Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
1 Mga Hari 1-2

Si David nang Matanda na

Matandang-matanda na noon si Haring David. Kahit kumutan ng makapal ay giniginaw pa rin siya. Kaya't sinabi ng kanyang mga lingkod, “Kung ipapahintulot po ninyo, Kamahalan, ihahanap namin kayo ng isang dalaga na dito titira at mag-aalaga sa inyo. Matutulog siya sa tabi ninyo upang mabigyan kayo ng init.” At naghanap nga sila sa buong Israel ng isang magandang dalaga, at natagpuan nila si Abisag na taga-Sunem. Siya'y kanilang dinala sa hari. Tumira siya sa piling ng hari at inalagaan ito. Bagama't siya'y napakaganda, hindi siya ginalaw ng hari.

Binalak ni Adonias na Maging Hari

Samantala,(A) ipinamamalita ni Adonias na anak ni Haguit na siya ang susunod na hari. May inihanda na siyang mga karwahe, mga mangangabayo at limampung alalay na kawal. Ni minsa'y hindi siya pinagsabihan o sinaway ng hari sa mga ginagawa niya. Si Adonias ay nakababatang kapatid ni Absalom, at napakakisig ding tulad nito. Kinausap na niya si Joab na anak ni Zeruias at ang paring si Abiatar, at sumang-ayon ang mga ito na siya'y tutulungan. Ngunit hindi pumanig sa kanya ang paring si Zadok at ang propetang si Natan, pati si Benaias na anak ni Joiada, gayundin sina Simei at Rei at ang magigiting na bantay ni David.

Naghandog si Adonias ng maraming tupa, baka at pinatabang toro sa Bato ng Zohelete na malapit sa En-rogel. Inanyayahan niya roon ang kanyang mga kapatid, ang mga anak ng hari, at ang mga opisyal ng hari mula sa lipi ni Juda. 10 Ngunit hindi niya inanyayahan ang propetang si Natan, si Benaias at ang mga bantay ng hari at ang kapatid niyang si Solomon.

11 Kaya(B) kinausap ni Natan si Batsheba na ina ni Solomon. Sabi niya, “Hindi ba ninyo alam na ipinahayag na ni Adonias na siya na ang hari at ito ay lingid sa kaalaman ni Haring David? 12 Kung gusto ninyong iligtas ang sarili ninyong buhay at pati ang buhay ng inyong anak na si Solomon, ito ang maipapayo ko: 13 pumunta agad kayo sa hari at sabihin sa kanya, “Hindi ba't ipinangako ninyo sa akin na si Solomon ang maghahari na kahalili ninyo? Bakit si Adonias ngayon ang naging hari? 14 At samantalang kausap ninyo ang hari, papasok ako at patutunayan ko ang inyong sinabi.”

15 Pumunta nga si Batsheba sa silid ng hari. Ang hari noon ay matandang-matanda na at si Abisag, ang dalagang taga-Sunem ang nag-aalaga sa kanya. 16 Yumuko si Batsheba at nagpatirapa sa harapan ng hari. “Anong kailangan mo?” tanong ng hari.

17 Sumagot siya, “Mahal kong hari, ipinangako po ninyo sa akin sa pangalan ng Diyos ninyong si Yahweh na ang anak kong si Solomon ang magiging hari kapalit ninyo. 18 Subalit naghahari na ngayon si Adonias nang hindi ninyo nalalaman. 19 Nagpatay po siya ng maraming baka, tupa at pinatabang toro. Inanyayahan po niya sa pagdiriwang na iyon ang mga anak ng hari, ang paring si Abiatar at si Joab, ang pinakamataas na pinuno ng inyong hukbo. Ngunit hindi niya inanyayahan ang inyong lingkod na si Solomon. 20 Kaya po, mahal na hari, hinihintay ng buong bayang Israel na sabihin ninyo kung sino talaga ang hahalili sa inyo bilang hari. 21 At kung hindi, pagkamatay po ninyo'y manganganib ang buhay ko at ng anak kong si Solomon.”

22 Samantalang magkausap ang hari at si Batsheba, dumating naman ang propetang si Natan. 23 May nagsabi sa hari na ito'y naghihintay, kaya't ito'y kanyang ipinatawag.

