Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 40-42

Awit ng Pagpupuri

Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

40 Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay,
    ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan;
sa balong malalim na lubhang maputik,
    iniahon niya at doo'y inalis.
Ligtas na dinala sa malaking bato,
    at naging panatag, taglay na buhay ko.
Isang bagong awit, sa aki'y itinuro,
    papuri sa Diyos, ang awit ng puso;
matatakot ang bawat makakasaksi,
    at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
Mapalad ang taong, kay Yahweh'y tiwala,
    at sa diyus-diyosa'y hindi dumadapa;
    hindi sumasama sa nananambahan, sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
Yahweh, aking Diyos, wala kang katulad
    sa maraming bagay na iyong ginanap;
kung pangahasan kong sabihin ang lahat,
    nangangamba akong may makalimutan.

Ang(A) mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
    hindi mo na ibig sa dambana dalhin, handog na sinusunog at mga kaloob
    hindi mo naisin, upang sala'y iyong patawarin.
Sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay pandinig ko upang ika'y dinggin.
    Kaya ang tugon ko, “Ako'y naririto;
    nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;
    aking itatago sa puso ang aral.”

Ang pagliligtas mo'y aking inihayag,
    saanman magtipon ang iyong mga anak;
    di ako titigil ng pagpapahayag.
10 Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi,
    di ko inilihim, hindi ko sinarili;
pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat,
    sa mga lingkod mo'y isinisiwalat.

11 Aking nalalamang di mo puputulin, Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin;
    wagas mong pag-ibig at iyong katapatan, mag-iingat sa akin magpakailanpaman.

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos(B)

12 Kay rami na nitong mga suliranin,
    na sa karamiha'y di kayang bilangin.
Alipin na ako ng pagkakasala,
    na sa dami, ako'y di na makakita;
higit pa ang dami sa buhok sa ulo,
    kaya nasira na pati ang loob ko.
13 Nawa ay kalugdan, na ako'y tulungan! Yahweh, ngayon na, ako'y pakinggan.
14 Nawa ang may hangad na ako'y patayin,
    bayaang malito't ganap na talunin.
Yaong nagagalak sa suliranin ko,
    hiyain mo sila't bayaang malito!
15 Silang nangungutya sa aki'y bayaang
    manlumo nang labis, nang di magtagumpay!

16 Silang lumalapit sa iyo'y dulutan
    ng ligaya't galak na walang kapantay;
bayaang sabihing: “Si Yahweh ay Dakila!”
    ng nangaghahangad maligtas na kusa.

17 Ako ma'y mahirap at maraming kailangan,
    subalit hindi mo kinalilimutan.
Ikaw ang tulong ko, at tagapagligtas—
    Yahweh, aking Diyos, huwag ka nang magtagal!

Panalangin ng Isang Maysakit

Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

41 Mapalad ang isang taong tumutulong sa mahirap,
    si Yahweh ang kakalinga kung siya nama'y mabagabag.
Buhay niya'y iingatan, si Yahweh lang ang may hawak,
    sa kamay man ng kaaway, hindi siya masasadlak,
    at doon sa bayan niya'y ituturing na mapalad.
Si Yahweh rin ang tutulong kung siya ay magkasakit,
    ang nanghina niyang lakas ay ganap na ibabalik.

Ang pahayag ko kay Yahweh, “Tunay akong nagkasala,
    iyo akong pagalingin, sa akin ay mahabag ka!”
Yaong mga kaaway ko, ang palaging binabadya,
    “Kailan ka mamamatay, ganap na mawawala?”
Yaong mga dumadalaw sa akin ay hindi tapat;
    ang balitang masasama ang palaging sinasagap,
    at saan ma'y sinasabi upang ako ay mawasak.
Ang lahat ng namumuhi'y ang lagi nilang usapan,
    ako raw ay ubod sama, ang panabi sa bulungan.
Ang sakit ko, sabi nila, ay wala nang kagamutan,
    hindi na makakabangon sa banig ng karamdaman.
Lubos(C) akong nagtiwala sa tapat kong kaibigan
    kasalo ko sa tuwina, karamay sa anuman;
    ngunit ngayon, lubos siyang naging taksil na kalaban.

10 Sa akin ay mahabag ka, Yahweh, ako'y kaawaan;
    ibalik mo ang lakas ko't kaaway ko'y babalingan.
11 Kung ikaw ay nalulugod, ganito ko malalaman,
    sa aki'y di magwawagi kahit sino ang kaaway.
12 Tulungan mo ako ngayon, yamang ako'y naging tapat.
    Sa piling mo ay patuloy na ingatan akong ganap.

13 Purihin(D) si Yahweh, ang Diyos ng Israel!
Purihin siya, ngayon at magpakailanman!

    Amen! Amen!

IKALAWANG AKLAT

Panaghoy ng Isang Dinalang-bihag

Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.

42 Kung paanong batis ang siyang hanap ng isang usa;
    gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
Nananabik ako sa Diyos, sa Diyos na buháy, walang iba;
    kailan kaya maaaring sa presensya mo'y sumamba?
Araw-gabi'y tumataghoy, gabi't araw tumatangis;
    naging tanging pagkain ko'y mga luha sa paghibik.
Itong mga kaaway ko, sa tuwina'y yaong sambit,
    “Nasaan ba ang iyong Diyos? Hindi namin namamasid.”

Nagdurugo ang puso ko, kapag aking maalala
    ang lumipas na kahapong lagi kaming sama-sama,
    papunta sa templo ng Diyos na ako ang nangunguna;
    pinupuri namin ang Diyos sa pag-awit na masaya!
Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan;
    Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan.

Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap,
    habang ako'y nasa Jordan, sa Hermon, at sa Mizar
    di ko siya malilimot, gugunitain oras-oras.
Ang dagat na kalaliman pakinggan at umuugong,
    at doon ay maririnig, lagaslas ng mga talon;
    ang katulad: nagagalit, malalaking mga alon,
    na sa aking kaluluwa ay ganap na tumatabon.
Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw,
    gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan;
    dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.

Sa Diyos na sanggalang ko ganito ang aking wika,
    “Bakit ako ay nilimot, nilimot mo akong kusa?
Bakit ako nagdurusa sa kamay ng masasama?”
10 Kalooban ko'y nanghihina sa pagkutya ng kalaban,
    habang sila'y nagtatanong,
    “Ang Diyos mo ba ay nasaan?”

11 Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan;
    magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay,
    ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.

Mga Gawa 27:1-26

Naglakbay si Pablo Papuntang Roma

27 Nang mapagpasyahang dapat kaming maglayag papuntang Italia, si Pablo at ang ilan pang bilanggo ay ipinailalim sa pamamahala ni Julio, isang kapitan ng hukbong Romano na tinatawag na “Batalyon ng Emperador.” Sumakay kami sa isang barkong galing sa Adramicio, papunta sa lalawigan ng Asia, at naglakbay kami kasama si Aristarco, na isang taga-Macedonia na nagmula sa Tesalonica. Kinabukasan, dumaong kami sa Sidon. Mabuti ang pakikitungo ni Julio kay Pablo; pinahintulutan niya itong makadalaw sa kanyang mga kaibigan upang matulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. Mula roon ay naglakbay kaming muli, at dahil sa pasalungat ang hangin, kami'y namaybay sa gawing silangan ng Cyprus upang kumubli. Dumaan kami sa tapat ng Cilicia at Pamfilia, at kami'y dumating sa Mira, isang lungsod ng Licia. Ang kapitan ng mga sundalo ay nakakita roon ng isang barkong mula sa Alejandria papuntang Italia, at inilipat niya kami roon.

Mabagal ang aming paglalakbay. Tumagal ito ng maraming araw, at nahirapan kami bago nakarating sa tapat ng Cinido. Buhat dito'y hindi namin matawid ang kalawakan ng dagat sapagkat pasalungat kami sa hangin. Kaya't nagpunta kami sa panig ng Creta na kubli sa hangin, sa tapat ng Salmone. Nahirapan kaming namaybay sa tabi hanggang sa marating namin ang pook na tinatawag na Mabuting Daungan na malapit sa bayan ng Lasea.

Mahabang panahon na kaming naglalakbay. Mapanganib na ang magpatuloy dahil nakaraan na ang Araw ng Pag-aayuno,[a] kaya't pinayuhan sila ni Pablo. 10 Sabi niya, “Mga ginoo, sa tingin ko'y mapanganib na ang maglakbay mula ngayon, at mapipinsala ang mga kargamento at ang barko, at manganganib pati ang buhay natin.”

11 Ngunit higit na pinahalagahan ng kapitan ng mga sundalo ang salita ng may-ari at kapitan ng barko kaysa sa payo ni Pablo. 12 Dahil hindi mabuting tigilan ang daungang iyon kung panahon ng taglamig, minabuti ng nakararami na magpatuloy sila sa kanilang paglalakbay, sa pag-asang makarating sila sa Fenix at doon magpalipas ng taglamig. Ito'y isang daungan sa Creta, na nakaharap sa hilagang-kanluran at timog-kanluran.

Ang Bagyo sa Dagat

13 Umihip nang marahan ang hangin buhat sa timog kaya't inakala nilang maaari na silang umalis. Isinampa nila ang angkla at sila'y namaybay sa Creta. 14 Ngunit di nagtagal, bumugso mula sa pulo ang isang malakas na hangin na tinatawag na Hanging Hilagang-silangan. 15 Hinampas nito ang barko, at dahil hindi kami makasalungat, nagpatangay na lamang kami sa hangin. 16 Nang makakubli kami sa isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, naisampa namin ang bangka ng barko, ngunit nahirapan kami bago nagawa iyon. 17 Nang maisampa na ito, tinalian nila ng malalaking lubid ang barko. Ngunit natakot silang sumadsad sa buhanginan ng Sirte, kaya't ibinabâ nila ang layag at kami'y nagpaanod na lamang. 18 Patuloy na lumakas ang bagyo; kaya't kinabukasa'y sinimulan nilang itapon sa dagat ang mga kargamento. 19 At nang sumunod na araw, itinapon din nila ang mga kagamitan ng barko. 20 Matagal naming di nakita ang araw at ang mga bituin, at hindi rin humuhupa ang napakalakas na bagyo, kaya't nawalan na kami ng pag-asang makakaligtas pa.

21 Dahil matagal nang hindi kumakain ang mga nasa barko, tumayo si Pablo at nagsalita, “Mga kasama, kung nakinig lamang kayo sa akin at di tayo umalis sa Creta, hindi sana natin inabot ang ganitong pinsala. 22 Ito ngayon ang payo ko, lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat walang mamamatay isa man sa inyo! Kaya nga lamang, mawawasak ang barko. 23 Nagpakita sa akin kagabi ang isang anghel ng Diyos, ang Diyos na nagmamay-ari sa akin at siya kong pinaglilingkuran. 24 Sinabi niya sa akin, ‘Huwag kang matakot, Pablo! Dapat kang humarap sa Emperador. Alang-alang sa iyo'y ililigtas ng Diyos ang lahat ng mga kasama mong naglalakbay.’ 25 Kaya, tibayan ninyo ang inyong loob, mga kasama! Nananalig ako sa Diyos na mangyayari ang lahat ayon sa sinabi niya sa akin. 26 Kaya lamang, mapapadpad tayo sa isang pulo.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.