Revised Common Lectionary (Complementary)
10 “Ang(A) ulan at yelo na bumabagsak mula sa langit ay hindi na nagbabalik,
kundi dinidilig nito ang lupa,
kaya lumalago ang mga halaman at namumunga
at nagbibigay ng butil na panghasik, at tinapay upang maging pagkain.
11 Gayundin naman ang mga salita na lumalabas sa aking bibig,
ang mga ito'y hindi babalik sa akin na walang katuturan.
Tutuparin nito ang aking mga balak, at gagawin nito ang aking ninanais.
12 “May galak na lilisanin ninyo ang Babilonia,
mapayapa kayong aakayin palabas ng lunsod.
Aawit sa tuwa ang mga bundok at mga burol,
sisigaw sa galak ang mga punongkahoy.
13 Sa halip na mga tinik, kahoy na mayabong ang siyang tutubo;
sa halip na dawag, mga kakahuyan ay muling darami at magsisilago.
Ang lahat ng ito'y parangal kay Yahweh,
walang hanggang tanda sa lahat ng kanyang mga ginawa.”
Awit ng Papuri sa Diyos
Isang Awit para sa Araw ng Pamamahinga.
92 Ang magpasalamat
kay Yahweh ay mabuting bagay,
umawit na lagi
purihin ang ngalang Kataas-taasan.
2 Pag-ibig niyang wagas
ay dapat ihayag, kung bukang-liwayway,
pagsapit ng gabi
ang katapatan niya'y ihayag din naman.
3 Ito'y ipahayag
sa saliw ng alpa't tugtuging salteryo,
sa magandang himig
ng tugtuging lira'y ipahayag ito.
4 Ako'y nagagalak
sa iyong ginawa na kahanga-hanga,
sa lahat ng ito
ako'y umaawit dahilan sa tuwa.
12 Tulad ng palmera,
ang taong matuwid tatatag ang buhay,
sedar ang kagaya,
kahoy sa Lebanon, lalagong malabay.
13 Mga punong natanim
sa tahanan ni Yahweh,
sa Templo ng ating Diyos
bunga nila'y darami.
14 Tuloy ang pagbunga
kahit na ang punong ito ay tumanda,
luntia't matatag,
at ang dahon nito ay laging sariwa.
15 Ito'y patotoo
na si Yahweh ay tunay na matuwid,
siya kong sanggalang,
matatag na batong walang karumihan.
51 Isang(A) hiwaga ang sinasabi ko sa inyo, hindi lahat tayo'y mamamatay ngunit lahat tayo'y babaguhin, 52 sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling pag-ihip ng trumpeta. Sapagkat sa pagtunog ng trumpeta, ang mga patay ay muling bubuhayin at di na muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat. 53 Ang ating katawang nabubulok ay mapapalitan ng hindi nabubulok, at ang katawang namamatay ay mapapalitan ng katawang hindi namamatay. 54 Kapag(B) ang nabubulok ay napalitan na ng di nabubulok, at ang may kamatayan ay napalitan na ng walang kamatayan, matutupad na ang sinasabi sa kasulatan: “Nalupig na ang kamatayan; lubos na ang tagumpay!”
55 “Nasaan,(C) O kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?”
56 Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan.
57 Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo!
58 Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo palagi sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong pagpapagal para sa kanya.
39 Tinanong(A) sila ni Jesus nang patalinghaga, “Maaari kayang mag-akay ang isang bulag ng kapwa niya bulag? Pareho silang mahuhulog sa hukay kapag ginawa nila ang ganoon! 40 Walang(B) alagad na nakakahigit sa kanyang guro, ngunit matapos maturuang lubos, ang alagad ay makakatulad ng kanyang guro.
41 “Bakit mo pinapansin ang puwing ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang troso sa iyong mata? 42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, hayaan mong alisin ko ang iyong puwing,’ gayong hindi mo nakikita ang trosong nasa iyong mata? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata, nang makakita kang mabuti; sa gayon, maaalis mo na ang puwing ng iyong kapatid.”
Sa Bunga Makikilala ang Puno(C)
43 “Walang mabuting punongkahoy na namumunga ng masama, at wala ring masamang puno na namumunga ng mabuti. 44 Nakikilala(D) ang bawat puno sa pamamagitan ng kanyang bunga. Sapagkat hindi nakakapitas ng igos sa matitinik na halaman o ng ubas sa mga dawag. 45 Ang(E) mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa kanyang pusong sagana sa kabutihan, samantalang ang masamang tao naman ay naglalabas ng masama mula sa kanyang pusong puno ng kasamaan. Sapagkat kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng labi.”
Ang Dalawang Uri ng Taong Nagtayo ng Bahay(F)
46 “Bakit ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko? 47 Sasabihin ko sa inyo kung ano ang katulad ng taong lumalapit sa akin, nakikinig sa aking mga salita, at nagsasagawa ng mga ito. 48 Siya ay katulad ng isang taong humukay nang malalim at nagtayo ng bahay sa pundasyong bato. Nang bumaha at bumugso ang tubig, hindi natinag ang bahay na itinayo, sapagkat matibay ang pagkakatayo nito. 49 Ngunit ang nakikinig naman ng aking mga salita at hindi tumutupad nito ay katulad ng isang taong nagtayo ng bahay nang walang pundasyon. Nang bumaha at bumugso ang tubig sa bahay na iyon, kaagad itong bumagsak at lubusang nawasak.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.