Old/New Testament
Ang Hamon ni Goliat
17 Nagsama-sama ang mga hukbong Filisteo sa Soco na sakop ng Juda upang lusubin ang Israel. Nagkampo sila sa Efes-Dammim na nasa pagitan ng Soco at Azeka. 2 Si Saul naman at ang mga Israelita ay nagkampo sa may libis ng Ela, at doo'y naghanda sila sa pakikipaglaban sa mga Filisteo. 3 Magkaharap ang dalawang pangkat: ang mga Filisteo'y nasa isang burol, at nasa kabila naman ang mga Israelita; isang libis ang nakapagitan sa kanila.
4 Isang pangunahing mandirigma ang lumabas mula sa kampo ng mga Filisteo. Ang pangalan niya'y Goliat, at siya'y mula sa lunsod ng Gat. Ang kanyang taas ay halos tatlong metro. Hinamon niya ang mga Israelita na makipaglaban sa kanya. 5 Tanso ang kanyang helmet, gayundin ang kanyang kasuotang pandigma na tumitimbang ng 57 kilo. 6 Tanso rin ang nakabalot sa kanyang binti at hita, pati ang tabak na nakasakbat sa kanyang balikat. 7 Ang hawakan ng sibat niya'y napakalaki at ang bakal naman na tulis nito ay tumitimbang ng dalawampung libra. Nasa unahan niya ang tagadala ng kanyang kalasag. 8 Sumigaw si Goliat sa mga Israelita, “Bakit nakahanay kayong lahat diyan para lumaban? Ako'y isang Filisteo at kayo nama'y mga alipin ni Saul. Pumili na lang kayo ng ilalaban sa akin. 9 Kapag ako'y natalo, alipinin ninyo kaming lahat; ngunit kapag siya naman ang natalo, kayo ang aalipinin namin. 10 Hinahamon ko ngayon ang hukbo ng Israel. Pumili kayo ng ilalaban ninyo sa akin!” 11 Nang marinig ito ni Saul at ng mga Israelita, nanghina ang kanilang loob at sila'y natakot.
Si David sa Kampo ni Saul
12 Si David ay anak ni Jesse na isang Efratita mula sa Bethlehem, Juda. Nang panahong iyon, si Jesse ay mahina na dahil sa katandaan. Walo ang anak niyang lalaki; si David ang pinakabata. 13 Sina Eliab, Abinadab at Samma, ang tatlong pinakamatatanda niyang anak ay kasama ni Saul sa labanan. 14 Habang sila'y kasama ni Saul, ang bunso namang si David 15 ay pabalik-balik kay Saul at sa Bethlehem para alagaan ang mga tupa ng kanyang ama.
16 Sa loob ng apatnapung araw, umaga't hapong hinahamon ni Goliat ang mga Israelita.
17 Isang araw, inutusan ni Jesse si David, “Anak, dalhin mo agad itong limang salop ng sinangag na trigo at sampung tinapay sa iyong mga kapatid na nasa kampo. 18 Ibigay mo naman ang sampung hiwang kesong ito sa pinuno nila. Tingnan mo na rin ang kalagayan nila at ibalita mo sa akin. Mag-uwi ka ng kahit anong bagay na makapagpapatunay na galing ka nga roon.” 19 Ang tatlong anak ni Jesse ay kasama nga ni Saul at ng mga Israelita sa libis ng Ela at nakikipaglaban sa mga Filisteo.
