Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mangangaral 1-3

Walang Kabuluhan ang Lahat

Ito ang mga katuruan ng Mangangaral, ang anak ni David na hari ng Israel.

“Napakawalang kabuluhan![a] Napakawalang kabuluhan;[b] lahat ay walang kabuluhan,”[c] sabi ng Mangangaral. Nagpapakapagod ka nang husto sa pagtatrabaho sa mundong ito.

Ngunit para saan ba ang mga pagpapagod na ito? Patuloy(A) ang pagpapalit-palit ng mga lahi ngunit hindi nagbabago ang daigdig. Ang araw ay patuloy sa pagsikat at patuloy sa paglubog; pabalik-balik lang sa pinanggalingan. Ang hangin ay umiihip patungong timog, papuntang hilaga, buong araw na paikut-ikot. Lahat ng tubig ay umuuwi sa dagat ngunit hindi ito napupuno. Ang tubig ay bumabalik sa batis na pinagmulan upang muling umagos patungong karagatan. Ang lahat ng bagay ay nakababagot, hindi makayanang ipaliwanag. Walang sawa ang paningin ng tao; walang tigil ang kanyang pakinig. Ang naganap noon ay nangyayari rin ngayon. Ang mga nagawa noon ay nagagawa rin ngayon; walang bagong pangyayari sa mundong ito. 10 Ang sabi ng iba, “Halikayo! Ito'y bago.” Ngunit naganap na iyon noong di pa tayo tao. 11 Hindi na maalala ang mga nauna. At ang nangyayari ngayon ay malilimutan din sa hinaharap.

Ang Karanasan ng Mangangaral

12 Ako, ang Mangangaral, ay naging hari ng Israel. 13 Siniyasat ko at pinag-aralang mabuti ang lahat ng bagay sa buong mundo. At nakita kong ang tao'y itinalaga ng Diyos sa matinding paghihirap. 14 Nakita kong ang lahat ng gawa ng tao sa mundong ito ay walang kabuluhan;[d] ito'y tulad lang ng paghahabol sa hangin. 15 Hindi na maitutuwid ang baluktot at hindi na maibibilang ang wala.

16 Sinabi(B) ko sa aking sarili, “Ang karunungan ko'y higit sa sinundan kong mga hari ng Jerusalem. Alam ko kung ano ang tunay na karunungan at kaalaman.” 17 Pinag-aralan kong mabuti ang pagkakaiba ng karunungan at ng kamangmangan, ng katalinuhan at ng kabaliwan. Ngunit napatunayan kong ito rin ay tulad lang ng paghahabol sa hangin. 18 Habang lumalawak ang karunungan ay dumarami ang alalahanin, at habang dumarami ang nalalaman ay lalong tumitindi ang kapighatian.

Kamangmangan ang Maging Makasarili

Sinabi ko sa aking sarili, “Halika, subukan mo kung ano ang kahulugan ng kaligayahan; magpakasaya ka!” Subalit ito man ay walang kabuluhan.[e] Ang halakhak ay ipinalagay kong kahangalan at ang kaligayahan ay walang kabuluhan.[f] Sa pagnanasa kong makamit ang karunungan, ipinasya kong magpakalasing sa alak. Sa loob-loob ko'y ito na ang pinakamainam na dapat gawin ng tao sa maikling panahong ilalagi niya sa mundong ito. Nakagawa(C) ako ng mga dakilang bagay. Nakapagpatayo ako ng malalaking bahay at ginawa kong ubasan ang paligid nito. Gumawa ako para sa aking sarili ng mga hardin at liwasan. Tinamnan ko ito ng lahat ng uri ng punongkahoy na mapapakinabangan ang bunga. Humukay ako ng mga balon na pagkukunan ng pandilig sa mga pananim na ito. Bumili(D) ako ng mga aliping babae at lalaki. Ang mga alipin ko'y nagkaanak na sa aking tahanan. Ang kawan ko'y ubod ng dami, walang kasindami kung ihahalintulad sa kawan ng mga haring nauna sa akin. Nakaipon(E) ako ng napakaraming pilak at ginto mula sa mga lupaing nasasakupan ko. Marami akong mang-aawit na babae't lalaki. Marami akong asawa at pawang magaganda. Wala nang hahanapin pa ang isang lalaki, lalo na kung tungkol din lang sa babae.

Higit(F) akong dinakila kaysa sinumang haring nauna sa akin. Taglay ko pa rin ang aking karunungan. 10 Wala akong ginustong hindi ko nakuha. Ginagawa ko ang lahat ng aking magustuhan. Nalulugod ako sa aking mga ginagawa at iyon ang pinakagantimpala ng aking mga pinagpaguran. 11 Pagkatapos, inisip kong mabuti ang mga ginawa ko at ang pagod na aking pinuhunan. Nakita kong ang lahat ay pawang walang kabuluhan;[g] tulad lang ito ng paghahabol sa hangin.

