Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Awit ni Solomon 1-3

Ito(A) ang pinakamagandang awit ni Solomon:

Ang Unang Awit

Babae:

Akong ito'y pinupupog, sinisiil mo ng halik;
    ang dulot ng pag-ibig mo'y mainam pa sa alak.
Ang taglay mong halimuyak, saan kaya itutulad?
    Simbango ng pangalan mong ang samyo'y malaganap,
    kaya lahat ng dalaga ay iyo ngang nabibihag.
Ako ngayon ay narito, isama mo kahit saan,
    at ako ay iyong dalhin sa silid mong pahingahan.
Tiyak akong liligaya ngayong ikaw ay narito,
    ang nais ko ay madama ang alab ng pag-ibig mo;
pagsinta mo'y mas gusto ko kaysa alinmang inumin;
    hindi ako nagkamali na ikaw nga ang ibigin.

Dalaga sa Jerusalem, ang ganda ko'y kayumanggi;
    katulad ko'y mga toldang sa Kedar pa niyayari,
    tulad ko ri'y mga tabing sa palasyo ng hari.
Huwag akong hahamakin nang dahil sa aking kulay,
    pagkat itong aking balat ay nasunog lang sa araw.
Itong mga kapatid ko'y hindi ako kinalugdan,
    nagkaisa silang ako'y pagbantayin ng ubasan.
Pinagyama't sininop ko ang nasabing pataniman,
    anupa't ang sarili ay kusa kong napabayaan.
Itong aking pakiusap, O giliw kong minamahal,
    sa akin ay sabihin mo, pastulan ng iyong kawan;
    sa init ng katanghalian, pahingahan nila'y saan?
Sa akin ay ituro mo nang ako ay di maligaw.

Mangingibig:

Kung nais mong malaman, O babaing napakaganda,
    ang dapat lang na gawin mo ay sundan ang mga tupa.
Ang kawan ng mga kambing ay doon mo alagaan
    sa tabi ng mga tolda ng pastol ng aking kawan.
Saan ko ba itutulad ang gayuma mo, aking hirang?
    Sa kabayo ng Faraon, anong ganda kung pagmasdan!
10 Mga pisnging malalambot, may balani, may pang-akit,
    na lalo pang pinaganda ng pahiyas na naglawit.
Ang nililok na leeg mo, kung masdan ko'y anong rikit,
    lalo na nga kung may kuwintas na doon ay nakasabit.
11 Ika'y aming igagawa ng kuwintas na gintong lantay,
    palamuting ikakabit ay pilak na dinalisay.

Babae:

12 Habang siya'y nakahimlay, tila hari ang katulad,
    ako nama'y magsasabog ng mabangong halimuyak.
13 Ang samyo ng aking mahal ay katulad nitong mira,
    habang siya sa dibdib ko'y nakahilig na masaya.
14 Ang kawangis ng mahal ko'y isang kumpol ng bulaklak
    sa ubasan ng En-gedi, magiliw kong pinamitas.

Mangingibig:

15 Maganda ka, aking sinta, ang mata mo'y mapupungay,
    nagniningning, nang-aakit habang aking minamasdan.

Babae:

16 Makisig ka, aking mahal, anong kisig, anong inam,
    magiging himlayan nati'y laging kulay na luntian.
17 At sedar ang siyang biga nitong ating tatahanan,
    mga kisame ay pinong pili, kahoy na talagang maiinam.

Isa lamang akong rosas na sa Saron ay naligaw
    sa libis nitong bundok, isang ligaw na halaman.

Mangingibig:

Katulad mo'y isang liryo sa gitna ng kasukalan,
    namumukod ka sa lahat, bukod-tangi, aking hirang.

Babae:

Sa gitna ng kagubatan katulad niya ay mansanas,
    sa lahat ng mga tao, siya'y walang makatulad;
ako'y laging nananabik sa lilim niya'y manatili,
    ang tamis ng bunga niya kung kanin ko'y anong sarap.
Nang ako ay kanyang dalhin sa sagana niyang hapag,
    sa piling niya'y nadama ko ang pag-ibig niyang tapat.
Ako'y kanyang pinakain ng sariwang mga ubas,
    at magiliw na binusog ng matamis na mansanas;
    dahil aking puso'y uhaw sa pagsinta mong wagas.
Ang kaliwa niyang bisig ang siya kong inuunan,
    habang ako'y hinahaplos ng kanan niyang kamay.
Ipangako n'yo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem,
    sa ngalan ng mga usa't mga hayop na matutulin,
    ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.