Lumapit ang propeta, nagpatirapa sa harapan ng hari, 24 at ang sabi, “Mahal na hari, ipinahayag na po ba ninyo na si Adonias ang papalit sa inyo? 25 Ngayon po'y nasa labas siya ng lunsod at nagpapatay ng maraming baka, tupa at pinatabang toro. Inanyayahan po niya ang mga anak ng hari, si Joab na pinakamataas na pinuno ng hukbo at ang paring si Abiatar. Naroon po sila't nagkakainan at nag-iinuman, at ang isinisigaw ay ‘Mabuhay si Haring Adonias!’ 26 Ngunit ako pong inyong lingkod, at ang paring si Zadok, si Benaias na anak ni Joiada, at ang anak ninyong si Solomon ay hindi niya inanyayahan. 27 Ito po ba'y utos ng mahal na hari? Bakit po walang nagsabi sa inyong lingkod kung sino ang susunod sa inyo bilang hari?”

28 Kaya't nagsalita si Haring David, “Tawagin ninyo si Batsheba.” Paglapit ni Batsheba 29 ay sinabi ng hari, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos ng Israel[a] na nagligtas sa akin sa lahat kong mga kaaway! 30 Nanumpa ako noon sa pangalan niya, na ang anak mong si Solomon ang siyang hahalili sa akin. Tutuparin ko ngayon ang aking pangako.”

31 Nagpatirapa si Batsheba sa harapan ng hari bilang paggalang. “Mabuhay ang Haring David magpakailanman,” sabi niya.

32 Pagkatapos, sinabi ni Haring David: “Tawagin ninyo ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaias.” Kaya't humarap sa hari ang mga tinawag. 33 Sila naman ang inutusan ng hari, “Isama ninyo ang aking mga opisyal, pasakayin ninyo ang anak kong si Solomon sa aking sariling mola at samahan ninyo siya patungo sa Gihon. 34 Bubuhusan siya roon ng langis bilang hari ng Israel ng paring si Zadok at ng propetang si Natan. Pagkatapos ay hipan ninyo ang trumpeta at isigaw ninyo, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’ 35 Sundan ninyo siya pabalik dito at paupuin sa aking trono, sapagkat siya ang papalit sa akin bilang hari. Siya ang aking pinili na magiging hari sa Israel at sa Juda.”

36 Sumagot si Benaias, “Matutupad po! At pagtibayin nawa ito ni Yahweh, ang Diyos ng mahal na hari. 37 At kung paanong pinagpala ni Yahweh ang mahal kong hari, nawa'y pagpalain din niya si Solomon. Nawa'y maging mas dakila ang kanyang paghahari kaysa paghahari ng mahal kong haring si David.”

38 Lumakad nga ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaias at ang mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay nila si Solomon sa mola ni Haring David at sinamahan siya patungong Gihon. 39 Kinuha ng paring si Zadok sa tolda ang sungay na lalagyan ng langis, at binuhusan ng langis si Solomon bilang hari. Hinipan nila ang trumpeta at nagsigawan ang lahat, “Mabuhay si Haring Solomon!” 40 Inihatid siya ng mga tao pabalik sa lunsod. Habang daa'y nagsisigawan sila sa tuwa at nagtutugtugan ng mga plauta, at halos mayanig ang lupa sa lakas ng ingay.

41 Tapos nang kumain noon ang mga panauhin ni Adonias, at ang ingay ay narinig nilang lahat. Narinig din ni Joab ang tunog ng trumpeta, kaya naitanong niya, “Ano iyon? Bakit maingay sa lunsod?” 42 Nagsasalita pa siya nang dumating si Jonatan, anak ng paring si Abiatar. “Halika rito,” tawag ni Adonias. “Narito ang isang mabuting tao at tiyak na mabuti rin ang dala niyang balita.”

43 Sumagot si Jonatan, “Hindi po! Ipinahayag na po ni Haring David na si Solomon na ang hari. 44 Pinasama ng hari kay Solomon ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaias na anak ni Joiada at ang mga Kereteo at Peleteo at pinasakay nila ito sa mola ng hari. 45 Binuhusan na siya ng langis bilang hari ng paring si Zadok at ng propetang si Natan sa Gihon. Siya ay inihatid nila sa lunsod at nagsisigawan sa tuwa ang mga tao. Iyon po ang ingay na naririnig ninyo. 46 At ngayon po, nakaupo na si Solomon sa trono. 47 Pati ang matataas na opisyal ng hari ay pumunta na po kay Haring David at siya'y binati. Sabi po nila, ‘Loobin nawa ng inyong Diyos na ang pangalan ni Solomon ay maging higit na dakila kaysa inyong pangalan. At ang paghahari niya'y maging higit na dakila kaysa inyong paghahari.’ Yumuko ang hari sa kanyang pagkakahiga, 48 at ganito ang sinabi: ‘Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel, sapagkat minarapat niyang makita ko sa araw na ito ang isa sa aking mga anak na nakaupo sa aking trono.’”

