Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
1 Samuel 7-9

Kinuha(A) ng mga taga-Lunsod ng Jearim ang Kaban ng Tipan ni Yahweh at dinala sa bahay ni Abinadab na nasa isang burol. At si Eleazar na anak ni Abinadab ang inatasan nilang tagapag-ingat ng Kaban.

Ang Pamamahala ni Samuel sa Israel

Pagkalipas ng dalawampung taon mula nang dalhin sa Lunsod ng Jearim ang Kaban, nalungkot ang buong Israel at humingi ng tulong kay Yahweh.

Sinabi sa kanila ni Samuel, “Kung talagang buong pusong nanunumbalik na kayo kay Yahweh, alisin ninyong lahat ang mga diyus-diyosan at ang imahen ni Astarte. Italaga ninyo kay Yahweh ang inyong sarili at siya lamang ang inyong paglingkuran. Kapag ginawa ninyo ito, ililigtas niya kayo sa kapangyarihan ng mga Filisteo.” Kaya, itinapon ng mga Israelita ang kanilang mga imahen nina Baal at Astarte, at si Yahweh na lamang ang kanilang sinamba.

Sinabi pa ni Samuel, “Tipunin ninyo sa Mizpa ang buong Israel at doo'y ipapanalangin ko kayo kay Yahweh.”

Nang matipon sila sa Mizpa, kumuha sila ng tubig at ibinuhos sa harapan ni Yahweh bilang handog. Maghapon silang nag-ayuno at nanangis ng ganito: “Nagkasala kami kay Yahweh.” Doon sa Mizpa ay nanungkulan si Samuel bilang hukom sa sambayanang Israel.

Nabalitaan ng mga Filisteo ang pagkakatipon ng mga Israelita, kaya't humanda sila upang digmain ang Israel. Natakot ang mga Israelita nang mabalitaan nilang sasalakayin sila ng mga Filisteo. Sinabi nila kay Samuel, “Huwag kang titigil sa pagtawag kay Yahweh upang iligtas kami sa mga Filisteo.” Nagpatay(B) si Samuel ng isang pasusuhing tupa at sinunog niya ito nang buo bilang handog kay Yahweh. Nanalangin siya na tulungan ang Israel, at dininig naman ni Yahweh ang kanyang panalangin. 10 Samantalang naghahandog si Samuel, palapit naman nang palapit ang mga Filisteo. Ngunit ginulo sila ni Yahweh sa pamamagitan ng malalakas na kulog at nagapi sila ng mga Israelita. 11 Mula sa Mizpa, hinabol ng mga Israelita ang mga Filisteo hanggang sa Beth-car, at pinapatay nila ang bawat mahuling kalaban.

12 Pagkatapos, naglagay si Samuel ng isang malaking bato sa pagitan ng Mizpa at ng Sen bilang alaala. Tinawag niya itong Ebenezer na ang ibig sabihi'y, “Tinulungan kami ni Yahweh hanggang dito.” 13 Natalo nila ang mga Filisteo at hindi na nangahas pang magbalik ang mga ito sa lupaing sakop ng Israel. 14 Nabawi ng Israel ang mga lunsod at lahat nilang lupain na nasakop ng mga Filisteo, mula sa Ekron hanggang sa Gat. Nakipagkasundo rin sa mga Israelita ang mga Amoreo.

15 Habang buhay na nanungkulan si Samuel bilang hukom sa Israel. 16 Taun-taon, nagpapalipat-lipat siya sa Bethel, Gilgal at Mizpa upang lutasin ang mga usapin ng mga Israelita. 17 Pagkatapos, umuuwi siya sa Rama at doon ipinagpapatuloy ang kanyang pamamahala bilang hukom. At doo'y nagtayo siya ng altar para kay Yahweh.

