Old/New Testament
Nagplano si Haman na Lipulin ang mga Judio
3 Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Ahasuerus sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata na Agageo.[a] Ginawa siyang pinakamataas na pinuno sa kaharian niya. 2 Inutusan niya ang lahat ng opisyal na yumukod kay Haman bilang paggalang sa kanya. Pero ayaw yumukod ni Mordecai. 3 Tinanong siya ng ibang pinuno kung bakit hindi niya sinusunod ang utos ng hari. 4 At sinabi niyang isa siyang Judio.[b] Araw-araw, hinihikayat siya ng mga kapwa niya pinuno na yumukod kay Haman pero ayaw pa rin niyang sumunod. Dahil dito, isinumbong nila kay Haman si Mordecai para malaman nila kung pababayaan na lang siya sa ginagawa niya, dahil sinabi niyang isa siyang Judio.
5 Nang makita ni Haman na hindi yumuyukod sa kanya si Mordecai para magbigay galang, nagalit siya ng labis. 6 At nang malaman pa niyang si Mordecai ay isang Judio, naisip niyang hindi lang si Mordecai ang ipapapatay niya kundi pati na ang lahat ng Judio sa buong kaharian ni Haring Ahasuerus. 7 Nang buwan ng Nisan, ang unang buwan ng taon, noong ika-12 taon ng paghahari ni Ahasuerus, nag-utos si Haman na magpalabunutan para malaman kung ano ang tamang araw at buwan para ipatupad ang plano niya. (Ang ginagamit nila sa palabunutan ay tinatawag nilang “pur”.) At ang nabunot ay ang ika-13 araw ng[c] ika-12 buwan, ang buwan ng Adar.
8 Sinabi ni Haman kay Haring Ahasuerus, “Mahal na Hari, may isa pong grupo ng mga tao na naninirahan sa ibaʼt ibang probinsya ng inyong kaharian at may mga sarili po silang kautusan na iba kaysa sa ibang bansa. Hindi sila sumusunod sa mga kautusan ninyo at hindi ito makakabuti para sa inyo kung pababayaan na lang sila. 9 Kung gusto ninyo, Mahal na Hari, mag-utos kayo na patayin silang lahat. At magbibigay po ako ng 350 toneladang pilak sa mga pinuno ng inyong kaharian, at ilalagay nila ito sa taguan ng kayamanan ng hari.”
10 Pagkatapos, kinuha ng hari ang kanyang singsing na pantatak,[d] at ibinigay kay Haman na anak ni Hamedata na Agageo, ang kalaban ng mga Judio. 11 Sinabi ng hari sa kanya, “Sa iyo na lang ang pera mo, pero gawin mo ang gusto mong gawin sa mga Judio.” 12 Kaya noong ika-13 araw ng unang buwan, ipinatawag ni Haman ang lahat ng kalihim ng hari. Nagpagawa siya ng sulat sa kanila para sa mga gobernador ng mga probinsya, mga pinuno ng mga bayan at sa iba pang mga pinuno sa buong kaharian, sa kanilang sariling wika. Ang sulat ay ginawa sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing nito. 13 Ang sulat na iyon ay ipinadala sa lahat ng probinsya ng kaharian sa pamamagitan ng mga mensahero. Nakasulat dito ang utos na sa loob lang ng isang araw ay papatayin ang lahat ng Judio: bata, matanda, lalaki at babae, at sasamsamin ang lahat ng ari-arian nila. Gagawin ito sa ika-13 araw ng ika-12 buwan, ang buwan ng Adar.
14-15 Sa utos ng hari, mabilis na nagsialis ang mga mensahero para ihatid sa bawat probinsya ang kopya ng kautusan ng hari, at ipinaalam ito sa mga tao para makapaghanda sila para sa araw ng pagpatay sa lahat ng Judio. At ang utos na itoʼy ipinaalam din sa lungsod ng Susa. Habang nakaupo at nag-iinuman ang hari at si Haman, nagkakagulo naman ang lungsod ng Susa dahil sa mga nangyayari.
Humingi ng Tulong si Mordecai kay Ester
4 Nang malaman ni Mordecai ang plano laban sa kanila, pinunit niya ang damit niya bilang pagpapakita ng kanyang pagdadalamhati. At nagsuot siya ng sako, naglagay ng abo sa ulo, at pumasok sa lungsod na umiiyak nang napakalakas. 2 Pero hanggang doon lang siya sa labas ng pintuan ng palasyo, dahil hindi pinapayagang pumasok sa palasyo ang nakasuot ng sako. 3 Ang mga Judio sa bawat probinsya na nakarinig sa utos ng hari ay nagsipag-ayuno, nag-iyakan nang napakalakas, at nanaghoy. Marami sa kanila ang nagsuot ng sako at humiga sa abo.
4 Nang malaman ni Reyna Ester ang tungkol kay Mordecai sa pamamagitan ng mga alipin niyang babae at mga pinunong nangangalaga sa kanya, nalungkot siya. Pinadalhan niya ng damit si Mordecai para palitan ang kanyang suot na sako, pero hindi niya ito tinanggap. 5 Kaya ipinatawag ni Ester si Hatak. Isa siya sa mga pinuno ng hari na itinalagang mag-asikaso sa kanya. Pinapunta niya si Hatak kay Mordecai para alamin kung bakit siya nagkakaganoon.