49 Nang marinig ito, natakot ang lahat ng panauhin ni Adonias at nagkanya-kanyang takas. 50 Natakot din si Adonias kay Solomon, kaya't tumakbo siya sa altar ng Toldang Tipanan at kumapit sa mga sungay nito.

51 May nagsabi kay Solomon, “Takot na takot po sa inyong Kamahalan si Adonias. Nakakapit siya sa mga sungay ng altar at ipinapasabi na hindi siya aalis doon kung hindi muna kayo mangangako na hindi ninyo siya papatayin.”

Sumagot si Solomon, 52 “Kung mapapatunayan niyang siya'y tapat, hindi siya mamamatay, wala ni isang hibla ng kanyang buhok ang malalaglag sa lupa. Ngunit kung hindi, siya'y mamamatay.” 53 Kaya't pinapuntahan siya ni Haring Solomon at ipinakuha sa altar. Paglapit ni Adonias, nagpatirapa ito sa harapan ni Haring Solomon. Sinabi naman sa kanya ni Solomon, “Umuwi ka na sa inyo.”

Mga Huling Habilin ni Haring David

Nang malapit nang mamatay si David, pinagbilinan niya si Solomon ng ganito: “Malapit na akong mamatay. Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Tuparin mo ang iyong tungkulin kay Yahweh na iyong Diyos, at mamuhay ka ayon sa kanyang kalooban. Sundin mo ang kanyang mga batas, utos, hatol at tuntunin ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. Sa gayon, magtatagumpay ka sa lahat mong gawain, at tutuparin ni Yahweh ang pangako niya sa akin: ‘Kapag ang iyong mga anak at susunod na salinlahi ay nanatiling tapat sa akin at sumunod sa akin nang buong puso't kaluluwa, magpapatuloy ang iyong angkan sa trono ng Israel.’

“Alam(C) mo ang ginawa sa akin ni Joab na anak ni Zeruias, nang patayin niya ang dalawang pinakamataas na pinuno ng hukbo ng Israel na si Abner at si Amasa na anak ni Jeter. Sa pagpatay niya sa dalawang ito, ipinaghiganti sa panahon ng kapayapaan ang dugong dumanak sa panahon ng digmaan. Sa gayo'y dinungisan niya ang aking pangalan bilang marangal na mandirigma. Gawin mo sa kanya ang inaakala mong dapat gawin. Huwag mong hahayaang mamatay siya nang mapayapa.

“Ipagpatuloy(D) mo ang magandang pakikitungo sa angkan ni Barzilai na taga-Gilead. Paglaanan mo sila ng upuan sa iyong hapag-kainan, sapagkat tinulungan nila ako noong ako'y tumatakas sa kapatid mong si Absalom.

“Huwag(E) mo ring kalilimutan si Simei na taga-Bahurim, ang anak ni Gera na mula sa lipi ni Benjamin. Pinagmumura niya ako noong ako'y umalis patungo sa Mahanaim. Nang masalubong ko siya sa Jordan, ipinangako ko sa pangalan ni Yahweh na hindi ko siya papatayin. Ngunit tiyakin mong siya'y mapaparusahan. Matalino kang tao at alam mo ang dapat gawin. Iparanas mo sa kanya ang lupit ng kamatayan.”

10 Namatay si Haring David at inilibing sa Lunsod ni David. 11 Apatnapung(F) taon siyang naghari: pitong taon sa Hebron at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem.

Si Solomon ay Naging Hari

12 Kaya't(G) nang maupo na si Solomon sa trono ni David bilang bagong hari, matatag na ang kanyang kaharian. 13 Samantala, nilapitan naman ni Adonias na anak ni Haguit ang ina ni Solomon na si Batsheba.

“Kapayapaan ba ang pakay mo?” tanong ni Batsheba.

“Opo! Kapayapaan po!” tugon ni Adonias, 14 at idinugtong niya, “May sasabihin po ako sa inyo!”

“Magpatuloy ka,” sagot ni Batsheba.

15 Nagsalita si Adonias, “Alam po naman ninyo, na ako sana ang naging hari; ito ang inaasahan ng bayan. Ngunit nawala sa akin ang korona at napunta sa aking kapatid, sapagkat iyon ang kagustuhan ni Yahweh. 16 Mayroon po akong hihilingin sa inyo. Huwag ninyo sanang ipagkakait sa akin!”