Humingi ng Hari ang Israel

Nang matanda na si Samuel, ginawa niyang mga hukom ng Israel ang kanyang mga anak na lalaki. Ang panganay niya ay si Joel at ang pangalawa'y si Abias. Sila'y nagsilbing hukom sa Beer-seba. Ngunit hindi sila sumunod sa halimbawa ng kanilang ama. Naging gahaman sila sa salapi, tumanggap ng suhol, at hindi pinairal ang katarungan.

Dahil dito, ang pinuno ng Israel ay sama-samang nagsadya kay Samuel sa Rama at kanilang(C) sinabi, “Matanda na po kayo. Ang mga anak naman ninyo'y hindi sumusunod sa inyong mga yapak. Kaya't ipili ninyo kami ng isang haring mamumuno sa amin tulad ng ibang mga bansa.”

Nalungkot si Samuel dahil sa kahilingan ng mga tao, kaya't nanalangin siya kay Yahweh. Sinabi naman sa kanya ni Yahweh, “Sundin mong lahat ang sinasabi nila sapagkat hindi ikaw kundi ako ang itinatakwil nila bilang hari nila. Ang ginagawa nila sa iyo ngayon ay ginagawa na nila sa akin mula pa nang ilabas ko sila sa Egipto. Noon pa'y tumalikod na sila sa akin, at naglingkod sa mga diyus-diyosan. Sundin mo sila, ngunit bigyan mo sila ng babala at ipaliwanag mo sa kanila kung ano ang gagawin ng hari na nais nilang mamahala sa kanila.”

10 Lahat ng sinabi ni Yahweh kay Samuel ay sinabi nito sa mga Israelita. 11 Ito ang sabi niya, “Ganito ang gagawin sa inyo ng magiging hari ninyo: Kukunin niya ang mga anak ninyong lalaki upang gawing kanyang mga kawal; ang iba'y sasakay sa kanyang karwaheng pandigma, ang iba nama'y sa hukbong kabayuhan at ang iba nama'y maglalakad sa unahan ng mga karwahe. 12 Ang iba'y gagawin niyang opisyal para sa libu-libo at sa lima-limampu. Ang iba'y pagtatrabahuhin niya sa kanyang bukirin at sa pagawaan ng mga sandata at sasakyang pandigma. 13 Ang inyong mga anak na babae naman ay gagawin niyang manggagawa ng pabango, mga tagapagluto at tagagawa ng tinapay. 14 Kukunin din niya ang pinakamagaganda ninyong bukirin, ubasan, taniman ng olibo at ibibigay sa kanyang mga opisyal. 15 Kukunin din niya ang ikasampung bahagi ng inyong ani sa bukid at ubasan para ibigay sa kanyang mga pinuno at mga opisyal sa palasyo. 16 Kukunin niya pati ang inyong mga alila, babae't lalaki, ang pinakamagaganda ninyong baka, kabayo at asno upang magtrabaho para sa kanya. 17 Kukunin din ang ikasampung bahagi ng inyong kawan at kayo'y gagawin niyang alipin. 18 Pagdating ng araw na iyon, irereklamo ninyo kay Yahweh ang inyong hari na kayo mismo ang pumili ngunit hindi kayo papakinggan ni Yahweh.”

19 Hindi pinansin ng mga Israelita ang mga sinabi ni Samuel. Sa halip, sinabi nila, “Basta, gusto naming magkaroon ng hari 20 upang kami'y maging katulad ng ibang bansa, at upang ang aming hari ang siyang mamamahala at mangunguna sa amin sa digmaan laban sa aming mga kaaway.” 21 Nang mapakinggan ni Samuel ang kahilingan ng mga tao, sinabi niya ang mga ito kay Yahweh.

22 Sinabi naman sa kanya ni Yahweh, “Pagbigyan mo na ang gusto nila. Bigyan mo sila ng hari.”

Pagkatapos nito'y pinauwi na ni Samuel ang mga Israelita sa kani-kanilang bayan.

Nagkita sina Saul at Samuel

Sa lipi ni Benjamin ay may isang mayamang lalaki. Siya'y si Kish na anak ni Abiel at apo ni Zeror, mula sa sambahayan ni Becorat at sa angkan ni Afia. Si Kish ang ama ni Saul na siya namang pinakamakisig at pinakamatangkad na lalaki sa buong Israel.

