Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Job 3-4

Nagsalita si Job

Kinalaunan, nagsalita si Job at isinumpa niya ang araw na isinilang siya. Sinabi niya, “Isinusumpa ko ang araw na akoʼy ipinanganak. Naging madilim na lang sana ang araw na iyon at hindi na sinikatan ng araw. Kinalimutan na lang sana ng Dios sa langit ang araw na iyon. Nanatili na lang sana itong madilim o natatakpan ng makapal na ulap, at nilukuban na lang sana ng kadiliman ang kaliwanagan. Kinuha na lang sana ng kadiliman ang gabing iyon nang akoʼy isilang, at hindi na sana napabilang sa kalendaryo. Hindi na nga lang sana ako ipinanganak ng gabing iyon, at wala rin sanang kasayahan noon. Sumpain nawa ang gabing iyon ng mga manunumpa na alam kung paano pakilusin ang Leviatan.[a] Hindi na sana sumikat ang tala sa umaga ng araw na iyon, at hindi na sana dumating ang bukang-liwayway. 10 Isinusumpa ko ang araw na iyon dahil hindi niya pinigilan ang pagsilang sa akin, nang hindi ko na sana naranasan ang ganitong paghihirap.

11 “Mabuti pang namatay na lang ako sa sinapupunan ng aking ina. 12 Bakit pa ako kinalingaʼt pinasuso ng aking ina? 13 Kung namatay na sana ako noon, tahimik na sana ako ngayong natutulog at nagpapahinga 14 kasama ng mga hari at mga pinuno ng mundo na nagtayo ng mga palasyo[b] na giba na ngayon.[c] 15 Nagpapahinga na rin sana ako kasama ng mga pinuno na ang mga tahanan ay puno ng mga gintoʼt pilak. 16 Mas mabuti pang akoʼy naging katulad ng mga batang patay na nang ipinanganak at hindi na nakakita ng liwanag. 17 Doon sa lugar ng mga patay, ang masama ay hindi na gumagawa ng kasamaan at ang mga pagod ay nagpapahinga na. 18 Doon, ang mga bihag ay nagpapahinga rin at hindi na nila naririnig ang sigaw ng taong pumipilit sa kanila na magtrabaho. 19 Naroon ang lahat ng uri ng tao, tanyag man o hindi. At ang mga alipin ay malaya na sa kanilang amo.

20 “Bakit pa pinapayagang mabuhay ang taong nagtitiis at nagdurusa? 21 Nagnanais silang mamatay pero hindi pa rin sila namamatay. Hangad nila ang kamatayan ng higit pa sa isang taong naghahanap ng nakatagong kayamanan. 22 Mas sasaya sila kapag namatay na at nailibing. 23 Bakit kaya niloob pa ng Dios na mabuhay ang tao nang hindi man lamang pinapaalam ang kanyang kahahantungan? 24 Hindi ako makakain dahil sa labis na pagdaramdam at walang tigil ang aking pagdaing. 25 Ang kinatatakutan koʼy nangyari sa akin. 26 Wala akong kapayapaan at katahimikan. Wala akong kapahingahan, pawang kabagabagan ang nararanasan ko.”

Nagsalita si Elifaz

Nagsalita si Elifaz na taga-Teman. Sinabi niya, “Magagalit ka ba kung magsasalita ako? Hindi ko na kayang manahimik. Noon, pinapayuhan mo ang maraming tao na magtiwala sa Dios, at pinalalakas ang mahihina at nanlulupaypay. Ang mga salita moʼy nagpalakas sa kanila at umalalay sa mga nanghihina. Pero ngayong ikaw na ang dumaranas ng kahirapan, tila ikaw ang nanghihina at naguguluhan. Hindi baʼt kapag may takot ka sa Dios at namumuhay ka ng matuwid, magdudulot ito sa iyo ng tiwalaʼt pag-asa?

“Ngayon, isipin mong mabuti. May tao bang matuwid at walang kasalanan na napahamak? Ayon sa aking nakitaʼt nalaman, ang mga taong gumagawa ng kasamaan at kaguluhan, kasamaan at kaguluhan din ang kanilang kahahantungan. Sa isang bugso lamang ng galit ng Dios, mapapahamak sila. 10 Kahit na silaʼy tulad ng malakas at mabangis na leon, tatanggalin pa rin ang kanilang mga ngipin. 11 Mamamatay sila dahil sa gutom at ang mga anak nila ay mangangalat.

