Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ester 9-10

Nadaig ng mga Judio ang mga Kalaban Nila

Dumating ang ika-13 araw ng ika-12 buwan ng Adar. Ito ang araw na ipapatupad ang kautusan ng hari. Sa araw na ito, inakala ng mga kalaban ng mga Judio na lubusan na nilang malilipol ang mga Judio. Pero kabaligtaran ang nangyari, dahil sila ang nalipol ng mga Judio. Nang araw na iyon, nagtipon ang mga Judio sa kani-kanilang mga lungsod at probinsya na sakop ni Haring Ahasuerus para patayin ang sinumang mangahas na sumalakay sa kanila. Pero wala namang nangahas dahil takot sa kanila ang mga tao. Tinulungan pa sila ng mga pinuno ng mga probinsya, ng mga gobernador, at ng iba pang lingkod ng hari sa bawat lugar dahil natatakot din sila kay Mordecai. Sapagkat makapangyarihan na si Mordecai sa palasyo ng hari at tanyag na sa buong kaharian. At lalo pang nadadagdagan ang kanyang kapangyarihan.

Pinatay ng mga Judio ang lahat ng kalaban nila nang araw na iyon sa pamamagitan ng espada. Ginawa nila ang gusto nila sa lahat ng nagagalit sa kanila. Sa lungsod lang ng Susa, 500 na lalaki ang napatay nila. Pinatay din nila sina Parshandata, Dalfon, Aspata, Porata, Adalia, Aridata, Parmasta, Arisai, Aridai at Vaizata 10 na mga anak ni Haman na kalaban ng mga Judio at anak ni Hamedata. Pero hindi sinamsam ng mga Judio ang mga ari-arian ng mga kalaban nila.

11 Nang araw ding iyon, napag-alaman ng hari ang dami ng mga pinatay sa lungsod ng Susa. 12 Sinabi ng hari kay Reyna Ester, “Sa Susa pa lang 500 na lalaki ang pinatay ng mga Judio, at pinatay din nila ang sampung anak ni Haman. Ano kaya ang nangyari sa ibang lungsod at probinsya? Ano pa ngayon ang gusto mong hilingin at ibibigay ko sa iyo.” 13 Sinabi ni Ester, “Mahal na Hari, kung gusto po ninyo, payagan ninyong ipagtanggol pa ng mga Judio rito sa Susa ang kanilang sarili hanggang bukas, tulad ng ginagawa nila ngayon. At ituhog sa nakatayong kahoy ang mga bangkay ng sampung anak ni Haman.”

14 Kaya nag-utos ang hari na gawin ang kahilingan ni Ester. Ipinaalam sa mga taga-Susa ang utos ng hari at ibinigay ang mga bangkay ng sampung anak ni Haman. 15 Kinaumagahan, ika-14 na araw ng buwan ng Adar, nagtipong muli ang mga Judio na nasa Susa at nakapatay pa sila ng 300 lalaki. Pero hindi rin nila sinamsam ang mga ari-arian ng mga kalaban nila.

16-17 Pero noong ika-13 araw ng buwan ng Adar, nagtipon ang mga Judio sa ibaʼt ibang probinsya ng kaharian para ipagtanggol ang kanilang sarili sa mga kalaban nila. At nakapatay sila ng 75,000 tao, pero hindi nila sinamsam ang mga ari-arian nito. Kinaumagahan, ika-14 na araw ng buwan ng Adar, nagpahinga sila at nagdiwang ng pista. 18 Pero sa Susa, patuloy pa ang pagpatay ng mga Judio sa kanilang mga kalaban. At nang ika-15 araw ng buwan ng Adar, nagpahinga sila at nagdiwang ng pista. 19 Ito ang dahilan kung bakit ang mga Judiong nasa probinsya ay nagdiriwang ng pista sa ika-14 na araw ng buwan ng Adar. Sa araw na iyon, nagbibigayan sila ng mga regalo.[a]

Ang Pista ng “Purim”