Minsan, nawala ang mga asno ni Kish. Kaya, inutusan niya si Saul na magsama ng isang katulong at hanapin ang mga asno. Naghanap sila sa buong kaburulan ng Efraim at sa lupain ng Salisa ngunit wala silang nakita ni isa man. Nagtuloy sila sa Saalim ngunit wala rin doon. Nagtuloy sila sa Benjamin at wala rin silang natagpuan doon. Nakarating sila sa Zuf ngunit wala pa rin silang nakita, kaya't nagyaya nang umuwi si Saul. Sinabi niya sa kanyang kasamang lingkod, “Umuwi na tayo at baka tayo naman ang inaalala ng aking ama.”

Sumagot ang kanyang kasama, “Sandali lang. Sa lunsod na ito ay may isang lingkod ng Diyos. Iginagalang siya ng mga tao sapagkat nagkakatotoo ang anumang sabihin niya. Pumunta tayo sa kanya, baka sakaling maituro niya sa atin ang ating hinahanap.”

Sinabi ni Saul, “Anong maibibigay natin kung pupunta tayo sa kanya? Ubos na ang baon nating pagkain.”

Sumagot ang katulong, “Mayroon pa akong tatlong gramong pilak. Ibibigay ko na ito sa kanya para ituro sa atin ang ating hinahanap.”

Noong panahong iyon, ugali ng mga Israelita na lumapit sa isang manghuhula kung may isasangguni sa Diyos. Manghuhula ang dati nilang tawag sa propeta.

10 Sinabi ni Saul, “Sige, tayo na. Pumunta tayo sa sinasabi mong lingkod ng Diyos.” At nagpunta nga sila sa lunsod na kinaroroonan ng nabanggit na lingkod ng Diyos. 11 Sa daan, nakasalubong sila ng mga dalagang sasalok ng tubig. “Narito kaya ang manghuhula?” tanong ni Saul sa mga dalaga.

12 Sumagot ang mga dalaga, “Opo. Kararaan lang niya papunta sa altar sa burol sapagkat maghahandog doon ang mga tao. Lumakad na kayo at pagpasok ninyo ng lunsod 13 ay makikita ninyo siya. Magmadali kayo upang maabutan ninyo siya bago makaakyat sa altar para kumain. Hindi kakain ang mga taong naroon hangga't hindi siya dumarating sapagkat kailangan munang basbasan ang mga handog. Pagkabasbas, saka kakain ang mga panauhin.”

14 At nagtuloy nga sila sa lunsod. Papasok na sila nang makita nila si Samuel na papunta naman sa altar na paghahandugan.

15 Isang araw bago dumating doon si Saul, nagpakita kay Samuel si Yahweh at sinabi, 16 “Bukas nang ganitong oras, may darating sa iyong isang lalaking taga-Benjamin. Pahiran mo siya ng langis bilang pinuno ng aking bayang Israel. Siya ang magtatanggol sa mga Israelita laban sa mga Filisteo. Naaawa na ako sa nakikita kong paghihirap ng aking bayan at narinig ko ang kanilang karaingan.”

17 Nang dumating si Saul, sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Iyan ang lalaking sinasabi ko sa iyo na maghahari sa Israel.”

18 Lumapit si Saul kay Samuel at nagtanong, “Saan po ba nakatira ang manghuhula?”

19 Sumagot si Samuel, “Ako ang manghuhula. Sumama ka sa akin sa altar sa burol at magsasalo tayo sa pagkain. Bukas ka na ng umaga umuwi pagkatapos kong sabihin sa iyo ang gusto mong malaman. 20 Huwag mo nang alalahanin ang mga asnong hinahanap mo sapagkat nakita na ang mga iyon. Sino ba ang pinakamimithi ng Israel kundi ikaw at ang sambahayan ng iyong ama?”

