghati-hati niya ang lupaing naiwanan;
sa kanilang mga tolda ang Israel ay nanahan.
56 Ngunit(E) sila'y naghimagsik sa Kataas-taasang Diyos,
hindi nila iginalang ang kanyang mga utos;
57 katulad ng nuno nila sila'y kusang tumalikod,
nagtaksil na wari'y panang lumipad nang walang taros.
58 Nanibugho itong Diyos, sa kanila ay nagalit,
nang makita ang dambana ng larawang iniukit.
59 Sumamâ ang loob niya noong ito ay mamasid,
itinakwil ang Israel sa tindi ng kanyang galit.
60 Kaya't(F) kanyang iniwanan ang tahanang nasa Shilo,
yaong toldang tirahan niya sa gitna ng mga tao.
61 Sagisag(G) ng kanyang lakas, ang Kaban ng kanyang Tipan,
binayaan na mahulog at makuha ng kaaway.
62 Nagalit sa kanyang baya't ibinigay sa kaaway,
kaya naman ang marami sa kanila ay namatay.
63 Kanilang mga binata ay nasawi sa labanan,
dalaga mang magaganda'y wala nang mapangasawa.
64 Pati mga pari nila, sa patalim ay napuksa,
ang kanilang mga balo'y ni ayaw nang magluksa.
65 Parang tulog na gumising, si Yahweh ay nagbangon, ang katawan ay masigla, tumayo ang Panginoon;
parang taong nagpainit sa alak na iniinom.
66 Pinaurong ang kaaway, lahat niyang katunggali,
napahiya silang lahat, pawang galit na umuwi.
67 Maging ang lahi ni Jose, sadya niyang itinakwil,
at di niya pinagbigyan pati lahi ni Efraim.
68 Sa halip, pinili niya'y ang sambahayan ni Juda,
at ang bundok naman ng Zion ang tirahang minahal niya.
69 Doon niya itinayo yaong banal na santuwaryo,
katulad ng nasa langit na tahanan niyang dako;
lubos niyang pinatatag na tulad ng mundong ito.
70 Ang(H) kinuhang pangunahi'y sa mahirap pa hinugot,
isang pastol ang napili, si David na kanyang lingkod.
71 Ang alagang dati nito ay kawan ng mga hayop,
nang maghari sa Israel, nanguna sa bayan ng Diyos.
72 Matuwid na namahala, namalakad na mahusay,
lubos silang kinalinga sa tulong niya at patnubay.
27 Ngunit nang ikapitong araw ay mayroon pa ring mga lumabas sa bukid para mamulot ngunit wala silang nakuha. 28 Kaya sinabi ni Yahweh kay Moises, “Hanggang kailan pa kayo susuway sa aking mga utos? 29 Tandaan ninyo na akong si Yahweh ang nagtakda sa inyo ng Araw ng Pamamahinga. Kaya, tuwing ikaanim na araw ay binibigyan ko kayo ng pagkain para sa dalawang araw. Sa ikapitong araw ay wala nang lalabas.” 30 At mula noon, nagpapahinga na lamang sila tuwing ikapitong araw.
31 Manna[a] (A) ang itinawag ng mga Israelita sa pagkaing pinupulot nila. Ito'y parang buto ng kulantro, maputi at lasang galyetas na minasa sa pulot. 32 Sinabi sa kanila ni Moises, “Ito ang utos ni Yahweh: ‘Kumuha kayo ng kalahating salop ng manna. Itatago ninyo ito upang makita ng inyong magiging mga anak at mga apo ang pagkaing ibinigay ko sa inyo nang ilabas ko kayo sa Egipto.’” 33 Sinabi(B) naman ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang banga at lagyan mo ng kalahating salop na manna. Pagkatapos, ialay mo sa harapan ni Yahweh upang itago para sa ating magiging mga anak at mga apo.” 34 Gaya ng iniutos ni Yahweh kay Moises, inilagay ni Aaron sa loob ng Kaban ng Tipan ang palayok ng manna. 35 Manna(C) ang kinain ng mga Israelita sa loob ng apatnapung taon, hanggang sa dumating sila sa Canaan. (36 Ang isang salop ay katumbas ng higit sa apat na litro.)
Ang Pagpupulong sa Jerusalem
15 May(A) dumating doon na ilang taong mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid, “Kapag hindi kayo nagpatuli ayon sa kaugaliang itinuturo ni Moises, hindi kayo maliligtas.”
2 Mahigpit itong tinutulan nina Pablo at Bernabe at naging mainitan ang kanilang pagtatalo. Kaya't napagpasyahang papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ilan pang kapatid na taga-Antioquia, upang ang suliraning ito ay isangguni sa mga apostol at sa matatandang pinuno ng iglesya.
3 Isinugo nga sila ng iglesya at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, ibinalita nila roon na marami nang mga Hentil ang nahikayat sa pananampalataya. Ito nama'y labis na ikinagalak ng mga kapatid. 4 Pagdating nila sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng mga apostol, ng mga matatandang pinuno, at ng buong iglesya. Isinalaysay nila ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. 5 Ngunit tumayo naman ang ilang mananampalatayang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at kanilang sinabi, “Kailangang tuliin at utusang tumupad sa Kautusan ni Moises ang mga Hentil na sumasampalataya.”
Ang Sulat sa mga Hentil na Sumasampalataya
22 Kaya't minabuti ng mga apostol, ng matatandang pinuno ng iglesya, at ng buong iglesya na pumili ng ilan sa kanila upang suguin sa Antioquia, kasama nina Pablo at Bernabe. Ang mga napili nila ay si Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas, na mga lalaking iginagalang ng mga kapatid. 23 Ipinadala nila sa kanila ang sulat na ganito ang nilalaman:
“Kaming mga apostol at ang matatandang pinuno ng iglesya, inyong mga kapatid, ay bumabati sa mga kapatid naming Hentil na nasa Antioquia, sa Siria at sa Cilicia. 24 Nabalitaan naming ginugulo kayo ng ilang kasamahan naming galing dito, kahit na hindi namin sila inutusan. At binabagabag nila kayo sa pamamagitan ng kanilang itinuturo, 25 kaya't napagkaisahan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating minamahal na sina Bernabe at Pablo, 26 mga taong hindi nag-atubiling itaya ang kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 27 Isinugo namin sa inyo sina Judas at Silas upang ipaliwanag ang sinasabi sa sulat na ito. 28 Sapagkat minabuti namin at ng Espiritu Santo na huwag na kayong atangan ng iba pang pasanin maliban sa mga bagay na ito na talagang kailangan: 29 huwag kayong kakain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag kayong makikiapid. Layuan ninyo ang mga iyan para sa ikabubuti ninyo. Paalam.”
30 At pinalakad nila ang mga sugo. Pagdating sa Antioquia, tinipon ng mga ito ang mga kapatid at ibinigay ang sulat. 31 Pagkabasa sa sulat, nagalak ang lahat dahil sa mensaheng nagpalakas ng kanilang loob. 32 Sina Judas at Silas, na mga propeta rin, ay maraming itinuro sa mga kapatid na nakapagpasigla at nakapagpatibay ng kanilang pananampalataya. 33 Ang dalawa'y tumigil doon nang kaunting panahon. Pagkatapos, sila'y pinabalik na taglay ang pagbati ng mga kapatid para sa mga nagsugo sa kanila. [34 Ngunit minabuti ni Silas ang manatili doon.][a]
35 Subalit nanatili sina Pablo at Bernabe sa Antioquia, at kasama ng marami pang iba ay nagturo at nangaral ng salita ng Panginoon.
by