Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Job 28-29

Papuri sa Karunungan

28 “May lugar kung saan ang pilak ay mahuhukay,
    at may pook kung saan ang ginto'y dinadalisay.
Nahuhukay ng tao ang bakal mula sa lupa,
at nilulusaw ang tanso mula sa batong nakuha.
Sinasaliksik ng tao ang pinakamalalim na kadiliman,
ginagalugad pati ang kailaliman
upang humukay ng batong yaman.
Humuhukay nang malalim sa ilang at kabundukan
na hindi pa naaabot ng sinumang manlalakbay,
nagmimina sila roon sa gitna ng kalungkutan.
Sa lupa tumutubo ang halamang kinakain,
ngunit parang tinupok ng apoy ang nasa ilalim.
Nasa mga bato ang mga safiro,
nasa alabok naman ang gintong puro.
Ang daang iyo'y di abot-tanaw ng lawin,
kahit mga buwitre'y hindi ito napapansin.
Hindi pa ito nadadaanan ng hayop na mababangis,
hindi pa nagagawi rito ang leong mabagsik.

“Hinuhukay ng mga tao ang batong matitigas,
pati paanan ng mga bundok ay kanilang tinitibag.
10 Sa malalaking bato'y gumagawa sila ng lagusan,
mamahaling hiyas ay kanilang natutuklasan.
11 Pinagmumulan ng ilog ay kanilang tinutunton,
at dinadala sa liwanag anumang nakatago roon.
12 Ngunit(A) saan kaya matatagpuan itong karunungan?
At ang pang-unawa, saan kaya matututunan?

13 “Hindi(B) alam ng tao ang daan tungo sa karunungan;
wala iyon sa lupain ng mga nabubuhay.
14 Ang sabi ng kalaliman, ‘Wala sa akin ang kaalaman.’
Ganito rin ang sinasabi ng buong karagatan.
15 Hindi ito mabibili kahit ginto ang ibayad,
hindi ito makukuha palitan man ng pilak.
16 Ang pinakamahal na ginto at alahas,
sa halaga ng karununga'y hindi maitutumbas.
17 Mahigit pa kaysa ginto ang timbang ng karunungan,
mas mahal kaysa sa alahas o sa gintong kayamanan.
18 Mas mahalaga ang karunungan kaysa magandang koral,
higit itong mamahalin kaysa perlas o sa kristal.
19 Kahit na ang topaz, dito'y di maipapantay,
at hindi rin mahihigitan kahit ng gintong dalisay.

20 “Kung gayo'y saan nga nagmumula ang karunungan?
At ang pang-unawa, saan kaya matututunan?
21 Hindi ito nakikita ng sinumang nilalang,
mga ibong lumilipad, hindi rin ito natatanaw.
22 Kahit ang Pagkawasak at ang Kamatayan
ay nagsasabing ang narinig nila'y mga sabi-sabi lamang.

23 “Ngunit(C) tanging ang Diyos lang ang siyang nakakaalam
kung saan naroroon ang tunay na karunungan.
24 Pagkat nakikita niya ang bawat sulok ng daigdig;
natatanaw niyang lahat ang nasa ilalim ng langit.
25 Ang hangin ay kanyang binigyan ng bigat,
ang karagatan ay itinakda niya ang sukat.
26 Ipinasya niya kung saan papatak ang ulan,
at pati ang kidlat, binigyan niya ng daraanan.
27 Dito(D) niya nakita at sinubok ang karunungan,
kanyang itinatag at binigyang kahalagahan.

28 “At(E) sinabi niya sa tao,
‘Ang pagsunod at paggalang sa Panginoon ay karunungan;
at ang paglayo sa kasamaan ay siyang tunay na kaalaman.’”

Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw

29 Muling nagsalita si Job,
“Kung maibabalik ko lang ang mga unang araw
    noong ang Diyos sa akin ay palagi pang nagbabantay;
Nang ang liwanag niya sa akin ay gumagabay,
    sa paglakad ko sa dilim, siya ang aking tanglaw.
Noon, ako ay sagana, maluwag ang pamumuhay,
    kaibigang matalik ang Diyos na buháy, at sa buong pamilya ko, siya ang patnubay.
Noon ay malapit ang Makapangyarihang Diyos sa akin,
    at ang mga anak ko'y lagi sa aking piling.
Masagana ang gatas mula sa aking kawan,
    olibong nagbibigay ng langis, tumutubo kahit sa batuhan.
Kapag pumupunta ako noon sa mga kapulungan,
    at nauupong kasama ng mga pinuno ng bayan,
    kapag ako'y natanaw, mga kabataa'y nagbibigay-daan,
    mga matatanda nama'y tumatayo at nagbibigay-galang.
9-10 Ihihinto ng pinuno, kanilang usapan,
    at mga maharlika'y tatahimik na lamang.

11 “Kapag ako'y nakita at kanilang narinig,
    sila'y sumasang-ayon at sa aki'y pumapanig.
12 Sapagkat tinulungan ko ang dukha sa kanilang pangangailangan,
    dinamayan ko ang mga ulilang wala nang mapuntahan.
13 Pinupuri ako ng mga dumanas ng kasawian,
    natulungang mga biyuda sa tuwa'y nag-aawitan.
14 At ang lagi kong adhikain, katarungan at katuwiran ay siyang pairalin.
15 Para sa mga bulag, ako'y nagsilbing mata;
    at sa mga pilay, ako ang kanilang paa.
16 Nagsilbi akong ama ng mga mahihirap,
    kahit di ko kilala ay aking nililingap.
17 Ang lakas ng masasama, aking sinisira
    ang kanilang mga bihag, sinikap kong mapalaya.