21 Sumagot si Saul, “Ako po'y mula sa lipi ni Benjamin, ang pinakamaliit na lipi sa Israel at ang aming angkan ang pinakamahirap sa aming lipi. Bakit po ninyo sinasabi sa akin iyan?”

22 Si Saul at ang kanyang katulong ay isinama ni Samuel sa handaan at pinaupo sa upuang pandangal. May tatlumpu ang naroong panauhin. 23 Sinabi ni Samuel sa tagapagluto, “Ihain mo rito ang bahaging ipinatabi ko sa iyo.” 24 Inilabas ng tagapagluto ang pigi at hita ng handog, at inihain kay Saul.

Sinabi ni Samuel, “Narito ang bahaging ibinukod para sa iyo. Kainin mo sapagkat iyan ay inilaan sa iyo sa pagkakataong ito.”

Nang araw na iyon, kumain nga si Saul kasalo ni Samuel. 25 Pagbalik nila sa lunsod, may nakahanda nang higaan sa ibabaw[a] ng bahay para kay Saul. Doon siya natulog nang gabing iyon.

Binuhusan ng Langis si Saul

26 Kinabukasan ng madaling araw, nilapitan siya ni Samuel at ginising, “Bangon na at nang makalakad na kayo.” Bumangon nga si Saul at silang dalawa ni Samuel ay lumabas sa lansangan.

27 Nang palabas na sila ng lunsod, sinabi ni Samuel, “Paunahin mo na ang katulong mo at mag-usap tayo sandali. Sasabihin ko sa iyo ang ipinapasabi ng Diyos.”

Lucas 9:18-36

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(A)

18 Isang araw, habang si Jesus ay nananalanging mag-isa, lumapit sa kanya ang mga alagad. Tinanong sila ni Jesus, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin? Sino raw ako?”

19 Sumagot(B) sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman po ng iba, kayo si Elias; may nagsasabi namang muling nabuhay ang isa sa mga propeta noong unang panahon.”

20 “Kayo(C) naman, ano ang sabi ninyo?” tanong niya sa kanila. “Kayo po ang Cristo ng Diyos!” sagot ni Pedro.

21 Mahigpit na itinagubilin ni Jesus sa kanyang mga alagad na huwag nilang sasabihin ito kaninuman.

Ipinahayag ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(D)

22 Sinabi pa niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao'y dapat magdanas ng matinding hirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya ay papatayin ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.”

23 At(E) sinabi niya sa kanilang lahat, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 24 Ang(F) naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. 25 Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung mapapahamak naman at mawawala ang kanyang buhay? 26 Kapag ako at ang aking mga salita ay ikakahiya ninuman, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang kanyang karangalan at ang karangalan ng Ama at ng mga banal na anghel. 27 Sinasabi ko sa inyo ang totoo: may ilan sa inyo ritong hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikita ang kaharian ng Diyos.”

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(G)

28 Makalipas(H) ang halos walong araw pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga ito, umakyat siya sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago. 29 Habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. 30 Biglang may lumitaw na dalawang lalaki na nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias, 31 na nagpakitang may kaningningan. Pinag-usapan nila ang pagpanaw ni Jesus na malapit na niyang isakatuparan sa Jerusalem.

32 Natutulog sina Pedro noon at paggising nila ay nakita nila si Jesus na nakakasilaw ang anyo at may dalawang lalaking nakatayo sa tabi niya. 33 Nang papaalis na ang mga lalaki, sinabi ni Pedro, “Panginoon, mabuti po at nandito kami. Magtatayo po kami ng tatlong tolda, isa para sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.”—ngunit hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi. 34 Nagsasalita pa siya nang liliman sila ng ulap, at natakot sila nang matakpan sila nito. 35 May isang(I) tinig na nagsalita mula sa ulap, “Ito ang aking Anak, ang aking Hinirang.[a] Pakinggan ninyo siya!” 36 Nang mawala ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Jesus. Hindi muna ipinamalita ng mga alagad ang kanilang nakita.