12 “May sinabi sa akin nang palihim. Ibinulong ito sa akin 13 sa pamamagitan ng panaginip. Gabi iyon habang ang mga taoʼy mahimbing na natutulog. 14 Natakot ako at nanginig ang buo kong katawan. 15 May espiritu na dumaan sa aking harap[d] at tumayo ang mga balahibo ko at kinilabutan ako. 16 Huminto ito, pero hindi ko gaanong maaninag. At may narinig akong mahinang tinig na nagsasabi, 17 ‘Mayroon bang taong matuwid o malinis sa paningin ng Dios na kanyang Manlilikha? 18 Kung mismong sa mga anghel na lingkod niya ay hindi siya lubusang nagtitiwala, at nakakakita siya ng kamalian nila, 19 di lalo na sa taong nilikha lamang mula sa lupa, na madaling pisain katulad ng gamo-gamo! 20 Ang taoʼy maaaring buhay pa sa umaga pero kinagabihaʼy patay na at hindi na makikita magpakailanman. 21 Para silang mga toldang bumagsak. Namatay sila nang kulang sa karunungan.’

Gawa 7:44-60

44 Sinabi pa ni Esteban, “Nang naroon pa ang ating mga ninuno sa disyerto, may tolda sila kung saan naroon ang presensya ng Dios. Ginawa ang Tolda ayon sa utos ng Dios kay Moises at sa planong ipinakita sa kanya. 45 Nang namatay na ang ating mga ninuno, ang kanilang mga anak naman ang nagdala ng tolda. Ang kanilang pinuno ay si Josue. Napasakanila ang lupain na ipinangako ng Dios matapos itaboy ng Dios ang mga nakatira roon. At nanatili roon ang tolda hanggang sa panahon ng paghahari ni David. 46 Hiniling ni David sa Dios na pahintulutan siyang magpatayo ng bahay para sa Dios para makasamba roon ang mga lahi ni Jacob. Pero hindi siya pinayagan, kahit nalulugod ang Dios sa kanya. 47 Sa halip, si Solomon ang nagtayo ng templo ng Dios.

48 “Pero ang Kataas-taasang Dios ay hindi tumitira sa mga bahay na gawa ng tao. Katulad ng sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,

49 ‘Ang langit ang aking trono, at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Kaya anong uri ng bahay ang gagawin nʼyo para sa akin? Saan ba ang lugar na aking mapagpapahingahan? 50 Hindi baʼt ako ang gumawa ng lahat ng bagay?’ ”

51 Pagkatapos, sinabi ni Esteban, “Napakatigas ng ulo ninyo! Nagbibingi-bingihan kayo sa mga mensahe ng Dios, dahil ayaw ninyong sumunod sa mga sinasabi niya sa inyo. Palagi ninyong kinakalaban ang Banal na Espiritu. Manang-mana kayo sa ugali ng inyong mga ninuno. 52 Walang propeta sa kanilang kapanahunan na hindi nila inusig. Ang mga nagpahayag tungkol sa pagdating ng Matuwid na Lingkod[a] ay pinatay nila. At pagdating dito ni Jesus, kayo ang siyang nagkanulo at pumatay sa kanya. 53 Tumanggap kayo ng Kautusan na ibinigay ng Dios sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi ninyo sinunod.”

Ang Pagbato kay Esteban

54 Nang marinig iyon ng mga miyembro ng Korte, galit na galit sila kay Esteban. Nagngalit ang kanilang mga ngipin sa matinding galit. 55 Pero si Esteban na puspos ng Banal na Espiritu ay tumingala sa langit, at nakita niya ang nagniningning na kapangyarihan ng Dios at si Jesus na nakatayo sa kanan nito. 56 Sinabi ni Esteban, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukas ang langit at nakatayo si Jesus na Anak ng Tao sa kanan ng Dios!” 57 Sumigaw ang mga miyembro ng Korte at tinakpan nila ang kanilang mga tainga para hindi nila marinig ang sinasabi ni Esteban. At sabay-sabay silang sumugod sa kanya. 58 Kinaladkad nila si Esteban palabas ng lungsod at binato. Hinubad ng mga saksing laban kay Esteban ang kanilang balabal at iniwan sa isang binatang ang pangalan ay Saulo. 59 Habang binabato nila si Esteban, nananalangin siya. Sinabi niya, “Panginoong Jesus, tanggapin nʼyo po ang aking espiritu.” 60 Pagkatapos, lumuhod siya at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag nʼyo silang papanagutin sa kasalanang ito na ginawa nila.” At pagkasabi niya nito, namatay siya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®