Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Kawikaan 10-12

10 Ang matalinong anak ay ligaya ng magulang,
    ngunit tinik sa dibdib ang anak na mangmang.
Ang yamang buhat sa masama ay di papakinabangan,
    ngunit ang katuwiran ay maglalayo sa kamatayan.
Ang matuwid ay binibigyan ni Yahweh ng kasiyahan,
    ngunit ang masama'y kanyang ginugutom naman.
Ang kamay na tamad ay tiyak na magdarahop,
    ngunit magbubunton ng yaman ang kamay na masinop.
Ang nag-iimbak kung tag-araw ay nagpapakilala ng katalinuhan,
    ngunit ang natutulog kung anihan ay nag-iipon ng kahihiyan.
Ang matuwid ay mag-aani ng pagpapala't kabutihan,
    ngunit ang bibig ng masama ay nagtatakip ng karahasan.
Ang alaala ng matuwid, mananatili kailanman,
    ngunit pangalan ng masama ay tiyak na mapaparam.
Magandang payo'y tinatanggap ng pusong may unawa,
    ngunit kapahamakan ang wakas ng mangmang na masalita.
Ang namumuhay nang tapat ay pinaghaharian ng kapayapaan,
    ngunit ang may likong landas ay malalantad balang araw.
10 Ang malilikot na mata ay lagi sa kaguluhan,
    at ang bibig na maluwang, hahantong sa kapahamakan.
11 Ang bibig ng matuwid ay bukal ng buhay,
    ngunit labi ng masama ay nagtatakip ng karahasan.
12 Sari-saring(A) kaguluhan ang bunga ng kapootan,
    ngunit ang pag-ibig ay pumapawi sa lahat ng kasalanan.
13 Sa labi ng may unawa matatagpuan ang karunungan,
    ngunit sa likod ng isang mangmang, pamalo ang kailangan.
14 Ang taong matalino'y nag-iimpok ng karunungan,
    ngunit ang salita ng mangmang ay nagdadala ng kapahamakan.
15 Ang kayamanan ng mayama'y matibay niyang tanggulan,
    ngunit ang kahirapan ng yagit ay kanyang kapahamakan.
16 Ang kinikita ng matuwid ay nagbibigay-buhay,
    ngunit ang sa masama, winawaldas sa kasamaan.
17 Ang nakikinig sa payo ay nasa daan ng buhay,
    ngunit ang ayaw sumunod ay tungo sa pagkaligaw.
18 Ang nagtatanim ng poot ay puno ng kasinungalingan,
    ang naninira sa kanyang kapwa ay isang taong mangmang.
19 Ang taong masalita ay malapit sa pagkakasala,
    ngunit ang nagpipigil ng dila ay dunong ang pakilala.
20 Ang dila ng matuwid ay tulad ng pilak na mahalaga,
    ngunit ang puso ng mangmang ay basura ang kagaya.
21 Ang labi ng matuwid sa marami ay pakinabang,
    ngunit ang mangmang ay namamatay nang walang karunungan.
22 Ang pagpapala ni Yahweh ay kayamanan,
    na walang kasamang kabalisahan.
23 Ang paggawa ng kasalanan ay kasiyahan ng masama,
    ngunit ang mabuting asal, kasiyahan ng may unawa.
24 Ang kinatatakutan ng masama ay magaganap sa kanya,
    ngunit ang hangarin ng matuwid ay matatamo niya.
25 Tinatangay ng hangin ang taong masama,
    ngunit ang matuwid ay gusaling di magiba.
26 Kung paanong ang usok ay nakakaluha, ang suka ay nakakangilo,
    gayon ang tamad na alipin, sa kanilang mga amo.
27 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagpapahaba ng buhay,
    ngunit ang mga araw ng masama ay di magtatagal.
28 Ang pag-asa ng matuwid ay may magandang kahinatnan,
    ngunit ang pag-asa ng masama, ang dulot ay kabiguan.
29 Si Yahweh ay kanlungan ng mga taong matuwid,
    ngunit kaaway sila ng taong masama ang hilig.
30 Ang matuwid ay mananatili sa kanyang dako,
    ngunit ang masama, kung saan-saan matutungo.
31 Ang salita ng matuwid ay nagpapakilala ng karunungan,
    ngunit ang dilang sinungaling ay puputulin naman.
32 Ang salita ng matuwid ay palaging angkop,
    ngunit ang salita ng masama ay puro paninira.

