Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Job 36-37

Ipinahayag ni Elihu ang Kadakilaan ng Diyos

36 Idinagdag pa ni Elihu,
“Magtiyaga ka pa nang kaunti at makinig sa akin,
    pagkat ayon sa Diyos itong aking sasabihin.
Ibubuhos kong lahat ang aking nalalaman
    upang patunayang ang aking Diyos ay makatarungan.
Lahat ng sasabihin ko ay pawang katotohanan,
    pagkat akong kausap mo'y malawak ang kaalaman.

“Ang Diyos ay dakila at di nagtatakwil ng sinuman,
    siya ay dakila sa taglay niyang kaalaman.
Hindi niya pinatatagal ang buhay ng mga makasalanan,
    ang mga mahihirap ay binibigyan niya ng katarungan.
Ang matuwid ay kanyang iniingatan,
    ginagawang parang hari,
    at binibigyang-karangalan sa lahat ng sandali.
Kung ang tao'y nagagapos o natatanikalaan
    o kaya'y nagdurusa sa nagawang kasalanan,
    ipinamumukha ng Diyos ang kanilang kasamaan,
    at ang naghaharing hambog na isipan.
10 Sila'y kanyang sinasaway at binabalaan
    na tumalikod sa kanilang kasamaan.
11 Kung sila ay makinig at sa Diyos ay maglingkod,
    buhay na sagana at payapa, sa kanila'y idudulot.
12 Ngunit kapag sila'y di nakinig at pinairal ang kamangmangan,
    tiyak na kamatayan ang kanilang hahantungan.

13 “Poot ang naghahari sa dibdib ng masama,
    parusahan man ng Diyos, ayaw pa ring magmakaawa.
14 Sa kanilang kabataan sila ay namamatay,
    nagwakas sa kahihiyan ang kanilang mga buhay.
15 Ang tao'y pinaghihirap ng Diyos upang bigyang-aral,
    at kanyang pinagdurusa upang mabuksan ang kanilang pananaw.

16 “Inalis ka ng Diyos sa kaguluhan,
    pinagtamasa ka niya ng kapayapaan,
    at pinuno ng pagkain ang iyong tahanan.
17 Ngunit ngayon, ikaw ay pinaparusahan bilang katumbas ng iyong kasamaan.
18 Huwag mong pabayaang suhulan ka ng sinuman,
    mag-ingat upang di mailigaw ng mga kayamanan.
19 Dumaing ka man nang dumaing ay wala nang mangyayari,
    ang taglay mong lakas ngayon ay wala na ring silbi.
20 Huwag mong naising ang gabi'y dumating na,
    ang oras na ang mga bansa ay mawawala na.
21 Huwag mong isipin ang magpakasama,
    ito ang dahilan kaya ika'y nagdurusa.

22 “Alalahanin mong ang Diyos ay makapangyarihan,
    pinakadakilang guro sa lahat ng bagay.
23 Walang makakapagsabi sa Diyos ng dapat niyang gampanan,
    at walang kasamaang maaaring ibintang.
24 Lahat ay nagpupuri sa kanya dahil sa kanyang ginagawa,
    kaya ikaw man ay magpuri rin at sa kanya'y dumakila.
25 Ang mga gawa niya, lahat ay namasdan,
    ngunit hindi ito lubos na maunawaan.
26 Di masusukat ng tao ang kanyang kadakilaan,
    at ang kanyang mga taon ay hindi rin mabibilang.

27 “Ang tubig sa lupa'y itinataas ng Diyos,
    upang gawing ulan at sa daigdig ay ibuhos.
28 Ang mga ulap ay ginagawa niyang ulan,
    at masaganang ibinubuhos sa sangkatauhan.
29 Sa galaw ng mga ulap ay walang nakakaalam,
    at kung paano kumukulog sa kalangitan.
30 Pinagliliwanag niya ang kalawakan sa pagguhit ng kidlat,
    ngunit nananatiling madilim ang kailaliman ng dagat.
31 Pinapamahalaan niya ang tao sa ganitong paraan,
    at masaganang pagkain, tayo'y hindi pinagkaitan.
32 Ang kidlat ay kanyang hinahawakan,
    at pinababagsak sa nais niyang matamaan.
33 Ipinapahayag ng kidlat ang kanyang kalooban,
    at ang kanyang galit laban sa kasamaan.

37 Kinakabahan ako kapag bumabagyo,
    at hindi ko malaman ang gagawin ko.
Pakinggan ninyo ang tinig ng Diyos
    mula sa bibig niya'y nanggagaling ang kulog.
Ang kidlat ay kanyang pinaguguhit sa kalangitan,
    mula sa isang panig ng daigdig hanggang sa kasuluk-sulukan.
Tinig niya'y umuugong, parang dagundong ng kulog,
    ang pagguhit ng kidlat ay hindi malagut-lagot.
Sa isang salita niya'y may nangyayaring kababalaghan,
    kahanga-hangang bagay na di natin mauunawaan.
Pinauulan niya ng yelo sa ibabaw ng daigdig,
    ibinubuhos niya sa lupa ang ulang walang patid.
Pinahihinto niya ang tao sa kanilang gawain,
    upang malaman nila kung ano'ng kaya niyang gawin.
Ang maiilap na hayop ay nasa kanilang mga taguan.
Ang malalakas na hangi'y sa timog nagmumula,
    at ang malamig na simoy ay galing sa hilaga.
10 Sa hininga ng Diyos nabubuo itong tubig,
    nagiging yelong matigas at napakalamig.
11 Pinabibigat niya itong mga ulap, mula rito'y pinaguguhit ang mga kidlat.
12     Ito'y bilang pagsunod sa utos ng ating Diyos,
sumusunod kahit saang panig nitong sansinukob.
13 Ang ulang ibinubuhos ng dakilang Diyos,
    maaaring parusa o kagandahang-loob.

