Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 7-9

Ang Baha

Sinabi ni Yahweh kay Noe, “Pumasok kayong mag-anak sa barko. Sa lahat ng tao'y ikaw lamang ang nakita kong namumuhay ng matuwid. Magdala ka ng pitong pares sa bawat hayop na malinis, at isang pares naman sa di-malinis. Pitong pares din sa bawat uri ng ibon ang iyong dadalhin. Gawin mo ito upang magpatuloy ang kanilang lahi sa balat ng lupa. Pagkaraan ng isang linggo, pauulanin ko nang apatnapung araw at apatnapung gabi upang lipulin ang lahat ng aking nilikha sa daigdig.” At ginawa nga ni Noe ang bawat iniutos ni Yahweh.

Si Noe ay 600 taon nang bumaha sa daigdig. Pumasok(A) nga siya sa malaking barko kasama ang kanyang asawa, mga anak, at mga manugang upang maligtas sa baha. Sa bawat uri ng hayop, malinis o hindi, sa bawat uri ng ibon at maliliit na hayop, ay nagsama siya sa barko ayon sa utos ng Diyos. 10 Pagkaraan ng pitong araw, bumaha nga sa buong daigdig.

11 Si(B) Noe ay 600 taóng gulang na noon. Noong ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan, nabuksan ang lahat ng bukal sa ilalim ng lupa. Nabuksan din ang mga bintana ng langit. 12 Bumuhos ang ulan sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi. 13 Pumasok noon sa barko si Noe at ang kanyang asawa, kasama ang kanilang tatlong anak na lalaki na sina Shem, Ham at Jafet at ang kani-kanilang asawa. 14 Pinapasok din niya ang bawat uri ng hayop—mailap at maamo, lumalakad at gumagapang sa lupa, at bawat uri ng ibon. 15 Isang lalaki at isang babae ng bawat may buhay ang isinama ni Noe, 16 ayon sa utos ng Diyos. Pagkatapos, isinara ni Yahweh ang pinto ng barko.

17 Apatnapung araw na bumaha sa daigdig. Lumaki ang tubig at lumutang ang barko. 18 Palaki nang palaki ang tubig habang palutang-lutang naman ang barko. 19 Patuloy pang lumaki ang tubig hanggang sa lumubog ang lahat ng matataas na bundok, 20 at tumaas pa nang halos pitong metro sa taluktok ng mga bundok. 21 Namatay ang bawat may buhay sa lupa—mga ibon, maaamo at maiilap na mga hayop, lahat ng gumagapang sa lupa, at lahat ng tao. 22 Ang lahat ng may hininga sa ibabaw ng lupa ay namatay. 23 Ang mga tao at mga hayop sa daigdig ay nilipol ng Diyos, maliban kay Noe at sa kanyang mga kasama sa barko. 24 Nagsimulang bumabâ ang tubig pagkatapos ng 150 araw.

Wala nang Baha

Hindi nawaglit sa isipan ng Diyos si Noe at ang lahat ng hayop na kasama niya sa malaking barko. Kaya't pinaihip niya ang hangin, at nagsimulang humupa ang tubig. Huminto ang mga bukal at tumigil ang pagbuhos ng ulan. Patuloy na humupa ang tubig, at pagkaraan ng 150 araw ay mababa na ang baha. Sumadsad ang barko sa Bundok ng Ararat noong ikalabimpitong araw ng ikapitong buwan. Patuloy ang paghupa ng tubig at nang unang araw ng ikasampung buwan, lumitaw ang taluktok ng mga bundok.

Pagkalipas ng apatnapung araw, binuksan ni Noe ang bintana ng barko na kanyang ginawa. Pinalipad niya ang isang uwak at ito'y nagpabalik-balik hanggang matuyo ang tubig sa lupa. Pagkatapos nito, pinalipad naman niya ang isang kalapati upang tingnan kung wala nang tubig. Palibhasa'y laganap pa ang tubig, hindi makalapag ang kalapati, kaya't nagbalik ito at muling ipinasok ni Noe sa barko. 10 Pitong araw pang naghintay si Noe, at pagkatapos ay muli niyang pinalipad ang kalapati. 11 Pagbalik nito kinagabihan, ito'y may tangay nang sariwang dahon ng olibo. Kaya't natiyak ni Noe na kati na ang tubig. 12 Nagpalipas ng pitong araw si Noe saka pinalipad muli ang kalapati. Hindi na ito nagbalik.