11 Kasuklam-suklam kay Yahweh ang timbangang may daya,
    ngunit kasiyahan naman ang timbangang tama.
Kahihiyan ang laging dulot ng kapalaluan,
    ngunit pagpapakumbaba'y nagbubunga ng karunungan.
Ang tuntunin ng matuwid ay katapatan,
    ngunit ang masama'y wawasakin ng kanyang kataksilan.
Walang halaga ang yaman sa araw ng kamatayan,
    ngunit ang katuwiran ay naglalayo sa kapahamakan.
Mas panatag ang landas ng tapat ang pamumuhay,
    ngunit nabubuwal ang masama sa sariling kabuktutan.
Ang katuwiran ng mga matuwid ang nagliligtas sa kanya,
    ngunit ang masama ay bilanggo ng kanyang masamang nasa.
Ang pag-asa ng masama ay kasama niyang pumapanaw,
    ang umasa sa kayamanan ay mawawalang kabuluhan.
Ang matuwid ay inilalayo sa bagabag,
    ngunit ang masama ay doon bumabagsak.
Ang labi ng walang Diyos, sa iba ay mapanira,
    ngunit ang dunong ng matuwid ay nagliligtas ng kapwa.
10 Kapag ang matuwid ay pinagpapala, ang bayan ay nagagalak,
    ngunit higit ang katuwaan kapag ang masama'y napapahamak.
11 Dahil sa salita ng matuwid ang bayan ay tumatatag,
    ngunit sa kasinungalingan ng masama ang lunsod ay nawawasak.
12 Ang kapos sa kaalaman ay humahamak sa kapwa,
    ngunit laging tahimik ang taong may unawa.
13 Walang maitatago sa bibig ng madaldal,
    ngunit ang tunay na kaibigan, iyong mapagkakatiwalaan.
14 Sa(B) kakulangan ng tuntunin, ang bansa ay bumabagsak,
    ngunit sa payo ng nakararami, tagumpay ay tiyak.
15 Ang nananagot para sa iba, sa gusot ay nasasadlak,
    ngunit ang ayaw gumarantiya ay malayo sa bagabag.
16 Ang babaing mahinhin ay nag-aani ng karangalan,
    ngunit ang walang dangal, tambakan ng kahihiyan.
Lagi sa kahirapan ang taong tamad,[a]
    ngunit masagana ang buhay ng isang masipag.
17 Ang taong mabait ay nag-iimpok ng kabutihan,
    ngunit winawasak ng marahas ang sarili niyang buhay.
18 Anuman ang anihin ng masama ay walang kabuluhan,
    ngunit ang gawang mabuti ay may pagpapalang taglay.
19 Ang taong nasa matuwid ay makasusumpong ng buhay,
    ngunit ang landas ng masama ay patungo sa kamatayan.
20 Ang kaisipang masama kay Yahweh ay kasuklam-suklam,
    ngunit ang lakad ng matuwid, kay Yahweh ay kasiyahan.
21 Ang taong masama'y di makakaligtas sa kaparusahan,
    ngunit hindi maaano ang nabubuhay sa katuwiran.
22 Ang magandang babae ngunit mangmang naman,
    ay tila gintong singsing sa nguso ng baboy.
23 Anumang nais ng matuwid ay nagbubunga ng kabutihan,
    ngunit ang mahihintay lang ng masama ay kaparusahan.
24 Ang taong mapagbigay ay lalong yumayaman,
    ngunit naghihirap ang tikom na mga kamay.
25 Ang taong matulungin, sasagana ang pamumuhay,
    at ang marunong tumulong ay tiyak na tutulungan.
26 Sinusumpa ng lahat ang nagkakait ng butil,
    ngunit pinupuri ang nagbibigay ng pagkain.
27 Kung mabuti ang hangarin, ikaw ay igagalang,
    kapag humanap ng gulo, iyon ay masusumpungan.
28 Malalantang tila dahon ang nagtitiwala sa kanyang yaman,
    ngunit ang matuwid ay giginhawa, tulad ng sariwang halaman.
29 Ang nagpupunla ng gulo sa sariling sambahayan,
    mag-aani ng problema, gugulo ang pamumuhay.
Ang taong mangmang at walang nalalaman,
    ay alipin ng matalino habang siya'y nabubuhay.
30 Buhay ang dulot ng matuwid na pamumuhay,
    at kamatayan naman ang hatid ng karahasan.[b]
31 Ang(C) matuwid ay ginagantimpalaan dito sa lupa,
    ngunit paparusahan naman ang mga makasalanan at masasama!

