Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 49-50

Ang Pahayag ni Jacob tungkol sa Kanyang mga Anak

49 Ipinatawag ni Jacob ang kanyang mga anak at sinabi, “Lumapit kayo sa akin, at sasabihin ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa hinaharap:

“Kayo mga anak, magsilapit sa akin,
    akong inyong ama ay sumandaling dinggin.

“Si Ruben ang aking panganay na anak,
    sa lahat kong supling ay pinakamalakas;
mapusok ang loob, baha ang katulad, bawat madaanan ay sumasambulat.
    Sa kabila nito'y hindi ka sisikat, hindi mangunguna, hindi matatanyag;
    pagkat ang ama mo ay iyong hinamak,
    dangal ng aliping-asawa ko ay iyong winasak.

“Simeon at Levi na magkapatid,
    ang sandata ninyo'y ipinanlulupig;
sa usapan ninyo'y di ako sasali,
    sa inyong gawain, hindi babahagi.
Kapag nagagalit agad pumapatay,
    lumpo pati hayop kung makatuwaan.
Kayo'y susumpain, sa bangis at galit,
    sa ugali ninyo na mapagmalabis;
kayo'y magkawatak-watak sa buong lupain,
    sa buong Israel ay pangangalatin.

“Ikaw naman, Juda, ay papupurihan niyong mga anak ng ina mong mahal,
    hawak mo sa leeg ang iyong kaaway,
    lahat mong kapatid sa iyo'y gagalang.
Mabangis(A) na leon ang iyong larawan,
    muling nagkukubli matapos pumatay;
ang tulad ni Juda'y leong nahihimlay,
    walang mangangahas lumapit sinuman.
10 Setrong sagisag ng lakas at kapangyarihan
    sa kanya kailanma'y hindi lilisan;
mga bansa sa kanya'y magkakaloob,
    mga angkan sa kanya'y maglilingkod.
11 Batang asno niya doon natatali,
    sa puno ng ubas na tanging pinili;
mga damit niya'y doon nilalabhan,
    sa alak ng ubas na lubhang matapang.
12 Mata'y namumula dahilan sa alak,
    ngipi'y pumuputi sa inuming gatas.

13 “Sa baybaying-dagat doon ka, Zebulun,
    ang sasakyang-dagat sa iyo kakanlong;
    ang iyong lupai'y aabot sa Sidon.

14 “Malakas na asno ang katulad mo, Isacar,
    ngunit sa kulungan ka maglulumagak.
15 Nang kanyang makita iyong pahingahan,
    ang lupain doo'y tunay na mainam,
tiniis na niyang makuba sa pasan,
    nagpaalipin na kahit mahirapan.

16 “Si Dan ay magiging isang pangunahin,
    katulad ng ibang pinuno ng Israel.
17 Ahas na mabagsik sa tabi ng daan,
    na handang tumuklaw sa kabayong daraan;
    upang maihulog iyong taong sakay.

18 “Sa pagliligtas mo, O Diyos, ako'y maghihintay.

19 “Haharangin si Gad ng mga tulisan,
    lalabanan niya at magtatakbuhan.

20 “Ang bukid ni Asher ay pag-aanihan
    ng mga pagkain ng taong marangal.

21 “Si Neftali naman ay tulad ng usa,
    malaya't ang dalang balita'y maganda.

22 “Si Jose nama'y baging na mabunga.
    Sa tabi ng bukal nakatanim siya,
    paakyat sa pader ang pagtubo niya.
23 Mga mangangaso ang nagpapahirap,
    hinahabol siya ng palaso't sibat.
24 Subalit ang iyong busog ay mananatiling malakas,
    ang iyong mga bisig ay palalakasin,
ang dahilan nito'y ang Diyos ni Jacob,
    pastol ng Israel, matibay na muog.
25 Diyos ng iyong ama'y siyang sasaklolo,
    ang Makapangyarihang Diyos magbabasbas sa iyo.
    Magbuhat sa langit, bubuhos ang ulan,
malalim na tubig sa lupa'y bubukal;
    dibdib na malusog, pati bahay-bata'y pagpapalain di't kanyang babasbasan.
26 Darami ang ani, bulaklak gayon din,
    maalamat na bundok ay pagpapalain;
    pati mga burol magkakamit-aliw.
Pagpapalang ito nawa ay makamit ni Joseng nawalay sa mga kapatid.

27 “Tulad ni Benjami'y lobong pumapatay,
    sumisila ito ng inaalmusal.
    Kung gabi, ang huli'y pinaghahatian.”