13 Noon ay 601 taóng gulang na si Noe. Nang unang araw ng unang buwan, inalis ni Noe ang takip ng barko at nakita niyang natutuyo na ang lupa. 14 Nang ikadalawampu't pitong araw ng ikalawang buwan, tuyung-tuyo na ang lupa.

15 Sinabi ng Diyos kay Noe, 16 “Lumabas ka na sa barko kasama ng iyong asawa, mga anak at mga manugang. 17 Palabasin mo na rin ang lahat ng mga hayop na kasama mo—maamo at mailap, gumagapang at lumalakad sa lupa, at pati ang mga ibon. Hayaan mo silang dumami at manirahan sa buong daigdig.” 18 At lumabas na nga si Noe at ang kanyang asawa, mga anak at mga manugang. 19 Gayundin, sunud-sunod na lumabas ang lahat ng hayop, mailap at maamo, lahat ng gumagapang at lumalakad, pati ang mga ibon ayon sa kani-kanilang uri.

Naghandog si Noe

20 Si Noe ay nagtayo ng altar para kay Yahweh. Kumuha siya ng isa sa bawat malinis na hayop at ibon, at sinunog bilang handog. 21 Nang maamoy ni Yahweh ang mabangong samyo nito, sinabi niya sa sarili, “Hindi ko na susumpain ang lupa dahil sa gawa ng tao bagama't alam kong masama ang kanyang isipan mula sa kanyang kabataan. Hindi ko na lilipuling muli ang anumang may buhay kagaya ng ginawa ko ngayon.

22 Hanggang naririto't buo ang daigdig,
    tagtanim, tag-ani, palaging sasapit;
tag-araw, tag-ulan, tag-init, taglamig,
    ang araw at gabi'y hindi mapapatid.”

Nakipagtipan ang Diyos kay Noe

Si(C) Noe at ang kanyang mga anak ay binasbasan ng Diyos: “Magkaroon kayo ng maraming anak at punuin ninyo ng inyong supling ang buong daigdig. Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop, pati mga ibon, ang lahat ng gumagapang sa lupa at ang mga isda. Ang lahat ng ito ay inilalagay ko sa ilalim ng inyong kapangyarihan. Gaya ng mga halamang luntian na inyong kinakain, lahat ng mga ito'y maaari na ninyong kainin. Huwag(D) lamang ninyong kakainin ang karneng hindi inalisan ng dugo sapagkat nasa dugo ang buhay. Mananagot ang sinumang papatay sa inyo, maging ito'y isang hayop. Pagbabayarin ko ang sinumang taong papatay ng kanyang kapwa.

Sinumang(E) pumatay ng kanyang kapwa,
    buhay ang kabayaran sa kanyang ginawa,
sapagkat sa larawan ng Diyos ang tao'y nilikha.

“Magkaroon(F) nga kayo ng maraming anak upang manirahan sila sa buong daigdig.”

Sinabi ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak, “Ako'y nakikipagtipan sa inyo ngayon, pati na sa inyong magiging mga anak, 10 gayon din sa lahat ng mga bagay na may buhay sa paligid ninyo—sa mga ibon, pati sa maaamo't maiilap na hayop na kasama ninyo sa barko. 11 Ito ang aking pakikipagtipan sa inyo: Kailanma'y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. Wala nang baha na gugunaw sa daigdig.” 12 Sinabi pa ng Diyos, “Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop: 13 Palilitawin ko sa mga ulap ang aking bahaghari, at iyan ang magiging tanda ng aking pakikipagtipan sa inyo. 14 Tuwing magkakaroon ng ulap at lilitaw ang bahaghari, 15 aalalahanin ko ang aking pangako sa inyo at sa lahat ng hayop. Hindi ko na lilipulin sa baha ang lahat ng may buhay. 16 Tuwing lilitaw ang bahaghari, maaalala ko ang walang hanggang tipan na ginawa ko sa inyo at sa lahat ng may buhay sa balat ng lupa.”