20 Kinabukasan, maagang bumangon si David. Ipinagbilin niya sa iba ang mga tupang inaalagaan at nagpunta sa lugar ng labanan, dala ang pagkaing ipinabibigay ng kanyang ama. Nang dumating siya sa kampo, palusob na ang buong hukbo at isinisigaw ang kanilang sigaw pandigma. 21 Nagharap na ang mga pangkat ng Israelita at ng mga Filisteo. 22 Iniwan ni David sa tagapag-ingat ng kagamitan ang kanyang dala at tumuloy siya sa lugar ng labanan upang kumustahin ang kanyang mga kapatid. 23 Samantalang sila'y nag-uusap, tumayo na naman si Goliat sa unahan ng mga Filisteo at muling hinamon ang mga Israelita. Narinig ito ni David. 24 Nang makita si Goliat, ang mga Israelita ay nagtakbuhan dahil sa matinding takot. 25 Sinabi nila, “Tingnan ninyo siya! Pakinggan ninyo ang kanyang hamon sa Israel! Sinumang makapatay sa kanya ay gagantimpalaan ng hari: bibigyan ng kayamanan, ipakakasal sa prinsesa, at ang buong sambahayan ng kanyang ama ay hindi na pagbabayarin pa ng buwis.”
26 Tinanong ni David sa mga katabi niya, “Ano raw ang gantimpala sa sinumang makakapatay sa Filisteong iyan at sa makakapag-alis ng kahihiyan sa Israel? At sino ba ang paganong ito na humahamon sa hukbo ng Diyos na buháy?”
27 “Tulad ng narinig mo, ganoon ang gagawin ng hari sa makakapatay sa Filisteong iyan,” sagot ng mga kausap niya.
28 Narinig ni Eliab, ang panganay na kapatid ni David ang pakikipag-usap niya sa mga kawal. Nagalit ito kay David at sinabi, “Anong ginagawa mo rito? At kanino mo iniwan ang iilang tupa na pinapaalagaan sa iyo? Alam ko kung anong nasa isip mo! Gusto mo lang manood ng labanan.”
29 Sumagot si David, “Bakit, ano ba ang ginawa ko? Masama bang magtanong?” 30 Tinalikuran niya si Eliab at nagtanong sa iba, ngunit ganoon din ang sagot sa kanya.
31 Nakarating kay Saul ang mga sinabi ni David at ipinatawag niya ito. 32 Pagdating kay Saul, sinabi ni David, “Hindi po tayo dapat masiraan ng loob dahil lang sa Filisteong iyon. Ako po ang lalaban sa kanya.”
33 Sinabi ni Saul, “Hindi mo kaya ang Filisteong iyon! Batambata ka pa, samantalang siya'y isang mahusay na mandirigma mula pa sa kanyang kabataan.”
34 Ngunit sinabi ni David kay Saul, “Ako po ang nag-aalaga sa kawan ng aking ama. Kapag ang isa sa mga tupang inaalagaan ko ay tinatangay ng leon o oso, 35 hinahabol ko po ito at inaagaw ang tupa. Kapag hinarap ako ng leon o ng oso, hinahawakan ko ito sa panga at pinapatay. 36 Nakapatay na po ako ng mga leon at mga oso. Isasama ko po sa mga ito ang Filisteong iyon sapagkat ang nilalait niya'y ang hukbo ng Diyos na buháy.” 37 Idinugtong pa ni David, “Iniligtas ako ni Yahweh mula sa mga mababangis na leon at mga oso. Ililigtas din niya ako sa kamay ng Filisteong iyon.”
Kaya't sinabi ni Saul, “Kung gayon, labanan mo siya at samahan ka nawa ni Yahweh.” 38 At ipinasuot niya kay David ang kanyang kasuotang pandigma: ang helmet at ang tansong pambalot sa katawan. 39 Nang maisakbat na ni David ang tabak ni Saul at sinubukang lumakad, hindi siya halos makahakbang sapagkat hindi siya sanay sa ganoong kasuotan. Kaya sinabi niya kay Saul, “Hindi ko na po gagamitin ang mga ito.” At hinubad niya ang nasabing kasuotang pandigma. 40 Pagkatapos, dinampot niya ang kanyang tungkod. Namulot siya ng limang makikinis na bato sa sapa, inilagay sa kanyang supot na pampastol at lumakad upang harapin si Goliat.