12 Naisip kong ang wakas ng isang hari ay tulad lamang ng sa mga nauna sa kanya. Tinimbang kong mabuti ang karunungan, ang kabaliwan at kamangmangan. 13 Napatunayan kong mas mabuti ang karunungan kaysa kamangmangan, tulad ng kabutihan ng liwanag kaysa kadiliman. 14 Nalalaman ng marunong ang kanyang patutunguhan ngunit hindi alam ng mangmang ang kanyang hangganan. Ngunit nabatid ko ring iisa ang hantungan ng lahat. 15 Sinabi ko sa aking sarili, “Ang sinapit ng mangmang ay siya mo ring sasapitin. Ano nga ba ang napala mo sa labis na pagpapakarunong?” At naisip kong ito man ay wala ring kabuluhan.[h] 16 Pagkat kung paanong ang mangmang ay nalilimutan pagdating ng araw, gayon din ang lahat ay mamamatay, maging ang marunong man, o ang mangmang. 17 Kaya't kinamuhian ko ang buhay sapagkat pawang kahirapan lamang ang idinulot nito sa akin. Lahat nga ay walang kabuluhan,[i] at tulad lang ito ng paghahabol sa hangin.

18 Wala na ring halaga sa akin ang lahat ng pinagpaguran ko sa mundong ito sapagkat ito'y maiiwan lamang sa susunod sa akin. 19 At sino ang nakakatiyak kung siya'y marunong o mangmang? Gayunman, siya pa rin ang magmamana sa lahat ng mga pinagpaguran ko at ginamitan ng karunungan sa mundong ito. Ito ma'y walang kabuluhan.[j] 20 Kaya nga, nanghihinayang ako pagkat ako ay nagpakapagod nang husto sa mundong ito. 21 Lahat ng pinagpaguran ng tao'y pinamuhunan niya ng karunungan, kaalaman at kakayahan ngunit pagdating ng araw ay iba ang magpapakasaya sa mga pinagpaguran niya. Ito ay walang kabuluhan,[k] at ito'y hindi tama. 22 Nagpapakapagod at nagpapakahirap nang husto sa mundong ito ang isang tao, ngunit para saan ba ang pagpapagod na ito? 23 Anumang(G) gawin ng tao'y nagdudulot sa kanya ng balisa at hinanakit. May mga gabi pang hindi siya makatulog sa pag-iisip. Ito man ay walang kabuluhan.[l]

24 Ang(H) mabuti pa sa tao'y kumain at uminom, at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran. Alam kong ang lahat ng ito ay kaloob ng Diyos. 25 Kung wala ang Diyos, sino pa ba ang makakakain o makakaranas ng kasiyahan? 26 Ang(I) karunungan, kaalaman, at kaligayahan ay ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng kinalulugdan niya. Ang makasalana'y pinagtatrabaho niya at pinag-iimpok upang ibigay lamang ito sa gusto niyang pagbigyan. Ito man ay walang kabuluhan,[m] tulad lang ng paghahabol sa hangin.

May Takdang Panahon para sa Lahat

Ang lahat sa mundong ito ay may kanya-kanyang panahon, may kanya-kanyang oras.

Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay;
ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot ng tanim.
Ang panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling;
ang panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo.
Ang panahon ng pagluha at panahon ng pagtawa;
ang panahon ng pagluluksa at panahon ng pagdiriwang.
Ang panahon ng pagkakalat ng mga bato at panahon ng pagtitipon sa mga ito;
ang panahon ng pagyayakap at panahon ng paglalayo.
Ang panahon ng paghahanap at panahon ng pagkawala niyon;
ang panahon ng pag-iingat sa isang bagay at panahon ng pagtatapon.
Ang panahon ng pagpunit at panahon ng pagtahi;
ang panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.
Ang panahon ng pagmamahal at panahon ng pagkapoot;
ang panahon ng digmaan at panahon ng kapayapaan.

Ano ang mapapala ng tao sa kanyang pinagpaguran? 10 Alam ko na ang itinakda ng Diyos sa tao. 11 Iniangkop niya ang lahat ng bagay sa tamang kapanahunan. Ang tao'y binigyan niya ng pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan ng pagkaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas. 12 Alam kong walang pinakamabuti sa tao kundi magpakaligaya at gawin ang pinakamabuti habang siya'y nabubuhay. 13 Alam ko ring kaloob ng Diyos na ang tao'y kumain, uminom at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran. 14 Alam kong mamamalagi ang lahat ng ginawa ng Diyos: wala nang kailangang idagdag, wala ring dapat bawasin. Gayon ang ginawa ng Diyos upang ang tao'y magkaroon ng takot sa kanya. 15 Lahat ng nangyayari ngayon ay nangyari na noong una, gayon din ang magaganap pa. Paulit-ulit lamang ang mga pangyayari.