17 At sinabi ng Diyos kay Noe, “Ito ang tanda ng aking pangako sa lahat ng nabubuhay sa lupa.”

Si Noe at ang Kanyang mga Anak

18 Ang mga anak ni Noe na kasama niyang lumabas sa barko ay sina Shem, Jafet at Ham na ama ni Canaan. 19 Ang tatlong ito ang pinagmulan ng lahat ng tao sa daigdig.

20 Si Noe ay isang magsasaka at siya ang kauna-unahang nagbukid ng ubasan. 21 Minsan, uminom siya ng alak at nalasing. Nakatulog siyang hubad na hubad sa loob ng kanyang tolda. 22 Sa gayong ayos, nakita siya ni Ham ang ama ni Canaan at ibinalita ito sa kanyang mga kapatid. 23 Kaya't kumuha sina Shem at Jafet ng balabal, iniladlad sa likuran nila at magkatuwang na lumakad nang patalikod patungo sa tolda. Tinakpan nila ang katawan ng kanilang ama. Ayaw nilang makita ang kahubaran ng kanilang ama. 24 Nang mawala na ang kalasingan ni Noe, at malaman ang ginawa ng bunsong anak, 25 sinabi niya:

“O ikaw, Canaan, ngayo'y susumpain,
    sa mga kapatid mo ika'y paaalipin.”
26 Sinabi rin niya,
“Purihin si Yahweh, ang Diyos ni Shem,
    itong si Canaa'y maglilingkod kay Shem.
27 Palawakin nawa ng Diyos ang lupain ni Jafet.[a]
    Sa lahi ni Shem, sila'y mapipisan,
    at paglilingkuran si Jafet nitong si Canaan.”

28 Si Noe ay nabuhay pa nang 350 taon pagkatapos ng baha, 29 kaya't umabot siya sa gulang na 950 taon bago namatay.

Mateo 3

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Nang mga panahong iyon, dumating si Juan na Tagapagbautismo sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. Ganito(B) ang kanyang sinasabi, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!” Si(C) Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya,

“Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
    ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
    gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’”

Gawa(D) sa balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan at sa balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. Dinarayo siya ng mga tao mula sa Jerusalem, sa buong Judea at sa magkabilang panig ng Ilog Jordan. Ipinapahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.

Nang(E) makita niyang lumalapit din sa kanya ang maraming Pariseo at mga Saduseo upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Lahi ng mga ulupong! Akala ba ninyo'y makakatakas kayo sa parusa ng Diyos? Patunayan muna ninyo sa inyong mga buhay na kayo'y talagang nagsisisi, at(F) huwag ninyong akalain na makakaiwas kayo sa parusa ng Diyos dahil sinasabi ninyong ama ninyo si Abraham. Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng mga anak ni Abraham. 10 Ngayon(G) pa lamang ay nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.

11 “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang patunay ng inyong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ngunit ang darating na kasunod ko ay magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Higit siyang makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. 12 Hawak(H) na niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo ngunit ang ipa ay susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.”

Binautismuhan si Jesus(I)

13 Dumating si Jesus sa Ilog Jordan mula sa Galilea upang magpabautismo kay Juan. 14 Ngunit tinangka ni Juan na pigilan siya at sinabi, “Ako po ang dapat magpabautismo sa inyo! Bakit kayo nagpapabautismo sa akin?” 15 Subalit sumagot si Jesus, “Hayaan mong ito ang mangyari ngayon, sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos.” Kaya't pumayag din si Juan. 16 Nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig. Nabuksan ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang isang kalapati at dumapo sa kanya. 17 At(J) isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.