Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
130 Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin.
2 Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
3 Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
4 Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot.
5 Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon,
pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
6 Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa
sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga.
7 Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh,
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos.
8 Ililigtas(A) ang Israel, bansang kanyang minamahal,
ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.
Pinarusahan ni Yahweh ang Israel(A)
34 “Narinig(B) ni Yahweh ang usapan ninyo, at siya'y nagalit. Dahil dito, isinumpa niya: 35 ‘Isa man sa inyo ay hindi makakarating sa lupaing aking ipinangako sa inyong mga ninuno, 36 maliban kay Caleb na anak ni Jefune. Siya lamang ang makakapasok doon. Ibibigay ko sa kanya at sa kanyang magiging angkan ang lupaing maaabot niya sapagkat lubusan siyang sumunod sa akin.’ 37 Nagalit din sa akin si Yahweh dahil sa inyo. Sinabi niya, ‘Kahit ikaw, Moises, ay hindi makakapasok sa lupaing iyon. 38 Ang kanang kamay mong si Josue ang papasok doon. Palakasin mo ang kanyang loob sapagkat siya ang mangunguna sa Israel sa pagsakop nila sa lupaing iyon.’
39 “Sinabi rin niya, ‘Makakarating doon ang mga maliliit ninyong anak na hindi pa nakakaalam ng mabuti at masama—ang inyong mga anak na sinasabi ninyong mabibihag ng mga kaaway. Ibibigay ko sa kanila ang lupain at sasakupin nila ito. 40 Ngunit kayo'y babalik sa ilang papuntang Dagat na Pula.’[a]
5 Alam(A) naming kapag nasira na ang toldang tinatahanan natin ngayon, ang ating katawang-lupa, kami'y may tahanan sa langit na hindi kailanman masisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, at hindi ng tao. 2 Dumaraing kami habang kami'y nasa toldang ito, at labis na nananabik sa aming tahanang makalangit, 3 upang kung mabihisan[a] na kami nito ay hindi kami matagpuang hubad. 4 Habang nakatira pa kami sa toldang ito, kami'y naghihinagpis at dumaraing, hindi dahil nais na naming iwaksi ang katawang panlupa, kundi dahil nais na naming mabihisan ng katawang panlangit. Sa gayon, ang buhay na may katapusan ay mapapalitan ng buhay na walang hanggan. 5 Ang Diyos mismo ang naghanda sa amin para sa ganitong pagbabago, at ibinigay niya sa amin ang Espiritu bilang katibayan na ito'y matutupad.
by