14 “Tumigil ka sandali, Job, at iyong isipin,
    ang mga gawa ng Diyos na walang kahambing.
15 Alam mo ba kung paano niya inuutusan,
    na maglabasan ang kidlat sa kalangitan?
16 Alam mo ba kung bakit ang ulap ay lumulutang?
    Iyan ay gawa ng makapangyarihan niyang kamay. Tunay at ganap ang kanyang kaalaman.
17 Hindi mo nga alam! Sapagkat nadarama mo lamang ang matinding init,
    kapag ang hanging habagat ay umiihip.
18 Tulad ng ginawa niya, ang langit ba'y iyong mailalatag
    na parang metal na makinis at matigas?
19 Ituro mo sa amin ang dapat sabihin sa Diyos,
    isip nami'y walang laman, pang-unawa'y kapos.
20 Ang makipag-usap sa Diyos ay di ko na hahangarin,
    bakit bibigyan ko siya ng pagkakataong ako ay puksain?

21 “Ngayon ang langit ay nalinis na ng hangin,
    at nakakasilaw ang kanyang luningning.
22 May malagintong kaningningan sa gawing hilaga,
    iyon ay kaluwalhatian ng Diyos na dakila.
23 Ang Diyos ay tunay na makapangyarihan, kaya walang makalapit sa kanyang kinalalagyan.
    Siya ay tapat at makatarungan sa pakikitungo sa sangkatauhan.
24 Di kataka-takang siya'y iginagalang ng lahat,
    at di niya pinapansin ang mga nagkukunwaring mauutak.”

Mga Gawa 15:22-41

Ang Sulat sa mga Hentil na Sumasampalataya

22 Kaya't minabuti ng mga apostol, ng matatandang pinuno ng iglesya, at ng buong iglesya na pumili ng ilan sa kanila upang suguin sa Antioquia, kasama nina Pablo at Bernabe. Ang mga napili nila ay si Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas, na mga lalaking iginagalang ng mga kapatid. 23 Ipinadala nila sa kanila ang sulat na ganito ang nilalaman:

“Kaming mga apostol at ang matatandang pinuno ng iglesya, inyong mga kapatid, ay bumabati sa mga kapatid naming Hentil na nasa Antioquia, sa Siria at sa Cilicia. 24 Nabalitaan naming ginugulo kayo ng ilang kasamahan naming galing dito, kahit na hindi namin sila inutusan. At binabagabag nila kayo sa pamamagitan ng kanilang itinuturo, 25 kaya't napagkaisahan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating minamahal na sina Bernabe at Pablo, 26 mga taong hindi nag-atubiling itaya ang kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 27 Isinugo namin sa inyo sina Judas at Silas upang ipaliwanag ang sinasabi sa sulat na ito. 28 Sapagkat minabuti namin at ng Espiritu Santo na huwag na kayong atangan ng iba pang pasanin maliban sa mga bagay na ito na talagang kailangan: 29 huwag kayong kakain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag kayong makikiapid. Layuan ninyo ang mga iyan para sa ikabubuti ninyo. Paalam.”

30 At pinalakad nila ang mga sugo. Pagdating sa Antioquia, tinipon ng mga ito ang mga kapatid at ibinigay ang sulat. 31 Pagkabasa sa sulat, nagalak ang lahat dahil sa mensaheng nagpalakas ng kanilang loob. 32 Sina Judas at Silas, na mga propeta rin, ay maraming itinuro sa mga kapatid na nakapagpasigla at nakapagpatibay ng kanilang pananampalataya. 33 Ang dalawa'y tumigil doon nang kaunting panahon. Pagkatapos, sila'y pinabalik na taglay ang pagbati ng mga kapatid para sa mga nagsugo sa kanila. [34 Ngunit minabuti ni Silas ang manatili doon.][a]

35 Subalit nanatili sina Pablo at Bernabe sa Antioquia, at kasama ng marami pang iba ay nagturo at nangaral ng salita ng Panginoon.

Ang Paghihiwalay nina Pablo at Bernabe

36 Makalipas ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa mga bayan kung saan tayo nangaral ng salita ng Panginoon at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila.” 37 Nais ni Bernabe na isama si Juan na tinatawag ding Marcos. 38 Ngunit(A) ayaw ni Pablo, sapagkat hindi ito nagpatuloy na sumama sa kanilang gawain, sa halip, ito'y humiwalay sa kanila sa Pamfilia. 39 Nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo kaya't naghiwalay sila. Isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag sila papuntang Cyprus. 40 Isinama naman ni Pablo si Silas at sila'y umalis, matapos silang ipagkatiwala ng mga kapatid sa pag-iingat ng Panginoon. 41 Naglakbay sila sa Siria at Cilicia at pinatatag ang mga iglesya roon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.