20 Isinulat ni Mordecai ang lahat ng nangyari, at nagpadala siya ng sulat sa lahat ng Judio sa malalayo at sa malalapit na probinsyang nasasakupan ni Haring Ahasuerus. 21 Sa sulat na ito, sinabi ni Mordecai sa mga Judio na dapat alalahanin nila at ipagdiwang ang ika-14 at ika-15 araw ng buwan ng Adar. 22 Itoʼy para alalahanin ang araw na nakaligtas sila sa mga kalaban, na ang kalungkutan nila ay naging kaligayahan at ang kanilang iyakan ay naging kasayahan. Kaya sinabi sa kanila ni Mordecai sa sulat na dapat magdiwang sila ng pista, magsaya sa araw na iyon, at magbigayan ng mga regalo[b] sa isaʼt isa at sa mahihirap. 23 Sinunod ng mga Judio ang utos ni Mordecai, na patuloy nilang ipagdiwang ang pistang iyon sa bawat taon.

Ang Dahilan kung Bakit may Pista ng Purim

24 Si Haman na anak ni Hamedata na Agageo, na kalaban ng mga Judio ay nagplanong patayin ang lahat ng Judio. Nagpalabunutan sila para malaman kung kailan isasagawa ang pagpatay. Ang uri ng palabunutan na ginamit ay tinatawag na “Pur”. 25 Pero nang malaman ng hari ang planong ito sa pamamagitan ni Reyna Ester, nagpasulat ang hari ng isang utos na ang masamang plano ni Haman laban sa mga Judio ay gawin kay Haman at sa mga anak nitong lalaki. At iyon nga ang nangyari. 26 Ito ang dahilan kaya tinawag ang pistang iyon na Purim,[c] na mula sa salitang “pur”, na ang ibig sabihin ay palabunutan. At dahil sa sulat ni Mordecai at ayon sa karanasan nila, 27 nagkasundo ang mga Judio na ipagdiwang nila ang dalawang araw na iyon taun-taon katulad ng sinabi ni Mordecai, at napagpasyahan din nilang ipagdiwang ito ng kanilang angkan at ng lahat ng naging Judio. 28 Ang dalawang araw na ito ay aalalahanin at ipagdiriwang ng bawat sambahayan ng Judio sa bawat salinlahi nila, sa lahat ng lungsod at probinsya. Hindi ito dapat kalimutan o itigil ng alin mang lahi.

29 Para lalong mapagtibay ang sulat ni Mordecai tungkol sa Pista ng Purim, sumulat din si Reyna Ester na anak ni Abihail patungkol dito. Kasama rin niya si Mordecai sa pagsulat nito. 30 At ipinadala iyon ni Mordecai sa 127 probinsya na sakop ng kaharian ni Haring Ahasuerus. Ang sulat ay nagdulot ng kapayapaan at katiwasayan sa mga Judio, 31 at itinalaga na ipagdiwang ang Pista ng Purim sa takdang panahon, ayon sa iniutos ni Mordecai at ni Reyna Ester. Dapat nila itong sundin katulad ng pagsunod ng lahi nila sa mga tuntunin tungkol sa pag-aayuno at pagdadalamhati. 32 At ang utos ni Ester na nagpapatibay ng pagganap ng Pista ng Purim ay isinulat sa aklat ng kasaysayan.

Ang Kapangyarihan ni Haring Ahasuerus at Mordecai

10 Pinagbayad ni Haring Ahasuerus ng buwis ang lahat ng mamamayan sa buong kaharian niya, pati na ang nakatira sa mga isla.[d] Ang kapangyarihan ni Haring Ahasuerus at ang lahat ng ginawa niya, pati na ang pagtataas niya ng katungkulan kay Mordecai at ang malaking karangalang ibinigay niya rito ay nakasulat lahat sa Aklat ng Kasaysayan ng hari ng Media at Persia. Si Mordecai ay pangalawa kay Haring Ahasuerus. Tanyag siya sa mga kapwa niya Judio, at iginagalang nila dahil ginagawa niya ang lahat para sa ikabubuti ng mga kalahi niyang Judio, at siya ang nakikiusap sa hari kapag mayroon silang kahilingan.