6 Kaya pinuntahan naman ni Hatak si Mordecai sa plasa ng lungsod na nasa harap ng pintuan ng palasyo. 7 Sinabi sa kanya ni Mordecai ang lahat ng nangyari at kung magkano ang ipinangako ni Haman na ibibigay sa taguan ng kayamanan ng kaharian ng Susa, para patayin ang lahat ng Judio. 8 Binigyan siya ni Mordecai ng isang kopya ng kautusan ng hari na ipinagbigay-alam sa mga taga-Susa, para ipakita kay Ester. Sinabihan din niya si Hatak na sabihing lahat kay Ester ang lahat ng nangyari, at pakiusapan ito na pumunta sa hari upang magmakaawa para sa mga kalahi niya.
9 Bumalik si Hatak kay Ester at sinabi ang lahat ng sinabi ni Mordecai. 10 Pinabalik muli ni Ester si Hatak kay Mordecai at ipinasabi ang ganito. 11 “Alam ng lahat sa buong kaharian na ang sinumang lalapit sa hari sa loob ng kanyang bulwagan, lalaki man o babae na hindi ipinapatawag ay papatayin, maliban na lang kung ituturo ng hari ang kanyang gintong setro sa taong ito. At isang buwan na akong hindi ipinapatawag ng hari.”
12 Pagkatapos na masabi kay Mordecai ang ipinapasabi ni Ester, 13 ito naman ang ipinasabi niya kay Ester, “Huwag mong isiping ikaw lang sa lahat ng Judio ang makakaligtas dahil sa palasyo ka nakatira. 14 Sapagkat kahit na manahimik ka sa panahong ito, may ibang tutulong at magliligtas sa mga Judio, pero ikaw at ang mga kamag-anak mo ay mamamatay. Baka nga kaya ka ginawang reyna ay para mailigtas mo ang kapwa mo mga Judio.”
15 Ito naman ang ipinasabi ni Ester kay Mordecai, 16 “Humayo ka, tipunin mo ang lahat ng Judio na nandito sa Susa at mag-ayuno kayo para sa akin. Huwag kayong kumain o uminom sa loob ng tatlong araw. Ako at ang mga alipin kong babae ay mag-aayuno rin. At pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit na labag sa batas. At kung papatayin man ako, handa akong mamatay.”
17 Kaya umalis si Mordecai at ginawa niya ang ipinapagawa ni Ester.
Nakiusap si Ester sa Hari
5 Nang ikatlong araw, isinuot ni Ester ang kasuotan niyang pangreyna, at tumayo sa bulwagan ng palasyo na nakaharap sa trono ng hari. Nakaupo noon ang hari sa trono niya at nakaharap siya sa pintuan. 2 Nang makita niya si Reyna Ester, tuwang-tuwa siya at itinuro niya rito ang kanyang gintong setro. Kaya lumapit si Ester at hinipo ang dulo ng setro.
3 Nagtanong ang hari sa kanya, “Ano ang kailangan mo Mahal na Reyna? Sabihin mo at ibibigay ko sa iyo kahit ang kalahati ng kaharian ko.” 4 Sumagot si Ester, “Mahal na Hari, kung ibig po ninyo, inaanyayahan ko po kayo at si Haman sa hapunang ihahanda ko para sa inyo.” 5 Sinabi ng hari sa mga alipin niya, “Tawagin ninyo si Haman para masunod namin ang nais ni Ester.” Kaya pumunta agad ang hari at si Haman sa hapunang inihanda ni Ester. 6 At habang nag-iinuman sila, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba talaga ang kailangan mo? Sabihin mo na dahil ibibigay ko sa iyo kahit ang kalahati ng kaharian ko.” 7 Sumagot si Ester, “Ito po ang kahilingan ko, 8 kung kalugod-lugod po ako sa inyo, at gusto ninyong ibigay ang kahilingan ko, minsan ko pa po kayong inaanyayahan at si Haman sa hapunan na ihahanda ko para sa inyo bukas. At saka ko po sasabihin ang kahilingan ko sa inyo.”
Nagplano si Haman na Patayin si Mordecai
9 Nang araw na iyon, masayang-masayang lumabas sa palasyo si Haman. Pero nagalit siya nang makita niya si Mordecai sa pintuan ng palasyo na hindi man lang tumayo o yumukod bilang paggalang sa kanya. 10 Ganoon pa man, pinigilan niya ang kanyang sarili at nagpatuloy sa pag-uwi.