28 Ito ang labindalawang anak ni Israel, at gayon sila binasbasan ng kanilang ama ayon sa basbas na angkop sa kanila.

Namatay at Inilibing si Jacob

29 Pagkatapos, sinabi ni Jacob sa kanyang mga anak, “Ngayo'y papanaw na ako upang makasama ng mga ninunong namayapa na. Doon ninyo ako ililibing sa pinaglibingan sa aking mga magulang, sa yungib sa bukid ni Efron na Heteo. 30 Ang(B) libingang iyo'y nasa Macpela, sa silangan ng Mamre, sa may Canaan. Binili iyon ni Abraham, 31 at(C) doon siya inilibing pati ang kanyang asawang si Sara. Doon din inilibing ang mag-asawang Isaac at Rebeca, at doon ko rin inilibing si Lea. 32 Ang bukid at yungib na iyon ay binili nga sa mga Heteo.” 33 Matapos(D) masabi ang lahat ng ito, siya ay humimlay at namatay.

50 Niyakap ni Jose ang kanyang ama at umiiyak na hinagkan. Pagkatapos, inutusan niya ang kanyang mga manggagamot na embalsamuhin ang bangkay. Ayon sa kaugalian ng mga Egipcio, apatnapung araw ang ginugol nila sa paggawa nito. Pitumpung araw na nagluksa ang bansang Egipto.

Pagkatapos ng pagluluksa, sinabi ni Jose sa mga kagawad ng Faraon, “Pakisabi nga ninyo sa Faraon na hiniling(E)ng aking ama bago namatay na doon ko siya ilibing sa libingan na kanyang inihanda sa Canaan. At aking naipangakong susundin ko ang kanyang bilin. Kaya, humihingi ako ng pahintulot na dalhin ko roon ang kanyang bangkay at babalik agad ako pagkatapos.”

Sumagot ang Faraon, “Lumakad ka na at ilibing mo ang iyong ama ayon sa iyong pangako sa kanya.”

Sumama kay Jose para makipaglibing ang lahat ng kagawad ng Faraon, ang mga may matataas na katungkulan sa palasyo at ang mga kilalang mamamayan sa buong Egipto. Kasama rin ni Jose ang kanyang mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama. Ang naiwan lamang sa Goshen ay ang maliliit na bata, mga kawan ng tupa, kambing at baka. May mga nangangabayo, may mga sakay sa karwahe—talagang napakarami nila.

10 Pagsapit nila sa giikan sa Atad, sa silangan ng Ilog Jordan, huminto muna sila. Nagdaos sila roon ng luksang-parangal sa yumao, at pitong araw na nagdalamhati roon si Jose. 11 Nasaksihan ng mga taga-Canaan ang ginawang pagpaparangal na ito, kaya't nasabi nila, “Ganito palang magluksa ang mga taga-Egipto!” Dahil dito'y tinawag na Abelmizraim[a] ang lugar na iyon.

12 Sinunod nga ng mga anak ni Jacob ang hiling ng kanilang ama. 13 Dinala(F) nila sa Canaan ang bangkay at doon inilibing sa yungib na nasa kaparangan ng Macpela, silangan ng Mamre, na binili ni Abraham kay Efron na Heteo. 14 Matapos ilibing ang ama, si Jose'y nagbalik sa Egipto, kasama ang kanyang mga kapatid at lahat ng kasama sa paglilibing.

Binigyan ni Jose ng Kapanatagan ang mga Kapatid

15 Mula nang mamatay ang kanilang ama, nag-alala na ang mga kapatid ni Jose. Sabi nila, “Paano kung galit pa sa atin si Jose at gantihan tayo sa kalupitang ginawa natin sa kanya?” 16 Nagpasugo sila kay Jose at ipinasabi ang ganito: “Bago namatay ang ating ama, ipinagbilin niya na sabihin ito sa iyo, 17 ‘Nakikiusap ako na patawarin mo na ang iyong mga kapatid sa ginawa nila sa iyo.’ Kaya naman ngayon, nagsusumamo kami sa iyo na patawarin mo kaming mga lingkod ng Diyos ng iyong ama.” Napaiyak si Jose nang marinig ito.

18 Lumapit lahat ang kanyang mga kapatid at yumuko sa harapan niya. “Kami'y mga alipin mo,” wika nila.

19 Ngunit sinabi ni Jose, “Huwag kayong matakot! Maaari ko bang palitan ang Diyos? 20 Masama nga ang inyong ginawa sa akin, subalit ipinahintulot iyon ng Diyos para sa kabutihan, at dahil doo'y naligtas ang marami ngayon. 21 Kaya, huwag na kayong mag-alala. Ako ang bahala sa inyo at sa inyong mga anak.” Napanatag ang kanilang kalooban sa mga sinabing ito ni Jose.