12 Ang(D) taong may unawa ay tumatanggap ng payo,
    ngunit ayaw mapaalalahanan ang matigas ang ulo.
Si Yahweh ay nalulugod sa taong matuwid,
    ngunit sa masasama siya ay nagagalit.
Ang makasalanan ay hindi mapapanatag,
    ngunit ang matuwid ay hindi matitinag.
Ang mabuting babae ay karangalan ng asawa,
    ngunit kanser sa buto ang masamang asawa.
Ang taong matuwid ay mabuting makiharap,
    ngunit ang masama ay bihira lang magtapat.
Pumapatay nang lihim ang mga pangungusap ng masama,
    ngunit ang salita ng matuwid ay nagliligtas sa kapwa.
Ang masama ay lubusang mapaparam at di na magbabalik,
    ngunit ang sambahayan ng matuwid, mananatiling nakatindig.
Ang taong matalino'y magkakamit ng karangalan,
    ngunit ang aanihin ng masama ay pagkutya lang.
Ang maralitang nagsisikap ay mabuting di hamak,
    kaysa nagkukunwang mayaman ngunit sa gutom nakasadlak.
10 Kahit sa kanyang mga hayop ang matuwid ay mabait,
    ngunit ang masama kahit kanino ay sadyang mabagsik.
11 Ang taong masipag ay sagana sa lahat,
    ngunit ang isang hangal, sa yaman ay salat.
12 Ang nais ng masama ay puro kasamaan,
    ngunit ang tuntungan ng matuwid ay hindi magmamaliw.
13 Ang masama ay nahuhuli sa salita ng kanyang bibig,
    ngunit ang matuwid ay malayo sa ligalig.
14 Ang kakamtin ng tao ay batay sa gawa o salita,
    bawat isa ay tatanggap ng karampatang gantimpala.
15 Ang akala ng mangmang ay siya lamang ang tama,
    ngunit handang tumanggap ng payo ang taong may unawa.
16 Ang pagkainis ng mangmang kaagad nahahalata,
    ngunit ang mga matatalino, di pansin ang pagkutya.
17 Sa pagsasabi ng tapat, lumilitaw ang katarungan,
    ngunit ang pagsisinungaling ay lumilikha ng kapahamakan.
18 Ang matalas na pananalita ay sumusugat ng damdamin,
    ngunit sa magandang pananalita, sakit ng loob ay gumagaling.
19 Ang tapat na labi ay mananatili kailanman,
    ngunit ang dilang sinungaling ay hindi magtatagal.
20 Ang nagbabalak ng masama ay mag-aani ng kapahamakan,
    ngunit ang nag-iisip ng mabuti'y magtatamo ng kagalakan.
21 Ang kasamaang-palad ay malayo sa matuwid,
    ngunit ang buhay ng masama ay puno ng ligalig.
22 Namumuhi si Yahweh sa taong sinungaling,
    ngunit ang tapat ay ligaya niya at aliw.
23 Hindi agad sinasabi ang alam ng matalino,
    ngunit kahangalan ay inihahayag ng mangmang na tao.
24 Balang araw ang masikap ang mamamahala,
    ngunit ang tamad ay mananatiling alila.
25 Nagpapahina sa loob ng isang tao ang kabalisahan,
    ngunit ang magandang balita'y may dulot na kasiglahan.
26 Ang payo ng kaibigang matuwid ay isang gabay,
    ngunit ang daan ng masama ay tungo sa pagkaligaw.
27 Hindi makakamit ng tamad ang kanyang hinahangad,
    ngunit ang masikap ay laging may magandang hinaharap.
28 Ang matuwid na landas ay patungo sa buhay,
    ngunit ang maling daan ay hahantong sa kamatayan.