Pagdating sa bahay niya, tinawag niya ang mga kaibigan niya at ang asawa niyang si Zeres. 11 Ipinagmalaki niya sa kanila ang kayamanan at mga anak niya, ang lahat ng pagpaparangal sa kanya ng hari pati na ang pagbibigay sa kanya ng pinakamataas na katungkulan sa lahat ng pinuno at sa iba pang mga lingkod ng hari. 12 Sinabi pa niya, “Hindi lang iyon, noong naghanda ng hapunan si Reyna Ester, ako lang ang inanyayahan niyang makasama ng hari. At muli niya akong inanyayahan sa ihahanda niyang hapunan bukas kasama ng hari. 13 Pero ang lahat ng itoʼy hindi makapagbibigay sa akin ng kaligayahan, habang nakikita ko ang Judiong si Mordecai na nakaupo sa pintuan ng palasyo.”
14 Sinabi sa kanya ng kanyang asawaʼt mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng matulis na kahoy na 75 talampakan ang taas. At bukas ng umaga, hilingin mo sa hari na ituhog doon si Mordecai para maging maligaya kang kasama ng hari sa inihandang hapunan.” Nagustuhan iyon ni Haman kaya nagpagawa siya niyon.
22 Pero pagdating ng mga inutusan sa bilangguan, wala na roon ang mga apostol. Kaya bumalik sila sa Korte ng mga Judio 23 at sinabi, “Pagdating namin sa bilangguan nakasusi pa ang mga pintuan, at nakabantay doon ang mga guwardya. Pero nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob.” 24 Nang marinig ito ng kapitan ng mga guwardya sa templo at ng punong pari, naguluhan sila at hindi maunawaan kung ano ang nangyari sa mga apostol. 25 Nang bandang huli, may taong dumating at nagbalita, “Ang mga taong ikinulong ninyo ay naroon na sa templo at nagtuturo sa mga tao.” 26 Agad na pumunta sa templo ang kapitan ng mga guwardya at ang kanyang mga tauhan at muling dinakip ang mga apostol, pero hindi nila sila pinuwersa dahil natatakot sila na baka batuhin sila ng mga tao.
27 Dinala nila ang mga apostol doon sa Korte ng mga Judio. Sinabi ng punong pari sa kanila, 28 “Hindi baʼt pinagbawalan na namin kayong mangaral tungkol kay Jesus? Pero tingnan ninyo ang inyong ginawa! Kumalat na ang inyong aral sa buong Jerusalem, at kami pa ang pinagbibintangan ninyong pumatay sa kanya!” 29 Sumagot si Pedro at ang kanyang mga kasama, “Ang Dios ang dapat naming sundin, at hindi ang tao. 30 Pinatay ninyo si Jesus sa pamamagitan ng pagpako sa kanya sa krus. Ngunit binuhay siyang muli ng Dios, ang Dios na sinasamba ng ating mga ninuno. 31 Itinaas ng Dios si Jesus, at naroon na siya sa kanyang kanan bilang Pinuno at Tagapagligtas, para tayong mga Judio ay mabigyan ng pagkakataon na magsisi at sa gayoʼy mapatawad ang ating mga kasalanan. 32 Nagpapatunay kami na ang lahat ng ito ay totoo, at ganoon din ang Banal na Espiritu na ibinigay ng Dios sa lahat ng sumusunod sa kanya.”
33 Nang marinig ito ng mga miyembro ng Korte, galit na galit sila at gusto nilang patayin ang mga apostol. 34 Pero tumayo ang kanilang kasamang si Gamaliel. Isa siyang Pariseo at tagapagturo ng Kautusan, at iginagalang ng lahat. Nag-utos siya na palabasin muna ang mga apostol. 35 Nang makalabas na ang mga apostol, sinabi ni Gamaliel sa kanyang mga kasama, “Mga kababayan kong Israelita, isipin ninyong mabuti kung ano ang gagawin ninyo sa mga taong iyan, at baka magkamali kayo. 36 Sapagkat noong araw ay may taong ang pangalan ay Teudas na nagmalaki na parang kung sino, at may mga 400 siyang tagasunod. Pero nang bandang huli, pinatay siya at ang kanyang mga tagasunod ay nagkawatak-watak, at naglaho na lang ang grupong iyon. 37 Pagkatapos, noong panahon ng sensus, si Judas naman na taga-Galilea ang nakapagtipon ng mga tagasunod. Pero pinatay din siya at nagkawatak-watak ang kanyang mga tagasunod. 38 Kaya ito ang masasabi ko sa inyo: pabayaan na lang natin ang mga taong ito, at huwag silang pansinin. Sapagkat kung ang mga ginagawa at itinuturo nila ay galing lang sa tao, mawawala rin iyan. 39 Pero kung galing iyan sa Dios, hindi natin sila mapipigilan. Hindi lang iyan, baka lumabas pa na ang Dios na mismo ang ating kinakalaban.” Kaya sinunod ng Korte ang payo ni Gamaliel. 40 Ipinatawag nilang muli ang mga apostol at ipinahagupit. Pagkatapos, binalaan sila na huwag nang magturo pa tungkol kay Jesus, at pinalaya sila. 41 Umalis doon ang mga apostol na masayang-masaya, dahil binigyan sila ng Dios ng pagkakataon na magtiis alang-alang sa pangalan ni Jesus. 42 Araw-araw ay pumupunta sila sa templo at sa mga bahay-bahay, patuloy ang kanilang pagtuturo at pangangaral ng Magandang Balita na si Jesus ang Cristo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®