Natalo ni David si Goliat
41 Si Goliat naman ay lumakad ding papalapit kay David, sa hulihan ng tagadala ng kanyang panangga. 42 Nang makita niyang si David ay isa lamang kabataang may maamong hitsura, nilait niya ito, at 43 pakutyang tinanong, “Anong akala mo sa akin? Aso ba ang lalabanan mo at may dala kang patpat?” At si David ay sinumpa ng Filisteo sa pangalan ng kanyang diyos. 44 Sinabi pa niya, “Halika nga rito at nang maipakain ko ang bangkay mo sa mga ibon at mga hayop.”
45 Sumagot si David, “Ang dala mo'y tabak, sibat at pantusok, ngunit lalabanan kita sa pangalan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel na iyong hinahamak. 46 Ngayong araw na ito'y ibibigay ka ni Yahweh sa aking mga kamay! Pababagsakin kita at pupugutin ko ang ulo mo. At ipapakain ko sa mga ibon at sa mga mababangis na hayop ang mga bangkay ng mga kawal ng hukbong Filisteo. Sa gayon, malalaman ng buong daigdig na may Diyos sa Israel. 47 At makikita ng lahat ng narito na makakapagligtas si Yahweh kahit walang tabak at sibat. Kay Yahweh ang labanang ito at ibinigay na niya kayo sa aming mga kamay.”
48 Nagpatuloy ng paglapit si Goliat. Patakbo siyang sinalubong ni David sa lugar ng labanan. 49 Dumukot siya ng bato sa kanyang supot at tinirador niya si Goliat. Tinamaan ito sa noo at bumaon ang bato roon. Si Goliat ay pasubsob na bumagsak sa lupa. 50 Natalo(A) nga ni David si Goliat sa pamamagitan ng tirador at bato. Napatay niya ito kahit wala siyang tabak. 51 Patakbong(B) lumapit si David, tumayo sa likod ni Goliat, hinugot ang tabak ni Goliat mula sa suksukan nito, at pinugutan ng ulo.
Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang kanilang pangunahing mandirigma, sila'y nagtakbuhan. 52 Sumigaw ang mga kawal ng Israel at Juda at hinabol nila ang mga Filisteo hanggang sa Gat, sa may pagpasok ng Ekron. Naghambalang sa daan ang bangkay ng mga Filisteo, mula sa Saaraim hanggang sa Gat at Ekron. 53 At nang magbalik ang mga Israelita buhat sa paghabol sa mga Filisteo, hinalughog nila ang kampo ng mga ito at kinuha ang lahat ng kanilang magustuhan. 54 Dinala ni David sa Jerusalem ang ulo ni Goliat, ngunit iniuwi niya sa kanyang tolda ang mga sandata nito.
Iniharap si David kay Saul
55 Nakita ni Saul nang sinusugod ni David si Goliat. Itinanong niya sa pinuno ng kanyang hukbo, “Abner, kaninong anak ang batang iyon?”
“Hindi ko po alam, Kamahalan,” sagot ni Abner.
56 “Kung gayo'y ipagtanong mo kung sino ang kanyang ama,” utos ng hari.
57 Nang magbalik si David, sinalubong siya ni Abner at sinamahan sa hari, dala pa rin ang ulo ni Goliat. 58 At tinanong siya ni Saul, “Kanino kang anak, binata?”
Sumagot si David, “Anak po ako ni Jesse na taga-Bethlehem.”
Si David at si Jonatan
18 Matapos mag-usap sina Saul at David, ang kalooban ni Jonatan na anak ni Saul ay napalapit kay David. Napamahal si David kay Jonatan tulad ng pagmamahal nito sa kanyang sarili. 2 Mula noon, hindi na pinauwi ni Saul si David. 3 Dahil sa pagmamahal ni Jonatan kay David, isinumpa niya na sila'y magiging magkaibigan habang buhay. 4 Ibinigay niya kay David ang kanyang balabal at kagamitang pandigma, pati ang kanyang tabak, pana at sinturon. 5 Nagtatagumpay si David kahit saang labanan siya ipadala ni Saul, kaya siya'y ginawa nitong pinuno ng mga kawal. Ang pagkataas niya sa tungkulin ay ikinagalak ng buong Israel, mula sa pangkaraniwang mamamayan hanggang sa mga opisyal sa palasyo.