18 “Umaasa ako noong hahaba ang aking buhay,
    at sa aking tahanan payapang mamamatay.
19 Tulad ko noo'y punongkahoy na sa tubig ay sagana,
    at ang mga sanga, sa hamog laging basa.
20 Pinupuri ako ng halos lahat,
    at di nauubos ang aking lakas.
21 Sa mga payo ko sila'y nananabik,
    sa sinasabi ko sila'y nakikinig.
22     Ang sinabi ko'y di na dapat ulitin,
pagkat sa isip agad itong naitatanim.
23     Sa mga sasabihin ko'y lagi silang naghihintay,
    salita ko'y parang ulan sa panahon ng tag-araw.
24 At ang aking mga ngiti sa kanila'y pampalakas-loob,
    sa saya ng aking mukha silang lahat ay nalulugod.
25 Para akong hari na sa hukbo'y nag-uutos,
    at nagbibigay ng aliw kapag sila'y nalulungkot.

Mga Gawa 13:1-25

Ang Pagkasugo kina Bernabe at Saulo

13 May mga propeta at mga guro sa iglesya sa Antioquia. Kabilang dito sina Bernabe, Simeon na tinatawag ding Maitim, Lucio na taga-Cirene, Manaen na kababata ni Herodes[a] na pinuno ng Galilea at Saulo. Habang sila'y nag-aayuno at sumasamba sa Panginoon, sinabi sa kanila ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo. Sila'y pinili ko para sa tanging gawaing inilaan ko sa kanila.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa dalawa ang kanilang mga kamay at sila'y pinahayo na.

Ang Pangangaral sa Cyprus

Dahil isinugo ng Espiritu Santo, sina Bernabe at Saulo ay nagpunta sa Seleucia at buhat doo'y sumakay sila sa isang barkong papunta sa Cyprus. Nang dumating sila sa Salamina, ipinahayag nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio roon. Katulong nila si Juan[b] sa kanilang gawain.

Nilibot nila ang buong pulo hanggang sa Pafos. Natagpuan nila roon ang isang salamangkerong Judio na isang huwad na propeta; Bar-Jesus ang kanyang pangalan. Kaibigan ito ni gobernador Sergio Paulo, isang lalaking matalino. Ipinatawag ng gobernador sina Bernabe at Saulo sapagkat nais niyang marinig ang salita ng Diyos. Ngunit sinalungat sila ng salamangkerong si Elimas (ito ang pangalan ni Bar-Jesus sa wikang Griego) upang hadlangan ang gobernador sa pananampalataya. Si Saulo, na tinatawag ring Pablo, na puspos ng Espiritu Santo ay tumitig kay Elimas 10 at nagsabi, “Ikaw na anak ng diyablo! Kaaway ka ng lahat ng mabuti! Punô ka ng pandaraya at kasamaan! Hindi ka ba titigil sa pagbaluktot sa matuwid na landas ng Panginoon? 11 Ngayon, paparusahan ka niya! Mabubulag ka at pansamantalang hindi ka makakakita ng liwanag.”

Noon di'y naramdaman ni Elimas na parang tinakpan ng maitim na ulap ang kanyang mga mata, at siya'y naghanap ng taong aakay sa kanya. 12 Sumampalataya ang gobernador nang makita ang nangyari, at humanga siya sa katuruan tungkol sa Panginoon.

Sa Antioquia sa Pisidia

13 Mula sa Pafos, naglayag sina Pablo hanggang sa Perga sa Pamfilia; humiwalay naman sa kanila si Juan[c] at nagbalik sa Jerusalem. 14 Mula sa Perga, nagpatuloy sila hanggang Antioquia sa Pisidia. Nang Araw ng Pamamahinga, pumasok sila sa sinagoga at naupo.

15 Matapos basahin ang ilang bahagi ng mga aklat ng Kautusan at ng mga Propeta, nagpasabi sa kanila ang mga tagapamahala ng sinagoga, “Mga kapatid, kung mayroon kayong mensaheng makapagpapalakas ng loob ng mga tao, maaari kayong magsalita.”

16 Kaya't tumayo si Pablo at sinenyasan silang tumahimik,

“Mga Israelita, at kayong lahat na may takot sa Diyos, makinig kayo! 17 Ang(A) Diyos ng ating bansang Israel ang pumili sa ating mga ninuno. Sila'y ginawa niyang isang malaking bansa habang naninirahan pa sila sa lupain ng Egipto, at sila'y inilabas niya doon sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan. 18 Sa(B) loob ng apatnapung taon, sila ay pinagtiisan[d] niya sa ilang. 19 Nilipol(C) niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan at ibinigay sa mga Israelita ang lupain bilang pamana. 20 Naganap ang lahat ng ito sa(D) loob ng halos apatnaraan at limampung taon.

“Pagkatapos, sila'y binigyan niya ng mga hukom, hanggang sa panahon ng propetang si Samuel. 21 Nang(E) humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Diyos si Saul na anak ni Cis, isang lalaking mula sa lipi ni Benjamin. Naghari si Saul sa loob ng apatnapung taon. 22 At(F) nang siya'y alisin ng Diyos, si David naman ang pinili ng Diyos upang maghari sa kanila. Sinabi ng Diyos tungkol sa kanya, ‘Si David, na anak ni Jesse, ay isang lalaking aking kinalulugdan, na handang sumunod sa lahat ng nais ko.’

23 “Sa angkan ng lalaking ito nagmula si Jesus, ang Tagapagligtas na ipinangako ng Diyos sa Israel. 24 Bago(G) siya dumating, nangaral si Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisihan at talikuran ang kanilang mga kasalanan, at magpabautismo. 25 Nang(H) matatapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Cristo. Ngunit siya'y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit magkalag man lamang ng kanyang sandalyas.’

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.