Gawa 7:1-21

Ang Pangangaral ni Esteban

Nagtanong ang punong pari kay Esteban, “Totoo ba ang sinasabi ng mga taong ito?” Sumagot si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ako. Noong unang panahon, nagpakita ang makapangyarihang Dios sa ating ninunong si Abraham noong siyaʼy nasa Mesopotamia pa, bago siya lumipat sa Haran. Sinabi ng Dios sa kanya, ‘Lisanin mo ang iyong bansa, ang mga kamag-anak mo at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo.’[a] Kaya umalis si Abraham sa bayan ng Caldeo at doon siya nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, pinapunta siya ng Dios sa lugar na ito na tinitirhan natin ngayon. Noong panahong iyon, hindi pa binibigyan ng Dios si Abraham ng kahit kapirasong lupa. Pero nangako ang Dios na ang lugar na ito ay ibibigay niya kay Abraham at sa kanyang mga lahi. Wala pang anak si Abraham nang ipinangako ito ng Dios. Sinabi rin ng Dios sa kanya, ‘Ang iyong mga lahi ay maninirahan sa ibang bansa, at gagawin silang mga alipin doon at pagmamalupitan sa loob ng 400 taon. Ngunit parurusahan ko ang bansang aalipin sa kanila. Pagkatapos, aalis sila sa bansang iyon at babalik sa lugar na ito, at dito sila sasamba sa akin.’ At bilang tanda ng kanyang pangako, nag-utos ang Dios kay Abraham na ang lahat ng lalaki ay dapat tuliin. Kaya nang isilang ang kanyang anak na si Isaac, tinuli niya ito noong walong araw pa lang. Ganito rin ang ginawa ni Isaac sa kanyang anak na si Jacob. At ginawa rin ito ni Jacob sa kanyang 12 anak na siyang pinagmulan nating mga Judio.

“Si Jose na isa sa mga 12 anak ni Jacob ay kinainggitan ng mga kapatid niya, kaya ipinagbili nila siya. Dinala siya sa Egipto at naging alipin doon. Pero dahil ang Dios ay kasama ni Jose, 10 tinulungan siya nito sa lahat ng mga paghihirap na kanyang dinanas. Binigyan din siya ng Dios ng karunungan, kaya nagustuhan siya ng Faraon, ang hari ng Egipto. Ginawa siya ng hari na tagapamahala ng buong Egipto at ng lahat ng kanyang ari-arian. 11 Dumating ang taggutom sa buong Egipto at Canaan. Hirap na hirap ang mga tao, at ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. 12 Kaya nang mabalitaan ni Jacob na may pagkain sa Egipto, pinapunta niya roon ang kanyang mga anak, na siyang ating mga ninuno. Iyon ang una nilang pagpunta sa Egipto. 13 Sa ikalawang pagpunta nila, nagpakilala na si Jose na siyaʼy kapatid nila, at sinabi rin niya sa Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. 14 Pagkatapos, ipinag-utos ni Jose na papuntahin ang ama niyang si Jacob sa Egipto kasama ang kanyang buong pamilya. (Mga 75 silang lahat.) 15 Kaya pumunta si Jacob at ang ating mga ninuno sa Egipto. Doon sila nanirahan at doon na rin namatay. 16 Dinala ang kanilang mga bangkay sa Shekem at inilibing sa libingang binili ni Abraham noon sa mga anak ni Hamor.

17 “Nang malapit nang matupad ang pangako ng Dios kay Abraham, lalo pang dumami ang ating mga ninuno na naroon sa Egipto. 18 Dumating din ang araw na nagkaroon ng bagong hari ang Egipto na hindi kilala si Jose. 19 Dinaya ng haring ito ang ating mga ninuno at pinagmalupitan. Pinilit niya silang itapon ang kanilang sanggol para mamatay. 20 Iyon din ang panahon nang isilang si Moises, isang bata na kinalugdan ng Dios. Inalagaan siya ng kanyang mga magulang sa kanilang bahay sa loob ng tatlong buwan. 21 At nang napilitan na silang iwan siya, kinuha siya ng anak na babae ng Faraon at inalagaan na parang tunay niyang anak.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®