Revised Common Lectionary (Complementary)
UNANG AKLAT
Ang Tunay na Kagalakan
1 Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama,
at hindi sumusunod sa masama nilang halimbawa.
Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya
at hindi nakikisangkot sa gawaing masama.
2 Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh.
Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi.
3 Katulad(A) niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan,
laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon.
Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay.
4 Hindi gayon ang sinumang gumagawa ng masama,
ito ay tulad ng ipa, hangin ang siyang nagtatangay.
5 Sa araw ng paghuhukom, parusa niya'y nakalaan
siya'y ihihiwalay sa grupo ng mga banal.
6 Sa taong matuwid, si Yahweh ang pumapatnubay,
ngunit ang taong masama, kapahamakan ang hantungan.
Aral mula sa Mabuti at sa Masamang Igos
24 Pagkatapos(A) gapiin at dalhing-bihag sa Babilonia ng Haring Nebucadnezar si Haring Jeconias na anak ni Jehoiakim, kasama ang mga pinuno, mahuhusay na manggagawa at mga panday ng Juda mula Jerusalem patungong Babilonia, ipinakita sa akin ni Yahweh ang dalawang basket ng igos sa harap ng Templo ni Yahweh sa isang pangitain. 2 Napakaganda ng mga igos sa unang basket, mga unang nahinog na bunga; ngunit napakasasama naman ng igos na nasa pangalawang basket, at hindi na maaaring kainin. 3 At tinanong ako ni Yahweh, “Jeremias, ano ang nakikita mo?”
Sumagot ako, “Mga igos po; napakagaganda ng nasa unang basket, ngunit napakasasama ng nasa isang basket at hindi na maaaring kainin.”
4 Pagkatapos ay sinabi sa akin ni Yahweh, 5 “Akong si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi: Katulad ng mabubuting igos na iyan, ang mga taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia ay itinuturing kong mabubuting tao. 6 Pangangalagaan ko sila at ibabalik balang araw sa kanilang lupain. Patatatagin ko sila at hindi lilipulin; itatanim at hindi bubunutin. 7 Makikilala nila na ako si Yahweh; sila'y magiging aking bayan at ako ang magiging kanilang Diyos, sapagkat buong puso silang magbabalik-loob sa akin.
8 “Ngunit kung paanong hindi makain ang napakasasamang igos,” sabi ni Yahweh, “gayon din ang gagawin ko kay Haring Zedekias ng Juda, sa kanyang mga pinuno, at sa mga natira sa Jerusalem na nananatili sa lupaing ito, pati ang mga nanirahan sa Egipto. 9 Sila'y katatakutan sa lahat ng kaharian sa sanlibutan. Hahamakin sila, at ang pangalan nila'y magiging bukambibig sa pag-alipusta at pagsumpa kahit saan sila mapunta. 10 Daranas sila ng digmaan, taggutom, at salot hanggang sa lubusan silang mawala sa balat ng lupa, sa lupaing ibinigay ko sa kanila at sa mga ninuno nila.”
Tulong sa mga Kapatid sa Judea
16 Tungkol(A) naman sa ambagan para sa mga kapatid, gawin ninyo ang tulad sa ipinagbilin ko sa mga iglesya sa Galacia. 2 Tuwing unang araw ng sanlinggo, ang bawat isa ay maglaan ng bahagi ng kanyang kinikita at ipunin iyon upang hindi na kailangang mag-ambagan pa pagpunta ko riyan. 3 Pagdating ko riyan, bibigyan ko ng sulat ang mga taong pipiliin ninyo upang magdala ng inyong tulong sa Jerusalem. 4 At kung kailangang pumunta rin ako, sasama ako sa kanila.
Mga Balak ni Pablo
5 Pupunta(B) ako riyan pagkagaling ko sa Macedonia, sapagkat binabalak kong dumaan doon. 6 Mananatili muna ako riyan at maaaring diyan na ako magpalipas ng taglamig upang ako'y matulungan ninyo sa pagpapatuloy ng aking paglalakbay, saanman ako pupunta. 7 Ayaw kong ako'y dadaan lamang diyan; nais kong magtagal nang kaunti kung loloobin ng Panginoon.
8 Titigil(C)(D) ako sa Efeso hanggang sa araw ng Pentecostes 9 dahil may magandang pagkakataong nabuksan doon para sa gawain, kahit na maraming kumakalaban.
10 Pagdating(E) diyan ni Timoteo, ipadama ninyo ang inyong pagtanggap sa kanya upang mapanatag ang kanyang kalooban, sapagkat siya'y tulad kong naglilingkod sa Panginoon. 11 Huwag ninyo siyang maliitin, sa halip ay tulungan ninyo upang makabalik siya sa akin nang mapayapa, sapagkat hinihintay ko siya kasama ng mga kapatid.
12 Tungkol naman sa ating kapatid na si Apolos, kinausap ko siyang mabuti upang dalawin kayo kasama ng ibang mga kapatid. Ngunit hindi pa siya makakapunta ngayon. Saka na siya dadalaw sa inyo kapag nagkaroon ng pagkakataon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.