Old/New Testament
Pinagaling ni Jesus ang mga may Sakit
5 Matapos ang mga ito, habang nagdiriwang ng Pista ang mga Judio, pumunta si Jesus sa Jerusalem. 2 Sa Jerusalem, sa tabi ng Bakod ng mga Tupa ay may imbakan ng tubig na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Bethzatha na may limang malaking haligi. 3 Sa mga ito'y nakahiga ang maraming may sakit—mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. 4 Sapagkat isang anghel ng Panginoon ang bumababa sa imbakan ng tubig at kinalawkaw ang tubig doon; ang sinumang maunang makarating doon ay gagaling.[a] 5 Naroon ang isang lalaking tatlumpu't walong taon nang may karamdaman. 6 Nakita ni Jesus ang lalaking ito at alam niyang ito'y nakahiga na roon nang mahabang panahon, kaya't sinabi niya sa kanya, “Gusto mo bang gumaling?” 7 Sinagot siya ng lalaki, “Ginoo, wala po akong kasama na maglulusong sa akin sa imbakan ng tubig habang ito'y kinakalawkaw, at kapag ako'y papunta na roon, may nauuna na sa akin.” 8 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka, dalhin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” 9 At gumaling kaagad ang lalaki, dinala niya ang kanyang higaan at siya'y naglakad. Nangyari ito nang araw ng Sabbath. 10 (A)Kaya't sinabi ng mga Judio sa lalaking pinagaling, “Sabbath ngayon, at hindi naaayon sa batas na dalhin ang iyong higaan.” 11 Ngunit sila'y kanyang sinagot, “Ang lalaking nagpagaling sa akin ang nagsabi na dalhin ko ang aking higaan at lumakad ako.” 12 Siya'y kanilang tinanong, “Sino ang nagsabi sa iyong dalhin mo ang iyong higaan at lumakad?” 13 Ngunit hindi nakilala ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, dahil umalis si Jesus nang dumami na ang tao sa lugar na iyon. 14 Pagkalipas ng mga ito, natagpuan siya ni Jesus sa templo, at sinabi sa kanya, “Tingnan mo, magaling ka na! Huwag ka nang gumawa ng kasalanan upang wala nang masamang mangyari sa iyo.” 15 Umalis ang lalaki at ibinalita sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Kaya, inusig ng mga Judio si Jesus, sapagkat ginawa niya ang mga ito sa araw ng Sabbath. 17 Ngunit sinagot sila ni Jesus, “Ang aking Ama ay patuloy sa gawain at ako'y ganoon din.” 18 (B)Dahil dito, lalong nagsumikap ang mga Judio na patayin siya, dahil hindi lamang niya nilabag ang tuntunin ukol sa Sabbath, kundi sinabi rin niyang sarili niyang Ama ang Diyos, sa gayo'y ipinapantay ang sarili niya sa Diyos.
Ang kapangyarihan ng Anak
19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang anumang magagawa ang Anak mula sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat kung anuman ang ginagawa ng Ama, iyon din ang ginagawa ng Anak. 20 Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at ipinapakita niya sa kanya ang lahat ng ginagawa niya; at mas higit pa sa mga bagay na ito ang ipapakita ng Ama sa kanya, nang sa gayon, kayo ay mamangha. 21 At kung paanong ibinabangon at binubuhay ng Ama ang mga patay, gayon din namang bubuhayin ng Anak ang sinumang naisin niya. 22 Hindi hinahatulan ng Ama ang sinuman, ngunit ibinigay niya sa Anak ang lahat ng paghatol. 23 Sa gayon, ang lahat ay magpaparangal sa Anak tulad ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang sinumang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi rin nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kanya. 24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang nakikinig sa salita ko at sumasampalataya sa kanya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan; hindi na siya daranas ng paghatol, sapagkat nailipat na siya mula sa kamatayan patungo sa buhay.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.