Ang Ikalawang Awit

Babae:

Ang tinig ng aking mahal ay akin nang naririnig,
    mga gulod, tinatahak upang ako'y makaniig.
Itong aking mangingibig ay tulad ng isang usa,
    mabilis kung kumilos, ang katawan ay masigla.
Sa tabi ng aming pader, naroroon lagi siya,
    sumisilip sa bintana upang ako ay makita.
10 Ang mahal ko ay nangusap at ganito ang sinabi:

Mangingibig:

Sa akin ay sumama ka, halika na, aking mahal.
11 Lumipas na ang taglamig sa buong lupain
    at ang tag-ulan ay natapos na rin.
12 Bulaklak sa kaparangan tingna't namumukadkad,
    ito na nga ang panahon upang tayo ay magsaya,
    sa bukid, ang mga ibo'y masayang umaawit.
13 Ang mga puno ng igos, hinog na ang bunga,
    at ang mga punong ubas, sa bulaklak ay hitik na.
Tayo na nga aking mahal, sa akin ay sumama ka.
14 Ika'y parang kalapati, nagkukubli sa batuhan,
halika at ang ganda mo ay nais kong mapagmasdan,
    at nang akin ding marinig ang tinig mong ginintuan.

15 Asong-gubat ay hulihin, maninira ng ubasan,
    baka pumasok sa ating namumulaklak na ubasan.

Babae:

16 Mangingibig ko ay akin at ako nama'y kanya,
    sa gitna ng mga liryo, kumakain ang kawan niya.
17 Hanggang dilim ay maparam, ganito ang ginagawa,
    sa pag-ihip ng amihang umaga ang siyang badya.
Magbalik ka, aking sinta magmadali ka, aking mahal
    tulad ng pagtakbo ng usa sa kaburulan.[a]

Gabi-gabi, sa higaan ang mahal ko'y hinahanap,
    ngunit hindi masumpungan kahit na sa pangarap.
Akong ito'y bumabangon, sa lunsod ay naglalakad,
    ang lansangan sa paligid ay aking ginagalugad;
    ngunit hindi matagpuan ang sinta kong nililiyag.
Sa akin ngang paglalakad, nakita ko'y mga bantay,
    nagmamanman, naglilibot, sa paligid, sa lansangan.
Sa kanila ang tanong ko, “Mahal ko ba ay nasaan?”
Nang aking iwan ang nasabing mga tanod,
    bigla na lang nakita ang mahal kong iniirog.
Siya'y aking hinawakan at hindi na binitiwan,
    hanggang siya'y madala ko sa bahay kong sinilangan.

Ipangako ninyo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem
    sa ngalan ng mga usa at hayop na matutulin,
ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.

Ang Ikatlong Awit

Babae:

Ano itong nakikitang nagmumula sa kaparangan?
    Wari'y pumapailanlang usok ng mira at kamanyang,
    na ang samyo ay katulad ng pabangong ubod mahal.
Dumarating si Solomon, sa trono niya'y nakaupo,
    ang kasamang mga bantay ay mayroong animnapu,
    pangunahing mga kawal, matatapang, matipuno.
Bawat isa ay may tabak at bihasa sa digmaan,
    nagbabantay kahit gabi, nakahanda sa paglaban.
Ang magandang trono nitong haring si Solomon,
    pawang yari sa piling kahoy ng Lebanon.
10 Ang lahat ng tukod nito'y nababalutan ng pilak,
    ang habong naman nito'y may palamuting gintong payak,
iyon namang mga kutson, kulay ube ang nakabalot;
    mga dalaga sa Jerusalem ang humabi at naggayak.
11 Mga dilag nitong Zion, masdan ninyo si Haring Solomon,
    nagputong ng korona niya ay ang kanyang inang mahal
    sa oras ng pagdiriwang, sa oras ng kanyang kasal.