“Sabihin mo,” wika uli ni Batsheba.

17 At(H) nagpatuloy si Adonias, “Alam ko pong hindi siya makakatanggi sa inyo, maaari po bang hingin ninyo sa Haring Solomon na ipagkaloob sa akin na maging asawa ko si Abisag, ang dalagang taga-Sunem?”

18 “Sige! Kakausapin ko ang hari,” sagot ni Batsheba.

19 Kaya't pumunta si Batsheba kay Haring Solomon upang sabihin ang kahilingan ni Adonias. Tumayo ang hari upang siya'y salubungin, yumuko sa kanya, at saka naupo sa kanyang trono. Nagpakuha ng isa pang trono, inilagay sa kanyang kanan at doon pinaupo ang ina.

20 “Mayroon akong isang maliit na kahilingan sa iyo, anak! Huwag mo sana akong tatanggihan,” sabi ng ina.

Sumagot ang hari, “Mahal kong ina, sabihin ninyo! Alam ninyong hindi ko kayo matatanggihan!”

21 Kaya't nagpatuloy si Batsheba: “Ipahintulot mong si Abisag, ang dalagang taga-Sunem, ay maging asawa ng kapatid mong si Adonias.”

22 Sumagot si Haring Solomon sa kanyang ina, “At bakit po ninyo hiniling si Abisag para kay Adonias? Bakit hindi rin ninyo hilinging ibigay ko sa kanya ang trono, sapagkat siya'y nakatatanda kong kapatid; at ang paring si Abiatar, pati si Joab na anak ni Zeruias ay nasa kanyang panig.” 23 Nanumpa noon si Haring Solomon, “Parusahan nawa ako ni Yahweh kapag hahayaan ko pang mabuhay si Adonias dahil sa ginawa niyang ito! 24 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[b] na naglagay sa akin sa trono ng aking amang si David, at nangakong mananatiling maghahari sa Israel ang aming lahi; sa araw ding ito'y mamamatay si Adonias.”

25 Kaya't iniutos niya kay Benaias na patayin si Adonias, at ganoon nga ang nangyari.

Ang Parusa kay Abiatar

26 Tungkol(I) naman sa paring si Abiatar, siya'y pinagsabihan ng hari, “Pumunta ka sa lupain mo sa Anatot. Dapat ka sanang mamatay. Ngunit hindi kita ipapapatay sa araw na ito alang-alang sa pangangasiwa mo sa Kaban ng Tipan ng Panginoong Yahweh nang kasama ka pa ng aking amang si David, at sa pakikisama mo sa kanya sa mga hirap na kanyang dinanas.” 27 Ngunit(J) tinanggal ni Solomon si Abiatar sa pagkapari ni Yahweh. Sa gayong paraan, natupad ang sinabi ni Yahweh sa Shilo tungkol sa angkan ni Eli.

Ang Pagkamatay ni Joab

28 Ang lahat ng ito'y nabalitaan ni Joab. Sapagkat pumanig siya kay Adonias, kahit hindi siya pumanig kay Absalom, kaya't nagtago siya sa Tolda ni Yahweh at kumapit sa mga sungay ng altar. 29 Nang malaman ni Haring Solomon na nagtago si Joab sa Tolda ni Yahweh sa tabi ng altar, pinapunta roon si Benaias upang siya'y patayin.

30 Pumunta nga si Benaias sa Tolda ni Yahweh at tinawag si Joab, “Iniuutos ng hari na lumabas ka riyan.”

Ngunit sumagot si Joab; “Hindi ako lalabas dito; dito ako mamamatay.”

At sinabi ni Benaias sa hari ang sagot ni Joab. 31 Kaya't iniutos ng hari: “Gawin mo ang sinabi niya. Patayin mo siya at ilibing. Sa gayon, aalisin mo sa lahi ng aking ama ang sumpa sa pagpatay ng mga walang sala. 32 Siya na rin ang sisisihin ni Yahweh sa kanyang sariling pagkamatay, sapagkat pumatay siya ng dalawang lalaking higit na mabuti kaysa kanya, si Abner at si Amasa na anak ni Jeter. Pinatay niya sa pamamagitan ng patalim ang dalawang pinunong ito ng hukbo ng Israel nang hindi nalalaman ng ama kong si David. 33 Ang sumpa ng kanilang dugo ay dadalhin ni Joab at ng kanyang lahi magpakailanman. At patatatagin ni Yahweh si David, ang kanyang lahi at ang kanyang kaharian magpakailanman.”