2 Corinto 4

Kayamanang Espirituwal sa Sisidlang Yari sa Putik

Dahil sa habag ng Diyos, ibinigay niya sa amin ang paglilingkod na ito kaya't hindi humihina ang aming loob. Tinalikuran namin ang lahat ng lihim at kahiya-hiyang gawain. Hindi kami nanloloko ng mga tao, at hindi namin pinipilipit ang salita ng Diyos. Sa halip, hayagan naming ipinapangaral ang katotohanan. Kaya't maaari kaming suriin ninuman sa harapan ng Diyos.

Kung may talukbong pa ang Magandang Balitang ipinapahayag namin, ito'y may talukbong lamang sa mga napapahamak. Hindi sila sumasampalataya sapagkat ang kanilang isip ay binulag ng diyos ng kasamaan sa daigdig na ito, upang hindi nila makita ang liwanag ng Magandang Balita tungkol sa kaluwalhatian ni Cristo na siyang larawan ng Diyos. Hindi namin ipinapangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon. At kami ay lingkod ninyo alang-alang kay Jesus. Sapagkat(A) ang Diyos na nag-utos na magkaroon ng liwanag sa gitna ng kadiliman ay siya ring nagbigay liwanag sa aming isip upang makilala namin ang kaluwalhatian ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Cristo.

Ngunit kaming pinagkalooban ng kayamanang espirituwal na ito ay tulad sa mga palayok na gawa sa putik, upang ipakilala na ang dakilang kapangyarihang ito ay sa Diyos, at hindi sa amin. Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin, ngunit hindi kami nalulupig. Kung minsa'y nababagabag, ngunit hindi kami nawawalan ng pag-asa. Inuusig kami, ngunit hindi pinababayaan. Napapatumba kami, ngunit hindi lubusang nailulugmok. 10 Lagi naming taglay sa aming katawan ang kamatayan ni Jesus, upang sa pamamagitan ng aming katawan ay mahayag ang kanyang buhay. 11 Habang kami'y nabubuhay, lagi kaming nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Jesus upang sa aming katawang may kamatayan ay mahayag ang kanyang buhay. 12 Kaya't habang nagwawagi sa amin ang kamatayan, nagwawagi naman sa inyo ang buhay.

13 Sinasabi(B) ng kasulatan, “Nagsalita ako sapagkat ako'y sumampalataya.” Sa ganoon ding diwa ng pananampalataya, nagsasalita kami dahil kami'y sumasampalataya. 14 Sapagkat alam naming ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin kasama si Jesus, at magdadala sa atin sa kanyang piling. 15 Ang lahat ng pagtitiis ko ay para sa kapakanan ninyo upang sa pagdami ng mga nakakatanggap ng kagandahang-loob ng Diyos, lalo pang dumami ang magpapasalamat sa ikaluluwalhati niya.

Nabubuhay sa Pananampalataya

16 Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob. Kahit na humihina ang aming katawang-lupa, patuloy namang pinalalakas ang aming espiritu araw-araw. 17 Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad. 18 Kaya't ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.