Galacia 2

Si Pablo at ang Ibang mga Apostol

Makalipas(A) ang labing-apat na taon, muli akong pumunta sa Jerusalem kasama si Bernabe. Isinama ko rin si Tito. Bumalik ako sapagkat inihayag sa akin ng Diyos na dapat akong pumunta doon. Nakipagpulong ako nang sarilinan sa mga kinikilalang pinuno ng iglesya, at inilahad ko sa kanila ang Magandang Balitang ipinapangaral ko sa mga Hentil. Ginawa ko ito dahil ayaw kong mawalan ng kabuluhan ang aking ginawa at ginagawa pa. Kahit na isang Griego ang kasama kong si Tito, hindi nila pinilit na magpatuli ito kahit may ilang huwad na kapatid na nagtangka ng gayon. Nakihalubilo sila sa amin upang manmanan ang kalayaang taglay natin kay Cristo Jesus. Nais nila kaming maging mga alipin. Hindi kami nagpailalim sa kanilang kagustuhan kahit isang saglit, upang maingatan namin para sa inyo ang tunay na kahulugan ng Magandang Balita.

Ngunit(B) walang idinagdag sa akin ang mga kinikilalang pinuno; hindi mahalaga sa akin kung sino man sila, sapagkat walang itinatangi ang Diyos. Sa halip, kinilala nila na ipinagkatiwala sa akin ang pangangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro ang pangangaral ng Magandang Balita sa mga Judio. Ang Diyos na nagbigay ng kapangyarihan kay Pedro na mangaral sa mga Judio ang siya ring nagbigay sa akin ng kapangyarihang mangaral sa mga Hentil. Nakita nina Santiago, Pedro at Juan, na mga kinikilalang haligi ng iglesya, ang kagandahang-loob na ibinigay sa akin, kaya't kami ni Bernabe ay buong puso nilang tinanggap bilang mga kamanggagawa. Pinagkasunduan namin na kami'y sa mga Hentil mangangaral at sila nama'y sa mga Judio. 10 Ang hiling lamang nila ay huwag naming kakaligtaan ang mga dukha, na siya namang masikap kong ginagawa.

Pinagsabihan ni Pablo si Pedro

11 Subalit nang dumating si Pedro sa Antioquia, harap-harapan ko siyang sinaway sapagkat maling-mali ang kanyang ginagawa. 12 Dahil bago dumating ang ilang sugo ni Santiago, siya'y nakikisalo sa mga Hentil. Subalit nang dumating na ang mga iyon, lumayo na siya at hindi na nakisalo sa mga Hentil dahil sa takot niya sa pangkat na nagnanais na tuliin din ang mga Hentil. 13 At gumaya naman sa kanya ang ibang mga kapatid doon na mga Judio; pati si Bernabe ay natangay ng kanilang pagkukunwari. 14 Nang makita kong ang kanilang ikinikilos ay hindi ayon sa tunay na diwa ng Magandang Balita, sinabi ko kay Pedro sa harap nilang lahat, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at hindi bilang Judio, bakit mo ngayon pinipilit ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?”

Pinapawalang-sala Dahil sa Pananampalataya

15 Kami nga'y ipinanganak na Judio at hindi makasalanang Hentil. 16 Gayunman,(C) alam naming ang tao'y pinapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Kaya't kami ay sumampalataya kay Cristo Jesus upang mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya, at hindi sa pamamagitan ng Kautusan. Sapagkat walang taong pinapawalang-sala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. 17 Ngunit kung sa pagsisikap naming mapawalang-sala sa pamamagitan ni Cristo ay matagpuan kaming makasalanan pa, nangangahulugan bang si Cristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Hinding-hindi! 18 Ngunit kung itinatayo kong muli ang winasak ko na, ipinapakita kong makasalanan nga ako. 19 Ako'y namatay na sa Kautusan sa pamamagitan rin ng Kautusan upang ngayo'y mabuhay para sa Diyos. Ako'y kasama ni Cristo na ipinako sa krus. 20 Kaya hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At ang buhay ko ngayon sa katawan ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos na nagmahal sa akin at naghandog ng kanyang sarili para sa akin. 21 Hindi ko tinatanggihan ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y mapapawalang-sala sa pamamagitan ng Kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.