Kawalan ng Katarungan

16 Nakita ko rin sa mundong ito na ang katarungan at pagiging matuwid ay nababahiran pa rin ng kasamaan. 17 Sa loob-loob ko'y hahatulan ng Diyos ang masama at ang mabuti pagkat may itinakda siyang panahon para sa lahat ng bagay. 18 Tungkol sa tao, naisip kong sila ay sinusubok ng Diyos upang ipakilalang ang tao ay tulad lamang ng mga hayop. 19 Ang hantungan ng tao at ng hayop ay iisa; lahat ay mamamatay. Ang tao'y walang kaibahan sa hayop, sapagkat ang lahat ay walang kabuluhan.[n] 20 Iisa ang kauuwian: lahat ay buhat sa alabok at sa alabok din uuwi. 21 Sino ang nakakatiyak kung ang kaluluwa ng tao ay aakyat sa itaas at ang kaluluwa ng hayop ay mahuhulog sa kalaliman? 22 Kaya naisip kong walang pinakamabuti sa tao kundi pakinabangan ang kanyang pinagpaguran; ito ang ating bahagi. At sino ang makakapagsabi sa kanya kung ano ang mangyayari pagkamatay niya?

2 Corinto 11:16-33

Mga Tiniis ni Pablo Bilang Apostol

16 Inuulit ko, huwag isipin ninuman na ako'y hangal. Ngunit kung ganoon ang akala ninyo, tatanggapin ko na, upang ako man ay makapagyabang nang kaunti. 17 Ang sinasabi ko sa pagmamalaking ito ay hindi buhat sa Panginoon kundi pagyayabang ng isang hangal. 18 Dahil marami ang nagyayabang tungkol sa mga bagay na makalupa, ako man ay magyayabang din. 19 Nagtitiyaga kayo sa mga hangal na iyan, palibhasa'y matatalino kayo! 20 Pinapagtiisan ninyong kayo'y alipinin, sakmalin, pagsamantalahan, maliitin, o sampalin. 21 Nakakahiya man ay aaminin kong hindi namin kayang gawin iyan!

Kung may nangangahas na magyabang, ako'y mangangahas din na magyabang. Ako'y nagsasalita tulad ng isang hangal. 22 Sila ba'y Hebreo? Ako rin. Mga Israelita ba sila? Ako rin. Sila ba'y mula sa lahi ni Abraham? Ako rin. 23 Sila(A) ba'y mga lingkod ni Cristo? Mas mabuti akong lingkod ni Cristo kaysa kanila. Para akong isang baliw na nagsasalita ngayon. Higit ang aking pagpapagal kaysa sa kanila; mas maraming beses akong nabilanggo, hinagupit nang napakaraming beses, at madalas na nabingit sa kamatayan. 24 Limang(B) beses akong tumanggap ng tatlumpu't siyam na hagupit mula sa mga Judio; 25 tatlong(C) ulit kong naranasang hagupitin [ng mga Romano][a], at minsang pinagbabato. Tatlong beses kong naranasang mawasak ang barkong aking sinasakyan, at minsa'y buong araw at gabi akong lulutang-lutang sa dagat. 26 Sa(D) malimit kong paglalakbay, nalagay ako sa iba't ibang panganib: sa mga ilog, sa mga tulisan, sa aking mga kababayan at sa mga Hentil; mga panganib sa lungsod, sa ilang, sa dagat, sa mga huwad na kapatid. 27 Naranasan ko rin ang labis na hirap at pagod, malimit na pagpupuyat, at matinding gutom at uhaw. Naranasan ko ang ginawin ngunit wala man lamang maibalabal. 28 Bukod sa lahat ng ito ay araw-araw kong pinapasan ang mga alalahanin para sa lahat ng mga iglesya. 29 Kapag may nanghihina, nanghihina rin ako, at kapag may nahuhulog sa pagkakasala, labis ko itong ikinagagalit.

30 Kung kailangan kong magyabang, ipagyayabang ko ang mga bagay na nagpapakita ng aking kahinaan. 31 Hindi ako nagsisinungaling. Alam iyan ng Diyos at Ama ng Panginoong Jesus. Purihin siya magpakailanman! 32 Nang(E) ako'y nasa Damasco, ang pintuan ng lungsod ay pinabantayan ng gobernador na nasasakop ni Haring Aretas upang ipahuli ako. 33 Ngunit isinakay ako sa isang malaking kaing, pinadaan ako sa butas sa pader at ibinabâ sa kabila upang ako'y makatakas.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.