34 Pinuntahan nga ni Benaias si Joab at pinatay; siya'y inilibing sa kanyang tirahang malapit sa ilang. 35 Si Benaias na anak ni Joiada ang inihalili ng hari kay Joab bilang pinakamataas na pinuno ng hukbo. At ang paring si Zadok naman ang ipinalit kay Abiatar.

Ang Pagkamatay ni Simei

36 Pagkatapos, ipinasundo ng hari si Simei at sinabi sa kanya, “Magtayo ka ng bahay sa Jerusalem, dito ka tumira, at huwag kang lalabas ng lunsod. 37 At tandaan mo ito: Kapag tumawid ka ng Batis ng Kidron, mamamatay ka; at ikaw na rin ang mananagot sa iyong pagkamatay.”

38 Sumagot si Simei, “Maaasahan po ninyo! Susundin ko po ang inyong utos.” At mahabang panahon ngang nanirahan si Simei sa Jerusalem.

39 Ngunit pagkalipas ng tatlong taon, may dalawang alipin si Simei na tumakas at pumunta kay Aquis na anak ni Maaca, hari ng Gat. At may nagsabi sa kanya na ang mga alipin niya'y nasa Gat. 40 Ipinahanda niya ang kanyang asno at pumunta kay Aquis upang kunin ang kanyang mga alipin. Nakuha nga niya sa Gat ang kanyang mga alipin at siya'y bumalik na.

41 Nabalitaan ni Solomon na si Simei ay umalis ng Jerusalem at nanggaling sa Gat. 42 Ipinatawag siya ng hari at sinabi sa kanya, “Hindi ba't pinanumpa kita sa pangalan ni Yahweh at binalaan pa kita na mamamatay ka kapag nagpunta ka ng ibang lugar? Di ba't ang sagot mo'y susunod ka? 43 Bakit hindi mo iginalang ang sumpa mo kay Yahweh at ang utos ko sa iyo?” 44 At idinagdag pa ng hari, “Alam mo ang mga kasamaang ginawa mo sa aking amang si David. Ngayon, sa iyong ulo ibinabagsak ni Yahweh ang lahat ng iyon. 45 Ngunit pagpapalain niya si Haring Solomon, at sa tulong niya'y magiging matatag ang kaharian ni David.”

46 Iniutos ng hari kay Benaias na patayin si Simei, at ganoon nga ang nangyari. Kaya't naging lubusang matatag ang paghahari ni Solomon.

Lucas 19:28-48

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)

28 Pagkasabi(B) nito, nauna si Jesus papuntang Jerusalem. 29 Nang malapit na siya sa Bethfage at Bethania, sa Bundok ng mga Olibo, isinugo niya ang dalawa sa kanyang mga alagad. 30 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Sa pagpasok doo'y matatagpuan ninyo ang isang batang asno na nakatali; hindi pa iyon nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo at dalhin dito. 31 Kapag may nagtanong kung bakit ninyo iyon kinakalagan, sabihin ninyong kailangan iyon ng Panginoon.”

32 Lumakad nga ang mga inutusan at natagpuan nila ang asno, ayon sa sinabi ni Jesus. 33 Habang kinakalagan nila ang batang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?”

34 “Kailangan po ito ng Panginoon,” tugon nila.

35 Dinala nila kay Jesus ang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya'y pinasakay nila. 36 Habang siya'y nakasakay sa asno, inilalatag naman ng mga tao ang kanilang mga balabal sa kanyang dinaraanan. 37 Nang siya'y malapit na sa lungsod, palusong na sa libis ng Bundok ng mga Olibo, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng alagad niya at malakas na nagpuri sa Diyos dahil sa mga kahanga-hangang pangyayaring kanilang nasaksihan. 38 Sinabi nila, “Pinagpala ang haring dumarating sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Papuri sa Kataas-taasan!”

39 Sinabi naman sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, patigilin ninyo ang inyong mga alagad.”

40 Sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo, kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw.”

Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem

41 Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lungsod, ito'y kanyang tinangisan. 42 Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito'y lingid ngayon sa iyong paningin. 43 Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. 44 Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng iyong mamamayan. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos.”

Si Jesus sa Templo(C)

45 Pumasok si Jesus sa Templo at sinimulang ipagtabuyan ang mga nagtitinda roon. 46 Sinabi(D) niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”

47 Araw-araw,(E) si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. 48 Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.