Nainggit si Saul kay David
6 Matapos mapatay ni David si Goliat, nagbalik na si Haring Saul at ang kanyang mga tauhan. Sa bawat bayang madaanan nila, sinasalubong sila ng mga kababaihang umaawit at sumasayaw sa saliw ng mga tamburin at alpa. 7 Ganito(C) ang kanilang awit:
“Pumatay si Saul ng libu-libo,
si David nama'y sampu-sampung libo.”
8 Hindi nagustuhan ni Saul ang sinasabi sa awit. Labis niya itong ikinagalit at sinabi niya, “Kung sinasabi nilang sampu-sampung libo ang pinatay ni David at ako'y libu-libo lang, kulang na lamang na siya'y kilalanin nilang hari.” 9 At mula noon ay naging masama ang kanyang pagtingin kay David.
10 Kinabukasan, si Saul ay muling ginambala ng masamang espiritu at naging parang baliw. Kaya, tinugtog ni David ang kanyang alpa, tulad ng ginagawa niya araw-araw. Hawak noon ni Saul ang kanyang sibat at 11 dalawang beses niyang sinibat si David sapagkat gusto niya itong patayin, ngunit parehong nailagan iyon ni David.
12 Si Saul ay natakot kay David sapagkat si David na ang pinapatnubayan ni Yahweh at hindi na siya. 13 Kaya, para mapalayo ito sa kanya, ginawa niya itong pinuno ng sanlibong kawal. Pinangunahan ni David ang kanyang mga tauhan 14 at anuman ang kanyang gawin ay nagtatagumpay siya sapagkat pinapatnubayan siya ni Yahweh. 15 Dahil dito, lalong natakot sa kanya si Saul. 16 Sa kabilang dako, si David ay lalong napamahal sa buong Israel at Juda dahil sa kanyang matagumpay na pamumuno.
Napangasawa ni David ang Anak ni Saul
17 Minsa'y sinabi ni Saul kay David, “Ipakakasal ko sa iyo ang anak kong si Merab kung maglilingkod ka sa akin nang tapat at buong giting mong ipagtatanggol ang bayan ng Diyos.” Ngunit ang talagang nais niya ay mapatay ng mga Filisteo si David upang mawala na ito sa kanyang landas.
18 Sumagot si David, “Sino ang aking mga magulang at sino ako upang maging manugang ng hari?” 19 Ngunit nang dumating ang araw na dapat tuparin ni Saul ang pangako niya kay David, ipinakasal niya si Merab kay Adriel na taga-Meholat.
20 Si Saul ay may isa pang anak na babae, si Mical. Umiibig siya kay David at natuwa si Saul nang malaman ito. 21 Sa loob-loob niya, “Si Mical ang gagamitin ko upang maipapatay ko si David sa mga Filisteo.” Kaya't muli niyang sinabi kay David, “Ngayo'y talagang magiging manugang na kita.” 22 Kinausap pa ni Saul ang kanyang mga tauhan sa palasyo upang hikayatin si David. Ipinasabi niya, “Gustung-gusto ka ng hari, pati ng kanyang mga tauhan, kaya pumayag ka nang maging manugang niya.”
23 Nang marinig ito ni David, sumagot siya, “Maaari ba akong maging manugang ng hari gayong ako'y mahirap lamang at walang maipagmamalaki?”
24 Sinabi nila kay Saul ang sagot ni David. 25 Ipinasabi naman uli ni Saul, “Sabihin ninyo na wala akong hihinging dote kundi sandaang balat na pinagtulian ng mga Filisteo bilang paghihiganti sa kaaway.” Iniisip ni Saul na ito na ang pagkakataong mapatay ng mga Filisteo si David. 26 Nang marinig niya ito, natuwa siya sapagkat kung magawâ niya ito ay maaari na siyang maging manugang ng hari. At bago dumating ang takdang araw, 27 nilusob niya at ng kanyang mga tauhan ang mga Filisteo at nakapatay sila ng dalawandaan. Ang mga balat na pinagtulian ng mga ito'y dinala niya sa hari. Dahil dito, ipinakasal sa kanya si Mical.