Ang Pagkamatay ni Jose

22 Nanatili nga si Jose sa Egipto kasama ang kanyang mga kapatid. Umabot siya ng 110 taon bago namatay. 23 Inabot pa siya ng mga apo ni Efraim, gayundin ng mga apo niya kay Maquir na anak ni Manases. 24 Sinabi niya sa kanyang mga kapatid, “Malapit na akong mamatay, ngunit huwag kayong mag-alala. Iingatan kayo ng Diyos at ibabalik sa lupaing ipinangako niya kina Abraham, Isaac at Jacob.” 25 Pagkatapos,(G) ipinagbilin niya sa mga Israelita ang gagawin sa kanyang bangkay. Wika niya, “Isumpa ninyo sa akin na kapag kayo'y inilabas na ng Diyos sa lupaing ito, dadalhin ninyo ang aking mga buto.” 26 Namatay nga si Jose sa gulang na 110 taon. Siya'y inembalsamo sa Egipto at inilagay sa isang kabaong.

Mateo 13:31-58

Talinghaga tungkol sa Buto ng Mustasa(A)

31 Sa pagpapatuloy, isa pang talinghaga ang isinalaysay ni Jesus sa kanila. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. 32 Ang buto ng mustasa ang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Ngunit pagtubo nito, ito'y nagiging mas malaki kaysa alin mang halaman at nagiging punongkahoy, kaya't nakakapagpugad ang mga ibon sa mga sanga nito.”

Talinghaga tungkol sa Pampaalsa(B)

33 Nagsalaysay pa si Jesus ng ibang talinghaga. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, hanggang umalsa ang buong masa ng harina.”

Ang Paggamit ni Jesus ng mga Talinghaga(C)

34 Ang lahat ng ito ay sinabi ni Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga, at wala siyang itinuro sa kanila nang hindi sa pamamagitan ng talinghaga. 35 Sa(D) gayon, natupad ang sinabi ng propeta:[a]

“Magsasalita ako sa pamamagitan ng mga talinghaga,
    ihahayag ko ang mga bagay na inilihim mula pa nang likhain [ang daigdig].”[b]

Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan

36 Pagkatapos, iniwan ni Jesus ang mga tao at pumasok siya sa bahay. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag po ninyo sa amin ang talinghaga tungkol sa mapanirang damong tumubo sa bukid.” 37 Sumagot si Jesus, “Ang naghahasik ng mabubuting binhi ay ang Anak ng Tao, 38 ang bukid ay ang daigdig, ang mabuting binhi ay ang mga taong kabilang sa kaharian at ang mapanirang damo naman ay ang mga kabilang sa Masama. 39 Ang kaaway na naghasik ng damo ay walang iba kundi ang diyablo. Ang panahon ng pag-aani ay ang katapusan ng daigdig at ang mga tagapag-ani naman ay ang mga anghel. 40 Kung paanong ang mga damo ay tinitipon at sinusunog, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. 41 Ipag-uutos ng Anak ng Tao sa kanyang mga anghel na tipunin nila mula sa kanyang kaharian ang lahat ng nagiging sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng gumagawa ng masama. 42 Ihahagis nila ang mga ito sa lumalagablab na pugon at doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin. 43 Ngunit ang mga gumagawa ng matuwid ay magliliwanag na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may pandinig!”

Ang Natatagong Kayamanan

44 “Ang kaharian ng langit ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao ngunit agad itong tinabunan. Tuwang-tuwa siyang umalis at ibinenta ang lahat ng kanyang ari-arian upang bilhin ang bukid na iyon.”

Ang Perlas na Mahalaga

45 “Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang negosyante na naghahanap ng mga mamahaling perlas. 46 Nang makakita siya ng isang perlas na napakahalaga, umuwi siya't ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon.”

Ang Lambat

47 “Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. 48 Nang mapuno ang lambat, hinila ito sa pampang. Naupo ang mga tao habang tinitipon nila sa sisidlan ang mabubuting isda at itinatapon naman ang mga isdang hindi mapapakinabangan. 49 Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng daigdig, darating ang mga anghel, ihihiwalay ang masasama sa mga matuwid, 50 at ihahagis ang masasama sa naglalagablab na apoy. Doo'y mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.”

Kayamanang Bago at Luma

51 “Nauunawaan ba ninyo ang lahat ng ito?” tanong ni Jesus. “Opo,” sagot nila. 52 At sinabi niya sa kanila, “Kaya nga, ang bawat tagapagturo ng Kautusan na tinuruan tungkol sa kaharian ng langit ay katulad ng isang pinuno ng sambahayan na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kanyang taguan ng kayamanan.”

Si Jesus ay Hindi Tinanggap sa Nazaret(E)

53 Umalis si Jesus mula roon matapos niyang isalaysay ang mga talinghagang ito. 54 Umuwi siya sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya, kaya't kanilang itinanong, “Saan kumuha ng ganyang karunungan ang taong iyan? Paano siya nakakagawa ng mga himala? 55 Hindi ba siya ay anak ng isang karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid? 56 At tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, di ba? Saan kaya niya natutuhan ang lahat ng iyan?” 57 At(F) siya'y hindi nila pinaniwalaan.

Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang kahit saan maliban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan.” 58 At dahil ayaw nilang maniwala kay Jesus, hindi siya gumawa roon ng maraming himala.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.