28 Lalong naniwala si Saul na si David ay pinapatnubayan ni Yahweh at nakita niya kung gaano ito kamahal ng anak niyang si Mical. 29 Kaya't lalong natakot si Saul kay David. Mula noon, itinuring na niya itong kaaway.
30 Si David ay nagtatagumpay tuwing makikipaglaban sa mga Filisteo. At sa lahat ng tauhan ni Saul, siya ang nagkamit ng pinakamaraming tagumpay. Kaya, lalo siyang napatanyag.
Katuruan tungkol sa Pananalangin(A)
11 Minsan, nanalangin si Jesus sa isang lugar. Nang siya'y matapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, tulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” 2 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo'y mananalangin, sabihin ninyo,
‘Ama, sambahin nawa ang iyong pangalan.
Dumating nawa ang iyong kaharian.
3 Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw.[a]
4 At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat pinapatawad namin ang bawat nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming hayaang matukso.’”
5 Sinabi pa rin niya sa kanila, “Ipalagay nating isang hatinggabi, isa sa inyo'y nagpunta sa isa ninyong kaibigan at nakiusap, ‘Kaibigan, pahiram muna ng tatlong tinapay. 6 Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ 7 At ganito naman ang sagot ng kaibigan mong nasa loob ng bahay, ‘Huwag mo akong gambalain! Sarado na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makakabangon para bigyan ka ng kahit ano.’ 8 Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagiging magkaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. 9 Kaya't sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 10 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. 11 Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung ito'y humihingi ng isda? 12 Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya'y humihingi ng itlog? 13 Kayo ngang masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak. Lalo na ang inyong Ama na nasa langit, na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!”[b]
Si Jesus at si Beelzebul(B)
14 Minsan, pinalayas ni Jesus ang isang demonyo mula sa isang lalaking pipi. Nang nakapagsalita ito, ang mga tao ay humanga kay Jesus. 15 Subalit(C) sinabi naman ng ilan sa mga naroon, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.”
16 May(D) mga nagnanais na siya'y subukin kaya't patuloy na humihiling na magpakita siya ng isang himala mula sa langit. 17 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Ang bawat kahariang naglalaban-laban ang mga mamamayan ay babagsak, at alinmang sambahayang sila-sila ang naglalaban ay mawawasak. 18 Kung kinakalaban ni Satanas ang kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul. 19 Kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Sila na rin ang magpapatunay na mali kayo. 20 Nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Diyos, at ito'y nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 “Kapag ang isang taong malakas ay nagbabantay sa kanyang bahay na dala ang kanyang mga sandata, ligtas ang kanyang mga ari-arian. 22 Ngunit kung salakayin siya ng isang taong higit na malakas kaysa kanya, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi nito ang mga inagaw na ari-arian.
23 “Ang(E) hindi ko kakampi ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nag-iipon ay nagkakalat.”
Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(F)
24 “Kapag lumabas sa tao ang isang masamang espiritu, nagpapagala-gala ito sa mga tigang na lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan. Kapag wala siyang makita, sasabihin niya sa sarili, ‘Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.’ 25 Sa pagbabalik niya ay madadatnan niyang malinis at maayos ang bahay. 26 Kaya't lalabas siyang muli at magsasama ng pito pang espiritung mas masasama kaysa kanya. Papasok sila at maninirahan doon, kaya't mas masama pa kaysa dati ang kalagayan ng taong iyon.”
Ang Tunay na Pinagpala
27 Habang nagsasalita si Jesus, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan, “Pinagpala ang babaing nagbuntis at nag-alaga sa iyo.”
28 Ngunit sumagot siya, “Higit na pinagpala ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”
by